R-18, PLEASE READ AT YOUR OWN RISK. YOU HAVE BEEN WARNED!!!
"Aling Nelia! Aling Nelia!" Humahangos na sigaw ng isang binata palapit sa naiiritang Ginang. Hinampas ni Nelia ang mesa at pinukol ng masamang tingin ang lalaki.
"Ano ba naman 'yan, Julio?! Sigaw ka nang sigaw, hindi mo ba napapansing abala ako sa tong-its? Bwisit na 'to!" Tinapon niya ang braha sa mesa dahil sa inis.
Hindi pinansin ni Julio ang galit ng Ginang, nilapitan niya ito at hinila patayo. "Dalian niyo, Aling Nelia!" Natatarantang utos ni Julio dahil sa kaba at takot.
"Bakit mukhang natatakot ka?!" Singhal ng Ginang, hinampas niya ang kamay ng binata saka bahagyang lumayo upang mag-sindi ng sigarilyo.
"Si Baron ho, natagpuang patay sa loob ng bahay niyo." Kinagat ng binata ang kanyang labi dahil sa takot. Hindi maalis sa isipan niya ang wangis ng matalik na kaibigan.
"A-ano?!" Gulantang na tanong ni Nelia at nagmamadaling tumakbo patungo sa kanilang bahay. Naabutan niya ang mga nagkukumpulang tao sa labas ng kanilang tirahan, tinulak niya ang mga humaharang upang mabilis na makapasok.
Naabutan niya ang ilan sa mga pulis bitbit ang stretcher kung saan nakahiga ang anak na lalaki.
Nanginginig siyang lumapit sa bangkay ng anak at inalis ang puting telang nakatakip sa katawan nito.
"Baronnnn! Jusko! Ang anak ko! Ang anak ko, anong nangyari?!" Halos mabaliw si Nelia dahil sa wangis ng anak. Ang ilang parte ng balat nito sa ulo ay nahihiwalay na sa bungo. Hindi na rin makilala ang mukha ng anak dahil sa tinamong insidente.
"S-sino ang may kagagawan?! Ang anak ko! Baron, anak kooo!" Histerikal niyang sigaw at sinubukang i-angat ang katawan ng binata upang yakapin ngunit pinigilan siya ng otoridad. Mabilis nilang dinala ang bangkay sa pinakamalapit na Embalsamador.
NAKATITIG lang si Brie mula sa malayo, pinagmamasdan niya ang naglulupasay na si Nelia. Unti-unting sumilay ang ngisi sa kanyang labi.
"Brie! Anong ginagawa mo sa likod ng puno?" Napalis ang ngisi sa labi ng dalaga dahil sa tanong ni Iska, ang anak ng kapitbahay nilang tsismosa.
"Hinihintay kong umalis ang mga nagkakagulong tao," sagot niya at marahang lumabas mula sa pagkakatago. Lumapit siya sa dalagang si Iska, hindi niya pa rin inaalis ang tingin sa humahagulgol na si Nelia.
"Kawawa naman ang nanay mo, namatayan siya ng anak. Pero sino kaya ang pumatay kay Baron? Grabe naman ang brutal, talagang isinubsob niya ang mukha ni Baron sa loob ng kaldero." Hindi siya pinansin ni Brie bagkus ay naglakad ito patungo sa kanyang Ina.
Kusang tumabi ang mga nakiki-usyosong tao upang bigyang daan ang dalagang anak ni Nelia. Walang emosyon ang mukha ni Brie at taas-noo pa itong naglalakad.
Lumuhod siya sa tabi ni Aling Nelia saka tinitigan ang mukha nito. "A-anak? Ang k-kapatid mo..." Umiiyak na sumbong ni Nelia sa anak at niyakap.
Biglang may bumalot na saya sa puso ni Brie ngunit panandalian lamang iyon. Tinulak niya palayo ang katawan ng Ina. "Magpahinga na kayo, gusto mo bang samahan kita?"
Walang lakas na tumango si Nelia. Inalalayan siya ni Brie papunta sa kanyang silid. Marahan niyang inihiga si Nelia sa kamang gawa sa kawayan at may manipis na sapin.
"Matulog muna kayo, aasikasuhin ko ang bangkay ng aking kapatid." Akmang aalis ang dalaga nang pigilan siya ng Ginang, hinawakan ni Nelia ang palapulsuhan ni Brie kaya ito natigilan. Nakatitig ito sa kamay ni Nelia.
"Bigyan mo ng hustisya ang pagkamatay ng iyong kapatid. Hanapin mo ang may sala, dapat siyang managot sa batas."
Wala sa sariling tumango ang dalaga bago tumalikod. Patuloy lang siya sa paglalakad palabas ng kanilang tirahan. Wala na ang mga tao sa labas dahil bumalik na ito sa kanya-kanyang gawain, mabilis namang kumalat ang balita at umabot hanggang sa karatig-bayan.
Tuloy pa rin sa paglalakad si Brie, nakapagtatakang hindi manlang siya napapansin ng mga tao. Bumalik siya sa abandonadong parke at doon niya napansing nawawala ang totoong Brie.
Bumalik ang dating anyo ng elemento. Nagbabaga ang mga mata niya habang isa-isang tinitingnan ang mga nakuhang tao upang hanapin ang babaeng nagngangalang Brie. Hinalughog niya ang buong paligid kahit ang gubat, pero wala ang dalaga. Hindi ito mahagilap kaya ginaya niyang muli ang anyo ni Brie at bumalik sa tahanan nito.
"SAAN ka ba galing, anak?" Nag-aalalang tanong ni Nelia kay Brie. Bigla-bigla kasi itong nawawala at susulpot kung kailan niya gusto.
Tulala lang ang dalaga at mukhang malalim ang iniisip na siyang ipinagtaka ng Ginang.
Tinapik niya ang mukha ng anak ngunit hindi ito nagbibigay ng kahit na anong reaksyon.
Siguro'y nagulat din ito sa pagkawala ng kapatid. Iyon ang naisip ni Nelia at hinayaan ang anak.
Tumagilid siya at nagpasyang matulog. Itutulog niya ang sama ng loob dahil sa pagkawala ng panganay niyang anak.
Nang tumalikod si Nelia ay marahang gumalaw ang ulo ni Brie upang ibaling ang tingin sa Ginang, sumilay ang ngisi sa kanyang labi habang unti-unting inilalabas ang hawak na kutsilyong itinago niya sa loob ng damit.
Kinuha niya ang tali sa labas ng kusina at bumalik sa silid ng Ina, tinali ang walang kamalay-malay na si Nelia.
Sinimulan niyang bigyan nang maliliit na laslas ang katawan ni Nelia. Mukhang naramdaman niya ang hapdi kaya siya nagising.
"B-brie!" Magkahalong gulat at takot niyang sigaw nang makita ang anak na sinusugatan ang kanyang katawan.
"I-itigil mo... A-ano ba?! Nasasaktan ako, anak!" Ngunit walang naririnig si Brie, patuloy lang siya sa ginagawa. Nasisiyahan siya sa kanyang ginagawa kay Nelia.
"Hindi pa sapat ang ginawa ko upang pagbayaran mo ang sakit na idinulot mo."
BINABASA MO ANG
Phantom
TerrorSa gitna ng gubat, may pangyayaring hindi maipaliwanag. Sa oras na ika'y pumasok, walang daan upang makabalik.