Chapter 1

646 3 3
                                    

TALAGA bang okey lang sa iyo, Aspen, na maiwan muna kita rito sa Tahatma? Kung pipigilin mo ako, maaari naman akong tumanggi sa pakiusap ni Rick na ako muna ang mamahala sa computer school nila ni Samanta sa Makati habang nasa abroad sila." Worried na nakatingin si Araw sa kanyang kaibigan. Kinabukasan kasi'y tuloy na ang pagpunta niya sa Maynila at titigil siya roon nang tatlong buwan. Tatlong buwang mawawala sa Pilipinas ang mag-asawang Rick at Samanta. Ngayon lang kasi maisasama ni Rick ang asawa para sa world tour.
Ngumiti si Aspen, pinasigla ang boses. "Bakit ba ako ang iniintindi mo? Magandang opportunity ang maka-experience ka ng pamamahala ng school. Tutal ay qualified ka. Matagal na tayong instructors sa computer school dito sa Tahatma. Malay mo, kapag naroon ka na, matulad ka rin sa lima nating kaibigan na gumanda ang buhay."
"Bakit naman hindi kita iintindihin? Dadalawa na lamang tayong naiwan, magkapareho ng kapalaran. Silang lima'y hindi na gaya natin, hindi na nga natin maabot."
Sinipat ni Aspen si Araw. "Teka, are you
bitter? Naiinis ka ba at tayong dalawa na lamang ang hindi maligaya sa ating zero lovelife?"
Ibinaling ni Araw ang magandang mukha sa dagat. Sila'y nasa kanilang paboritong bahagi ng dalampasigan. Dati, pito silang nakaupo dito, nagkukuwentuhan.
Pero ang lima ay may mga bahay-
bakasyunan na lamang sa Tahatma. Nakabase na talaga sa Maynila.
Lahat ay maligaya sa piling ng kanilang mga asawa at anak. Silang dalawa na lamang ni Aspen ang naiwan. At ngayon ay magkakahiwalay pa.
Naaawa siya kay Aspen. Dahil pag-alis niya, mag-isa na lang ito.
"Tingnan mo nga si Samanta, aalis sila ni
Rick, maglilibot sa lahat ng panig ng mundo. Hindi ko ma-imagine noon na ang ating kaibigan ay makakatikim ng ganoong buhay."

"Lahat naman silang nagsipag-asawa na ay talagang nagkaroon ng marangyang kalagayan. Pero wala naman sa kanilang nakalimot sa atin, hindi ba? Madalas pa rin silang dumalaw sa Tahatma. Mahal pa rin nila tayo, pati si Ina Mariana. Kailangan lang naman talaga nating tanggapin, Araw, na hindi pare-pareho ang kapalaran ng tao. Kung lima lamang sa pito ang nagtagumpay sa pag-ibig at umasenso sa buhay, so be it. Kung tayong dalawa ay tatandang dalaga, at mananatiling simple ang narating, pilitin pa rin nating sumaya at makuntento. After all, hindi naman maaaring sabihin na wala talagang nangyari sa ating buhay. Look at Tahatma. Katulad natin, umunlad na rin naman ito. Lahat ng modern facilities ay naririto na. May airport na nga tayong moderno, dahil naman sa asawa ni Lorika na si Jude."

Napangiti si Araw. "Ikaw pa na iiwan ko ang may positive outlook. Baligtad yata."
"Don't worry about me, Araw. Natutuwa
nga ako para sa iyo. Lahat ng mga kaibigan natin na pumunta ng Maynila ay hindi umuwing bigo. Iyan din ang gusto kong asahan sa iyo."
"At paano ka na nga? You will be alone."
"Hindi ko naman gaanong mararamdaman
iyon. Dahil sa pag-alis mo, sa akin naman ibinigay ni Rick ang full responsibility ng pagpapatakbo sa kanilang computer school dito."
"Hindi kaya ma-bored ka nang masyado
kung wala ako? Sana, tayong dalawa na lang ang pupunta ng Maynila."
"Hindi maaari.Sinadya ni Rick na ikaw lang.

Para naman may maiwan pa ring mapagkakatiwalaan niya sa school dito. Oy, sige na, umuwi ka na para naman pormal na makapagpaalam ka na sa inyo. Malapit na ang pag-alis ng eroplanong sasakyan mo." Itinaboy na niya si Araw para hindi na humaba ang malungkot nilang usapan.
"Sabay na tayong umuwi."
"Dito na muna ako. Gusto ko pang
lumangoy sandali, e. May suot akong bathing suit sa loob."
"Sige." Kumaway na si Araw, lumayo.
Pagtalikod ng kanyang kaibigan, saka
lamang hinayaan ni Aspen na malambungan ng lungkot ang kanyang mala-anghel na mukha.

Humarap siya sa direksiyon ng araw.
Tanghali na pero dahil sa mas makapal ngayon ang ulap sa isla, ang paligid ay may nakalulungkot na kulay. Maputla ang liwanag.
Hindi totoong hindi siya naapektuhan ng pag-alis ni Araw. Oo nga't naririyan pa rin si Ina Mariana. Pero ang pagkawala ng huli niyang kaibigan na dalaga ay may psychological at emotional effect sa kanya.
Para bang kawawa nga siya. Siya na lamang ang maiiwan dito sa Isla Tahatma. Pito silang nagtuturingang parang magkakapatid noon. Sabay na nangarap, sabay na umibig.
Ngayon, ang lima ay fulfilled na kung puso
ang pag-uusapan. At si Araw, maaaring pagdating nito sa Maynila ay tatahakin na rin ang bagong guhit ng kanyang kapalaran.
Naroon si Kit, ang lalaking inalagaan noon ni Araw sa Tahatma. Magkakatagpo ang kanilang mga landas. Mahirap mang umasa na katulad ng lima nilang kaibigan ay magkakaroon din ng katuparan ang pangarap na pag-ibig ni Araw, nabuksan naman kahit papaano ang maliit na posibilidad na may mangyayaring maganda. Sino ang makapagsasabi?
Tama naman si Araw. Siya na nga lamang ang natitira. Nag-iisa. Maiiwan.
Kaya kahit ayaw niyang malungkot, ang
nasa likod ng kanyang matatag na mukha kanina ay pagkaasiwa sa sarili.
Sa puso ay wala pa rin siyang naipalit kay Dave, ang lalaking inalagaan niya noon, kasama ng pitong binatang napadpad noon sa dalampasigan ng Tahatma.
Matagal na niyang hindi ito nakikita. Ang pinakahuli ay noong kasal nina Lorika at Jude. Noong isang taon pa.
At kahit nasa iisang table sila noon ni Dave
sa reception ay hindi naman ito nakipag-usap sa kanya nang matagal. Mailap pa rin ang binata. Parang natatakot na mapadikit sa kanya.
Masakit iyon. Noong inaalagaan niya si
Dave, malambing naman ito. Parang bata. Masaya sila. Akala nga niya, hindi na sila magkakahiwalay nito. Na hindi ito magbabago. Pero nang lumakas at bumalik sa Maynila, ni hindi na siya naalala nitong sulatan.
Iisa ang pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit nilayuan siya ni Dave. Ang agwat ng kanilang pagkatao. Si Dave ay mayaman, siya ay mahirap. Si Dave ay city boy. Siya ay isang islander. Ang mundo ni Dave ay nababalot ng sopistikasyon. Siya ay isa lamang simpleng dalaga na lumaki sa isla. Narinig niya sa usapan ng kanyang mga kaibigan na ang dalawang binata raw na hindi pa nagkakaasawa, sina Dave at Kit, ay very critical pa rin sa pag-aasawa ng lima nilang kasama.
Hindi naniniwala sina Dave at Kit na tama
ang ginawa ng kanilang limang kasama, sina Lito, Jeffrey, Rick, Franz at Jude.
The big fools! Ito marahil ang tawag nina Dave at Kit sa lima.
At baka nga isinumpa nina Dave at Kit na kailanman ay hindi sila matutulad sa mga kaibigan nilang ito na bumagsak din sa pagpapakasal sa mga dalagang Tahatma na nag- alaga sa kanila noon.
Napangiti nang mapait si Aspen habang nakatitig sa pinakamalayong bahagi ng dagat na nararating ng kanyang mga mata. Sa dakong iyon ay ang direksiyon ng Maynila. Doon pupunta si Araw. Naroroon ang lima pang kaibigan nito.
Ang layo na nga ng ngayon sa noon.
Nag-iisa na lamang siya ngayon na nangangarap.
At nangangarap pa rin ba siya hanggang
ngayon na makaalis sa islang ito at magkaroon ng mas exciting na buhay sa Maynila?
Parang isa nang malaking kalokohan kung hindi niya titigilan ang pangangarap. Napakaimposibleng magkatotoo na ang pitong dalagang umasam ay matutupad ang gusto.
Hindi ba sa kahit anumang game of chance ay meron naman talagang talo?
Siya ang pinakahuling naiwan dito sa Tahatma. Lima na ang nanalo. Isa ang pupunta na naman sa Maynila.
Sa kahit saan mang anggulo tingnan ang sitwasyon, siya lamang ang talagang walang katsansa-tsansang matulad sa limang nagtagumpay.
Tumingala si Aspen sa makapal na ulap na nakatunghay sa Isla Tahatma.
At sinabi niya nang malakas: "I'm stuck
here! I'm stuck in this damned beautiful island!"
Pero kahit may pait sa kanyang puso, naniniwala siyang masaya pa rin naman siya.
Inilibot niya ang paningin sa napakaganda nilang isla.
Isa itong paraiso, modernong paraiso sa ngayon! At kung mawawala na rin pati si Araw dito, hindi ba dapat ay may maiwan kahit isa man lamang sa kanila?
Silang pito ang itinuturing na living legends ng Tahatma. Sa kanila raw nag-umpisa ang pagsikat ng islang ito. Ang kuwento ng pitong binatang inalagaan ng pitong dalaga ng isla ay halos buong mundo na yata ang nakakaalam.
Kaya nga sa mga magasin ay may
tumatawag na sa Isla Tahatma ng Island of Romance. Dahil nga sa romantic true to life story ng pitong dalagang islander at pitong binatang taga-Maynila.
Pero mabibigo siguro ang nag-aabang ng happy ending sa kanila ni Dave.
Malabo. Malayong mangyari.
Si Araw, baka sakali. At ipinabaon niya sa kanyang kaibigan ang lahat ng panalangin na sana nga, sa Maynila, matagpuan din nito ang tagumpay sa pag-ibig.
SA mansiyon ng mga Barcelona sa Ayala Heights, matindi pa rin ang sagupaan.
Sagupaan ng galit. Sa panig ni Dave at sa
panig ng kanyang madrastang si Lilibeth Cuares Barcelona. O Lily.
Si Lily ang pangalawang asawa ng
namayapa nang ama ni Dave, si Pablo Barcelona.
Kuwarenta anyos na si Lily, maganda pero maputla. Talamak na ang kanser nito sa katawan na nagsimula sa uterus nito.
Pero ang nakatitig na kamatayan kay Lily ay hindi naging dahilan para magkasundo ang dalawa.
Si Lily ay dating GRO, maraming lalaki ang pinagdaanan, bago ito napakasal sa ama ni Dave.
Seloso si Pablo Barcelona at ang atake sa
puso na ikinamatay nito ay sanhi ng pagseselos kay Lily.
Hindi napatawad ni Dave ang madrasta
dahil dito. At lalo niya itong kinasuklaman nang ang kalahati ng yaman ng mga Barcelona ay ipinamana pa ng kanyang ama kay Lily.
Pati nga ang mansiyon ay hati sila ng
karapatan dito. Ayaw na ayaw ni Dave na maging kasambahay ang kanyang madrasta, pero hindi naman niya ito mapaalis.
Naninindigan si Lily sa kanyang karapatan
sa bahay. O sadyang nang-iinis lamang dahil nga sa trato sa kanya ni Dave.
Hindi naman magawa ni Dave na siya ang umalis sa kanilang tahanan. Dito siya isinilang. Naririto ang alaala ng kanyang mga magulang. No way. Hindi niya isusuko ang isang tahanan na may sentimental value sa kanilang pamilya sa isa lamang babaing kung saan noon napulot ng kanyang ama.
"Bakit mo pinaalis ang bagong garden set na inilagay ko sa tabi ng swimming pool?" Gigil na sinumbatan ni Lily ang anak ng asawang namayapa.
"Dahil sa bahay at sa bakuran ng tahanang
ito, walang dapat mabago. Kung ano ang mga gamit at ayos na iniwan ng mama ko noon, dapat manatili. Ang garden set na itinabi mo sa bodega ay more than twenty years nang inuupuan diyan sa swimming pool. Paborito iyon ng mama at papa ko. How dare you to even think of replacing them! Kaya iyong binili mong garden set ang ipinalagay ko sa bodega at ibinalik ko ang original garden set sa tabi ng swimming pool! At huwag mo nang ulitin ang ginawa mo kung ayaw mong magkagulo tayo nang husto!" Ang guwapong mukha ni Dave ay napuno ng hindi mailarawang poot sa pangalawang ina.
Hindi niya talaga maubos-maisip kung bakit ang babaing ito ang ipinalit ng papa niya sa namatay niyang ina.
"May karapatan na rin ako dito,
nakakalimutan mo na ba? Fifty percent ng bahay na ito ay akin!"
"Hindi lamang nagkaroon ng pagkakataon si Papa na baguhin ang naipagawa niyang testamento. Paano nga, biglaan siyang namatay sa heart a"ack na sanhi ng kataksilan mo!"
"Hindi ako nagtaksil! Inakala lang iyon ng
ama mo! Ngayon na nasa kabilang buhay na siya, alam na niya kung ano ang totoo! Seloso lang talaga siya at hindi ko naman siya sinisisi dahil nga mahal na mahal niya ako!"

Wala sa kalingkingan ng pagmamahal ni Papa sa mama ko ang pagmamahal na iniukol niya sa iyo." Nakaismid si Dave.
"Oo na! Maaaring totoo iyan! Pero totoo rin
na minahal din ako ng ama mo! Ang dapat nga'y maging mabait ka na sa akin dahil alam mo na naman na malapit na rin akong mamatay! Wala pa naman akong anak, hindi kami nagkaanak ng papa mo. Kung magkakasundo tayo, kanino ko pa ba iiwan ang ipinamana niya sa akin kundi sa iyo rin?" Sinurot pa ni Lily si Dave.
Mabilis namang pinalis ni Dave ang kamay
ng madrasta. "Hindi ako ang klaseng yuyuko nang dahil lamang sa pera. Pero kung may delikadesa ka, kung may hiya ka, hindi na kailangang amuin pa kita para ibalik mo sa aming pamilya ang kayamanang napasaiyo! Because you just don't deserve it! Kung ako sa iyo, ibabalik ko sa talagang may-ari ang yamang iyan, para gumaan ang kaluluwa mo at makaakyat sa langit!"
Tinalikuran ni Dave ang kandaiyak na madrasta.
Sa kanyang puso, hindi niya talaga
matagpuan ang awa sa babaing ito. Kahit pa nabibilang na lamang ang araw nito sa mundo.
Humihikbing umupo sa sopa si Lily. Kuwarenta anyos lamang siya. Maganda, pero kung titingnan siya ngayon ay parang matanda na. Lumalim ang mga pisngi niya, nangingitim ang paligid ng mga mata.
Marahil, dahil nga sa malala niyang sakit. Marahil, dahil din sa hirap ng kanyang kalooban kay Dave.
Ang gusto lang naman niya, sana ay respetuhin man lang siya. Minahal naman niya talaga si Pablo Barcelona. Kaya nga gusto rin sana niyang mahalin ang anak nito.
Kung hindi niya iisipin ang hindi makatarungang galit ni Dave sa kanya, alam niyang ito ay isang tao na dapat hangaan.
Taglay ni Dave ang mga katangian ng namayapa nitong ama. May karakter ito, hindi basta makisig lamang. Matalino, magaling mamahala sa mga kabuhayang naiwan ng mga magulang.
At nakikita niya na sa ibang tao, sa kanilang mga empleyado sa negosyo man o sa mansiyon, mabait si Dave. Mapagbigay. Maunawain. Hindi maramot lalo na sa pera.
Marunong itong makipag-usap, marunong gumalang sa lahat.
Maliban nga lamang sa kanya.

Paano  Ba ang SumukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon