Chapter 11
Hatid-sundo
Maraming nagbago. Napakaraming nagbago simula noong Pebrero.
Naging mas malapit kami sa isa't isa ni Salih kahit pa nalaman niya na crush ko siya at kahit wala siyang sinabi na gusto niya rin ako, hindi nagbago ang pakikitungo niya sa akin. At pinatigil ko na rin ang panliligaw ni JB. Para kasing mali na pinapaasa ko lang siya na magiging kami, eh wala naman talaga akong plano na sagutin siya.
Nagtapos ang school year na ako ang top one. Gr-um-aduate si Salih bilang Fifth Honors tapos ang dami niya pang special awards. Dumalo ako sa graduation niya kasi sabi niya magtatampo raw siya kapag hindi ako nakadalo.
Sabay rin naming winaldas ang mga araw at buwan ng bakasyon naming dalawa. Ilang beses na rin siyang pabalik-balik sa bahay kaya nakilala na rin siya nina Mama at Papa (nagtaka pa sila saglit kung bakit ko daw kaibigan ang anak ni Dr. Viernes). Ano pa bang ginawa namin? Aha! Madalas kaming maligo sa dagat dahil gusto kong umitim naman siya kahit kaunti lang. Ang putla-putla niya kasi.
Tapos sinama rin siya ni Papa mangisda ng isang beses. Wala siyang nakuha ni isang isda. Hindi niya kasi ma-gets na siya si Salih at hindi si Filimon. (Si Filimon, Si Filimon, namasol sa kadagatan...)
Tinuruan niya rin akong maglaro ng lawn tennis at madalas kaming naglalaro sa tennis court sa ospital. Tapos sa buong summer, pinakilala niya sa akin sina Taylor Swift, K-POP, tsaka si Ebe Dancel at Sugarfree, at marami pang iba. Napakaadik niya sa music tapos napag-alaman kong nagsusulat rin pala siya ng mga kanta pero hindi niya pa pinapakinig sa akin.
At ngayong unang araw na naman ng pasukan, grade 8 na ako at grade 11 na siya, mas marami pa sigurong magbabago. Mas marami pa akong matututunan tungkol sa kaniya. Mas marami pa akong malalaman na ikasisiya ko o ikabibiyak ng puso ko.
Tulad ngayon. Magkayakap kaming tatlo ni Joyce at Yllana dahil nalaman namin na ililipat pala sa kabilang section si Yllana. Hindi ko maiwasang mapaluha rin nang kaunti habang umaaklas na kaming tatlo at habang tinitignan ko ang nakangiting mukha ni Yllana.
"Hoy Joyce, 'wag ka ngang umiyak diyan. Magkikita pa naman tayo tuwing lunch break, ah!" suway ni Yllana habang tinatapik pa ang balikat ni Joyce.
Nalukot lang ang mukha ni Joyce at niyakap niyang muli si Yllana. "Huwag na huwag mo kaming ipagpapalit, ha?" si Joyce na ngayo'y sumisinghot na. Pinagtitinginan na rin kaming tatlo dito ngayon sa hallway.
Bakit ba umiiyak si Joyce? Naiiyak na naman tuloy ako!
Tumawa lang si Yllana habang hinahagod ang likod ni Joyce. Nagkatagpo ang mga mata naming dalawa kaya ngumiti na naman siya nang malapad, kahit na nakikita ko ang namumuong luha sa gilid ng kaniyang mga mata.
"Sus, oo naman. 'Di ko kayo ipagpapalit 'no. So, ano, maya na lang ha? Labyu. Ingat kayo do'n ha," maingat na sabi ni Yllana. Iniingatan niya na huwag pumiyok ang boses niya. Paano niya nagagawa iyan? Ang ngumiti kahit na gustung-gusto mo nang umiyak?
Pumasok na si Yllana sa loob ng classroom nila habang matamlay naman kaming naglalakad ni Joyce papunta sa bago rin naming classroom.
"Tayo na lang dalawa, Chan. Wala na si Yllana," matamlay na wika ni Joyce.
Siniko ko siya. "Shh. Tumigil ka nga. Ilang metro lang naman ang lalakarin natin para marating siya, eh."
Suminghot-singhot pa siya. "Ilang metro pa. Dati, katabi lang natin siya."
Sabi nila sa High School, ilang beses mabubutas ang puso mo. Ang kailangan mo lang gawin, ay panatilihing tumitibok ito. Pero kahit naman pagkatapos ng High School, sa reyalidad at normal na buhay, talaga namang mabubutas at mabibiyak at sa isang punto, tiyak na mapupunit ang puso natin.
BINABASA MO ANG
Field of Promises (SPSHS Series #1)
Teen FictionSa isang grand high school reunion, muling nagkatagpo ang landas ng dalawang taong minsang naging tahanan ang isa't isa. Sabi nila, first love never dies. Sabi naman ni Chandelier, first love doesn't have to be forever. Will love really be sweeter...