Simula

3.7K 48 1
                                    

Simula


"MAMA, ano 'to? Saan tayo?" tanong ko sa kanya. Napahawak ako ng mahigpit sa saya ni mama ng makita ko ang mga tao na nakaupo sa isang mahabang upuang kawayan na may iba't ibang kapansanan. May mga lumpo, mga bukol sa paa, mukha, braso, sakit sa balat at iba pang mga sakit na ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko. Kahit alam kong hindi dapat, hindi ko pa rin mapigilan na mandiri sa mga sakit na nakita ko. May mga bata na kaedad ko, sanggol, matanda, babae at lalaki ang nandoon na para bang naghihintay sila na sila naman ang pumasok doon sa isang maliit na puting tent.

Napatingala ako kay mama na hindi siya lumingon sa akin. Nakatingin siya sa puting tent na nakangiti.

"Mama..." tawag ko sa kanya.

Tumingin siya sa akin at yumuko para titigan ako.

"Anak...." Masayang tawag niya sa akin.

"Bakit?" tanong ko sa kanya. Bakit ang saya niya?

"Gagaling ka na..." masayang saad niya at malamyos na hinaplos ang mukha ko.

Napatitig ako sa mukha niya.

Puno ng pag-asa ang mga mata ng mama ko. Nabuhayan rin ako ng pag-asa.

Gagaling na ako?

Dahil sa sobrang saya ko, napangiwi na lang ako at hindi ko mapigilang umiyak.

"Talaga?" masayang tanong ko.

"Oo." Umiiyak na sagot ni mama. Pinunasan niya ang luha niya pati na rin ang akin. Inayos niya ang buhok ko pagkatapos nginitian ako. "May ipapakilala ako sa 'yo..." sabi niya sabay hila sa akin papunta doon sa puting tent.

Napatingin ako doon sa mga taong nakapila doon sa may tent. May mga dala rin silang mga prutas, manok, kambing, baboy at kung anu-ano pa. Tumingin sa akin 'yung matandang lalaking may benda sa mata kaya napatingin ako kay mama. Kinilabutan ako sa itsura niya!

Nang nasa loob kami ni mama sa tent. Napakunot ang noo ko. May isang altar, higaan 'tapos mga maiitim na kandila. Ano 'to?

Biglang binitawan ni mama ang kamay ko kaya napatingin ako sa kanya. May nilapitan siyang lalaking nakaupo at nanghuhugas ng kamay.

"Ka Impeng." Magalang na tawag ni mama doon sa lalaki. Lumingon ang lalaking naghuhugas ng kamay kay mama. Matanda na siya. May mahaba siyang balbas at kulubot na ang balat niya. "Rosa!" masayang saad niya. Nagkabatian sila.

Mayamaya lamang ay tumingin sa akin 'yung lalaki pero saglit lang tapos tumingin ulit kay mama.

"Siya ba..." sabi niya kay mama.

Tumango lang si mama at lumingon sa akin. "Rosario, anak halika rito..." tawag sa akin ni mama. Lumapit ako sa kanya. Dahan-dahan. Kaya siguro sinabihan ulit ako ni mama na bilisan ko ang paglapit. Pagkalapit ko kay mama, humawak ulit ako sa saya niya at tumago sa likod niya. Sumilip ako para matingnan ang lalaking nasa harapan ni mama.

Ngumiti siya sa akin kaya napatago ulit ako sa saya ni mama.

"Pasensya na Ka Impeng, hindi lang talaga siya sanay sa mga tao..." humihinging paumanhin ni mama sa kanya. Pinilit na alisin ni mama ang kamay ko sa saya niya para mailagay niya ako sa harapan niya. "Anak, magpakilala ka kay Ka Impeng, siya ang magpapagaling sa 'yo." Sabi ni mama kaya napatingin ako kay mama.

"Talaga?" tanong ko kay mama.

Kung ganoon, siya ang mapagwawala ng sakit sa puso ko? Sabi kasi ng doctor noong bumisita sa lugar namin. Mahina daw ang tibok ng puso ko kaya kailangan kung pumunta sa lungsod para magpa-doctor sa lugar nila at masuri ako ng mabuti. Kaso walang pera si mama kaya sa mga albularyo niya ako dinala imbes sa hospital. Sabi ng mga albularyong tumingin sa akin, na-engkanto lang daw ako kasi hindi daw pantay ang hintuturo ko. Lapitin daw kasi talaga ako ng engkanto kasi maganda daw akong bata at tahimik...

My Sweet RosarioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon