Dear You,
First of all, gusto ko lang sabihin na ikaw ang pinakaunang taong naging crush ko ng ilang taon. Siguro nga hindi na 'to basta crush lang kasi sana, ilang weeks lang 'di ba or even days, kaya lang 'yong years na ang usapan ay iba na.
Paano nga ba nagsimula ang lahat? Sige, ikukwento ko sa'yo kung paano ba kita nakilala at kung paano mong binago ang takbo ng dating simple kong mundo.
6 years ago, I accidentally met you. Nagkakalikot ako no'n ng phone ng mama ko, nang aksidenteng napapunta ako roon sa mga files niya. Bale, keypad pa nga iyong gamit namin no'n at binigay lang 'yon ng kapatid ko.
Noong una kitang makita akala ko wala lang kasi wala naman akong picture na nakita sa may pangalan mo. In-scroll ko lang nang in-scroll 'yong info tungkol sa'yo, kasi ang haba niyon eh, so ang tamad na ako ay dinedma ka.
Dumaan pa ang mga araw at paulit-ulit lang 'yong naging routine ko roon sa phone na 'yon, kasi ang tanging laro lang naman doon ay ang walang kamatayang 'snakes.' Hindi ko alam kung anong sumanib sa'king mabuting ispiritu, at nang sa muli kong subok na puntahan ulit 'yong pangalan mo ay naglakas loob na akong basahin iyong lahat ng tungkol sa'yo.
At first, natakot pa nga ako kasi hindi ko alam kung anong tawag doon sa parang site na 'yon eh, pero ang timang na ako ay nawili sa pagbabasa. And that's the time na hindi ko na mahinto 'yong sarili kong kilalanin ka pa.
Mula umpisa, kilala na kita. Mula bata ka pa ay nagawa kong alamin kung anong puno't dulo ng kwento mo, at kung bakit naging ganiyan ka. Sinamahan kita hanggang sa magbinata ka, at halos lahat ng kwento tungkol sa'yo ay alam ko na.
Kasama mo ako noong mga panahon na napakamisteryoso mo pa, noong mga panahong wala ka pang kinakausap ni isa. Sa school, madalas kang umiwas sa mga tao kaya maski 'yong mga nagkakagusto sa'yo ay tinatakbuhan mo. Kahit ang madalas mong pagpasok nang maaga, at pag-upo mo sa sulok ng room ay alam ko. Tapos kapag uwian naman ay madalas kang magpahuli sa pag-umuwi, at tulad ng dati ay tatambay ka muna roon sa paborito mong parte 'sa sulok ng room,' at magdamag kang maghihintay sa pagsilip ng buwan.
Alam ko rin 'yong pagdurusa mo, at ang pangungulila mo sa mga magulang mo. Ramdam ko iyong galit at lungkot mo sa sarili mo, nang makita mo 'yong pagkawala ng kapatid mo sa mismong harap mo. Sa wari mo pa nga noon ay ikaw ang may kasalanan kasi ikaw ang dahilan nang pagkalunod niya, kaya hindi mo magawang patawarin 'yong sarili mo dahil doon. Maging kung paano ka naging masaya, at nagbago nang dumating siya sa buhay mo.
Oo, naroon din ako. Naroon ako nang magkakilala kayo, pati na ng eksaktong oras na magkasabay kayong maglakad pauwi sa inyo ay nakita ko. Nakatanaw lang ako sa malayo, nagmamasid. Nag-aabang, at nagbabantay sa'yo.
Nakita ko kung paano ka niya unti-unting binago. Naramdaman ko 'yong saya mo, kasi nasa tabi mo na siya. Ramdam ko ang saya niyo nang minsang napaaga pareho ang dating niyo sa school, at tinuruan mo siyang tumugtog ng gitara sa building D ng school niyo. Kung paanong manakit ang kamay niya, pero sabi mo ay 'Sanayan lang ang pagtutog ng gitara.' At simula rin nang araw na iyon, nagsimula ko na ring pangarapin na balang-araw ay matututo rin akong tumugtog ng gitara, but sad to say, hanggang ngayon ay hindi pa dumarating 'yong time na 'yon.
At kung paanong dumating ang pagbubukas ng mga clubs sa school, at kinuha ka bilang basketball player ay alam ko. Noong una ay hindi ka pa pumapayag, pero noong sinabi niyang sumali ka ay ginawa mo nga.
Ang sarap sa pakiramdam na makita kang unti-unting magbago, at kung paanong unti-unti mo ring tanggapin ang totoo. Sa mga oras na 'yon ay walang pagsidlan ang saya ko. Ang saya ko para sayo, kahit hindi ako 'yong kasama mo nang unti-unti mo ng nakakamit ang mga pangarap mo.
Lumipas ang mga araw, nang sumali ka sa banda ng school at nagkaroon ng puwesto bilang lead guitarist at lumaban agad sa battle of the bands, kasama mo siya at rinig na rinig ko pa kung paano mong ilarawan ang suot niya sa mic mo't sabihing dedicated sa kaniya 'yong tutugtugin mo. Kinikilig ako para sa inyo pero naroon 'yong ingit, at iyong hiling na sana ako na lang 'yon. Na sana para sa'kin na lang 'yon, pero alam ko namang imposibleng mangyari 'yon.
Noong prom night, doon sa Science Garden naalala mo? Doon ka nagpaalam sa kaniyang aalis ka, at hindi mo alam kung gaano ka katagal doon, at sabi mo pa nga "Promise, babalikan kita..." Pero ang sagot niya'y "H'wag, kung magiging masaya ka ro'n, hindi mo kailangan bumalik,' naroon din ako.
Nang araw nang pag-alis mo para pumunta sa ibang bansa kasama 'yong mga magulang mo, dahil finally ay nagkaayos din kayo ng dahil sa kaniya ay nasaktan din ako. Nang sandaling magpaalam ka sa kaniya ay parang tinataga rin 'yong puso ko.
Sana ako na lang. Sana ako na lang 'yong babaeng 'yon. Iyong babaeng nakapagpabago sa'yo, at 'yong babaeng kasama mo nang mga oras na hindi mo alam na nage-exist ang isang ako. Sana ako na lang 'yong babaeng minahal mo.
Masakit, oo, pero hindi ko maitatanging masaya ako para sa inyo, pero hindi ko maalis sa sarili kong masaktan. At ang katotohanang hindi mo 'ko kilala, samantalang kilalang-kilala kita ay masakit.
Gusto ko sanang ipaglaban ka, kaya lang anong laban ko ro'n sa taong perpekto. Bagay talaga kayo kasi pareho kayong perpekto, samantalang puso ko lang ang maibibigay ko sa'yo.
Talaga nga namang napakasakit ng reyalidad ng buhay. Ako 'yong kasama mo, pero hindi ako iyong pinili mo. Pero sa bagay, hindi mo nga pala ako kilala. Hindi mo alam na nage-exist ako, kaya wala akong magagawa kun'di patuloy ka na lang tingnan mula sa malayo.
Nakatira ka kasi sa libro, habang ako ay nasa totoong mundo. Isa kang tauhan sa kwento, samantalang ako ay isang masugid na tagasubaybay ng kwento ninyo. Iyong ka-love team mo ay kasama mo, pero ako ay nasa malayo lang at sa inyo'y nakatanaw. Nabubuhay ka sa fantasy world, pero ako ay nasa real world. Hanggang dito na nga lang talaga marahil ang papel ko sa buhay mo dahil masaya ka naman na at kasama mo na 'yong leading lady mo, kaya panahon na siguro para magsulat na lang ako, at magbabakasakaling makatagpo rin ako ng kagaya mong totoong tao, at nabubuhay talaga sa totoong mundo.
Pero sa pagtatapos nitong sulat na 'to, isa lang ang masasabi ko, 'proud akong ikaw 'yong naging crush ko, kahit fictional character ka lang sa libro.' Salamat sa alaala kahit hindi mo ko maalala...
Nagmamahal,
Reader.
