Chapter 2

250 1 0
                                    

MULA nang mawala na rin si Araw, nag-iisa na lamang talaga si Aspen sa ritwal na pagdalaw sa paborito nilang bahagi ng dalampasigan.
Kahit marami na ring mga libangan sa Tahatma, katulad ng shopping arcade, sports center, theaters, hindi naman siya laging nawiwiling pumunta sa mga ito.
Mas gusto pa rin niya ang tahimik na bahaging iyon ng dagat. Ang alaala nilang magkakaibigan ay kapiling niya rito.
Paminsan-minsan, kasama niya si Ina Mariana rito.
Pero dahil nga medyo mahina na rin ang matanda, mas gusto pa nitong sa hardin na lamang nito maglibang.
Nang hapong ito, habang nakatanaw si Aspen sa dulo ng dagat, nakaupo sa isang malapad na bato na nakadapa sa buhangin, may isang taong nangahas na sumali sa kanyang malungkot na mundo.
"So, this is the part of the shore na paborito ninyong pito!" Bigla na lamang nagsalita ang babae na nasa likuran ni Aspen.
Gulat na napalingon si Aspen.
Ang nakita niya ay isang babaing matured
na pero maganda pa rin. Kaya nga lang ay maputla, parang sakitin. Halatang may pera, dahil sa suot na damit at mga alahas.
Titig na titig ito sa kanya.
Isa na naman ito sa mga taong kabisado na
ang true to life story ng pitong dalagang Tahatma na nag-alaga ng pitong binatang taga-Maynila.
Kahit na-invade ang kanyang privacy ay nginitian ito ni Aspen. "Makailang ulit na ninyong nabasa ang kuwento naming pito sa mga magasin at diyaryo?"
"Marami na. Sikat na sikat kayo, e. Pati itong inyong isla. Unang pagparito ko ito. Napakaganda nga pala. Ang sabi nga doon sa artikulong nabasa ko sa diyaryo, hanggang ngayon daw, lagi pa rin kayong pumaparito sa lugar na ito. Totoo nga. Narito ka, e." Kahit hindi pa inaanyayahan ni Aspen ay kusa nang umupo sa isa pang malaking bato ang bagong dating.
"Ako na lang. Ako na lang ang natitirang nakatira dito. Dalawa pa kaming dalaga pero ang isa'y nasa Maynila na." Magaan kaagad ang loob ni Aspen sa estranghera, ewan niya kung dahil ba sa hitsura nito na halatang may sakit. "Kahapon ako dumating dito." Matamis ang ngiti ng babae.
"Saan kayo nakatigil?"
"Sa Seabreeze." Pinakamalaking hotel sa Tahatma ang tinuran nito.
"Ako nga ho pala si Aspen.Ano naman ho
ang pangalan n'yo? Dito sa amin, kung may pagkakataon din lang, gusto talaga naming maging kaibigan ang lahat ng nagbabakasyon o dumadalaw sa aming isla."
Nasa mga mata ng babae ang kuryosidad at interes kay Aspen, nasa mga labi pa rin ang genuine na ngiti. "Kilala na kita. Sinusubaybayan ko ang istorya ninyong pito, lalo na ikaw."
Napakunot ang noo ni Aspen. "Siyanga po
ba? E, bakit naman parang. . binibigyan ninyo ako  ng importansiya?"
Pumormal na ang mukha ng babae. "Dahil
ako ay madrasta ni Dave Barcelona. Ang lalaking minahal at inalagaan mo dito sa Tahatma noon. Ako si Lilibeth Barcelona. Lily for short."
Napaawang ang bibig ni Aspen. Wala siyang malamang isagot kaagad sa kausap.
"Siyempre, mabibigla ka. At magtataka. Bakit nga ba sinadya kita dito sa Tahatma?"
Yumuko si Aspen. "Kahit naman sino ay maaaring pumarito. Sino ba naman ako para isiping ako ang sinadya ninyo dito sa isla?"
"Nagbabakasyon ako dito. Pero talaga ring ikaw ang sadya ko, Aspen." Seryoso na ang mukha ni Lily.
Napatingin dito si Aspen. "Bakit ho?"
"Inapi ka rin ni Dave, right?"
Kumunot na naman ang noo ni Aspen.
"What do you mean, inapi?" Naglagay kaagad ng precautionary measure si Aspen.
May hinanakit nga siya kay Dave pero hindi
ito magiging dahilan para magtiwala na kaagad siya sa babaing ito. At ibubuhos niya rito ang lahat ng sama ng loob niya sa lalaking minahal niya.
"Hindi ba sabi ko, nasusubaybayan ko ang kuwento n'yo? Minahal mo siya, inalagaan, you nursed him back to life, pero ano ang iginanti niya? Iniwan ka rin. And worse, ni hindi na dinadalaw. Ni hindi na sinusulatan. Basta ka na lamang niya binura sa isip at puso. Malinaw na pang-aapi iyon, Aspen." Kumuha ng sigarilyo si Lily sa bulsa ng kanyang bestida, pati lighter.
Sinindihan nito ang sigarilyo at nagbuga ng usok sa ere.
Nairita si Aspen. Hindi lamang sa pagka- atribida ni Lily, kundi dahil na rin sa pagwawalang-bahala nito sa kalusugan na kitang- kitang sumasama.
"May sakit yata kayo, hindi na kayo dapat pang naninigarilyo." Iba ang sagot niya.
"It doesn't matter anymore, Aspen.
Mamamatay na rin naman ako. Malapit na. Huli na para itigil ko ang paninigarilyo. Malala na ang big C ko. You now big C, kanser!"
Kinilabutan si Aspen. Gusto na tuloy niyang takasan ang kausap. Ano ba talaga ang sadya nito sa kanya?
At totoo bang madrasta nga ito ni Dave?
Matalas si Lily. Parang nabasa ang nasa isip ng dalagang Tahatma.
May hinugot na naman ito sa bulsa. "Heto
ang driver's license ko. Para matiyak ko sa iyo ang identity ko. At heto rin ang litrato namin ng asawa ko, na ama ni Dave. Hindi ka magdududa sa hitsura nila, mag-ama talaga. Kahawig na kahawig si Dave ng kanyang papa."
Tiningnan ni Aspen ang lisensiya. Tinitigan niya nang matagal ang litrato. Nakaakbay ang isang lalaking may edad sa kanyang kausap ngayon. Kahawig na kahawig nga ni Dave ang lalaki. Hindi pagdududahang ama ni Dave.
Ibinalik niya ang litrato at lisensiya kay Lily. "Okay, I'm convinced na madrasta ka nga ni Dave. Pero hindi naman siguro dahilan ito para aminin ko sa iyo kung ano ang nararamdaman ko sa kanya?"
May kumislap na paghihimagsik sa mga
mata ni Lily. "Don't you love company in your misery? Pareho lang kasi tayong inapi ni Dave, Aspen! Sa magkaibang paraan nga lamang! Ako, hindi niya matanggap na asawa ng kanyang namatay na ama! Ikaw naman, hindi niya matanggap na babaing gusto niyang mahalin!"
Nagpakahinahon si Aspen. May matinding
galit kay Dave ang kanyang kaharap. Hindi naman siya papayag na magpakasangkapan dito. Kung may atraso dito si Dave, problema ng babae kung paano mag-react. Basta huwag na siyang isali.
"Alam ho ninyo, Ma'am. ."
"Tawagin mo na lang akong Ate Lily."
"Miss Lily na lang ho." Gusto pa rin niyang maging pormal ang turingan nila sa isa't isa.
Magaan ang loob niya sa babae kanina pero ngayon ay naiilang na yata siya rito.
"Aspen, tulungan mo ako na maibagsak ang katayugan ni Dave! Kaya ako naparito, kaya ako nakikipagkaibigan sa iyo! Kailangan ko ng kakampi na may sama rin ng loob kay Dave para maintindihan ako!" Nangingilid na ang luha sa mga mata ni Lily.
"Nagkamali ho kayo ng nilapitan. Ayoko ng may kaaway. Nasaktan man ako sa ginawa ni Dave, ayokong gumanti. Wala naman kasi akong dapat paghigantihan. Hindi naman niya ako pinaasa nang umalis siya rito. Wala rin siyang sinirang dangal sa akin. Wala siyang pananagutan. Kaya libre pa rin siya anuman ang gawin niya. Kagustuhan niyang huwag na akong balikan, karapatan ho niya iyon."
"Aspen, hinamak ka rin niya. Paghamak iyong kahit mahal ka ay ayaw ka nang balikan. Dahil ang nakikita niya ay ang agwat ng inyong kalagayan."
"Hindi ho tayo nakasisiguro na mahal niya ako."
"Wala pa rin siyang matinong nobya
hanggang ngayon. Alam ko, ikaw lang ang minahal niya. Pero he's so proud, na ayaw niyang aminin na kailangang sumuko siya sa pag-ibig sa iyo!"
Nagsikip ang dibdib ni Aspen. Gusto niyang maniwala sa sinabi ni Lily, na mahal pa rin siya ni Dave. Masarap paniwalaan ito.
Pero napakasakit din namang isipin na mas masakit pa nga kung tutuusin, na dahil sa kanyang kaliitan, kung estado sa buhay ang pag- uusapan, ay minabuti pa ni Dave na tiisin ang nararamdaman para sa kanya.
"Please, Miss Lily, gusto ko kayong bigyan
ng simpatiya, but what is happening between you and Dave is a family ma"er. Isa na rin kayong Barcelona. Away ng pamilya iyan. Wala akong karapatang sumali diyan. Kaya ninyo iyan. Lumaban kayong mag-isa. I'm sorry. Pero talagang mali kayo ng nilapitan."
Natigilan ang kanyang kausap. Marahil ay nakita nito ang kanyang katigasan.
Nanlumo si Lily. Tumingin na lamang ito sa buhangin na laylay ang mga balikat.
Mayamaya ay luhaang tumayo. Nasa anyo ang pagkatalo.
"Naiintindihan ko. Don't blame me for trying. Pasensiya ka na at naabala kita. Siguro nga, mali ako. Bakit nga ba naisipan ko pang idamay ka? Sorry. Paalam."
Sinundan niya ng tingin ang babae. Mabagal itong lumakad. Parang mahina na.
Bakit ba nagbiyahe pa ito nang malayo, mukha namang hindi na kaya ng katawan?
Gaano ba kasakit ang pakikitungong
ibinigay dito ni Dave at napakatindi ng kagustuhan nitong maturuan ng leksiyon ang lalaki?
May kasama kaya ito na naroroon lamang sa hotel? Hindi ito dapat na nag-iisa.
Nakita niyang lalong bumuway ang
paglalakad ni Lily. At bago pa siya nakasigaw ay bumagsak na lamang ito sa lupa.
Tinakbo ni Aspen ang kinalugmukan nito. NAISUGOD na ni Aspen sa ospital ng Tahatma si Lily. Pinuntahan niya ang Seabreeze Hotel. At nalaman niya na nag-iisa lang palang nag-check- in si Lily sa hotel. Ibig sabihin ay wala itong kasama. Nag-iisang bumiyahe sa Isla Tahatma.
Nakadama ng malaking responsibilidad si Aspen sa babae. Alam niya kasi na siya ang sinadya nito sa Tahatma. Hindi niya ito maaaring pabayaan sa ospital. Kailangan niyang pakialaman ang pag-inform man lamang sa mga kaanak ng babae sa Maynila.
At wala naman siyang ibang maisip na tawagan sa Maynila kundi si Dave.
Hindi niya alam ang numero ng telepono ng bahay nina Dave. Pero may paraan. Kokontak lamang siya sa mga kaibigan niya sa Maynila ay tiyak na makukuha niya ang contact number ng binata.
Ang naisipan niyang tawagan ay si Gaiza.
Nakausap naman niya kaagad ito nang tawagan niya ang cellular phone nito.
"Nariyan si Lily, ang madrasta ni Dave, nakaratay sa ospital? Oh, my God. . Aspen, she is so sick! She is dying of cancer! Alam namin lahat iyan dito! Bakit ba siya nakarating diyan?"
"Gaiza, saka ko na lang ikukuwento sa iyo. Kailangan lang ay masabihan kaagad si Dave. Kung hindi siya interesado sa kalagayan ni Lily, siguro naman ay puwede niyang ibalita sa mga kamag-anak ng kanyang madrasta ang nangyari. Para man lang may dadalaw dito at makatingin kay Lily. O kaya ay may magdadala kay Lily diyan sa Maynila. Ikaw na lang kaya ang mag- inform kay Dave. O kaya ay ipadaan mo na lang kay Lito."
Ang totoo ay hindi naman gusto ni Aspen na
siya pa ang kakausap kay Dave. Hindi siya handa. At ayaw niyang masabi ng binata na ginawa lamang niyang dahilan si Lily para niya ito makausap.
Ayaw niyang magmukhang desperada na magkaroon sila ng pagkakataon ni Dave na magkausap.
"No. Ikaw ang dapat mag-inform kay Dave.
Para kung tatanungin ka niya sa mga detalye,
masasagot mo nang maayos. Dahil ikaw ang higit
na nakakaalam kung ano ang nangyari. Nasa
Kora si Lito but I can call any of their friends para mahingi ang numero ng telepono ni Dave. I'll call Beata's husband, si Jeffrey. Kapag nakuha ko na
ang numero, tatawagan kita diyan. Nandiyan ka
ba sa computer school ninyo?"
"Narito ako sa ospital. Maaari ka namang tumawag dito. Dito sa room na occupied ng pasyente. I'll wait for your call, Gaiza."
Tama rin naman kasi si Gaiza. Siya ang
dapat na magbalita kay Dave. Dahil siya ang higit na nakakaalam ng mga detalye. Bahala na. Basta sa tono ng kanyang boses ay gagawin niyang malinaw na hindi naman siya kinikilig na makausap ang lalaking iyon.
Call of duty lang talaga ito. Bilang tao, may tungkulin siya sa kanyang kapwa-tao na nangangailangan ng tulong.
Kaagad nga ay tumawag naman si Gaiza at ibinigay sa kanya ang numero ng telepono ni Dave sa bahay at ang cellular phone nito.
Sa cellular phone niya nakontak si Dave.
At nagulat ito nang magpakilala siya. "Hi!
What a surprise! Paano mo nakuha ang cellphone number ko? I'm out here on the street, driving!"
"Kung nakakaistorbo ako, pasensiya na. Pero may dapat kang malaman. Ang stepmother mo, si Miss Lily, ay naririto sa Tahatma at nasa ospital  ngayon." Tiniyak niyang mararamdaman ni Dave ang kalamigan ng kanyang boses, nilagyan niya ng distansiya.
Para siyang nakipag-usap sa isang kakilala pero estranghero naman.
Matagal na walang sagot sa kabilang linya, mahaba ang patlang.
"How come she's there?"
"Bakit ka nagulat? Hindi mo man lamang ba napapansin na ang madrasta mong may-sakit ay wala na diyan sa bahay ninyo?" May himig ng panunumbat ang pananalita niya.
Hindi kasi niya mapigil ang magalit. Ngayon niya natiyak na indifferent nga si Dave sa madrasta nito.
"Hindi ko ugaling alamin ang activities niya.
Kung nasaan siya, kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi ko naman siya kapamilya." Awtomatikong matalas na sagot ni Dave.
"Kung ganoon ay wala kang choice ngayon
kundi ipaalam sa tunay niyang mga kaanak na naririto siya sa ospital at mahina siya." Halata ang panggigigil niiya.
Para niya kasing nakikita ang guwapong mukha na suplado, mailap at arogante. At ang turing sa usapan nila'y isang pang-iistorbo.
"Kung saan lang naman kasi napulot ni Papa ang babaing iyan. Wala akong alam na kamag- anak niyan."
"Kung gano'n ay pababayaan na lamang ba siya rito? There should be somebody to assume the responsibility of taking care of her! She is dying at alam mo naman siguro iyan!"
"Paano mo ba siya nakilala diyan?" Iritado lalo si Dave.
"Pinuntahan niya ako. Ako ang sinadya dito.
At huwag mo nang alamin kung bakit dahil baka lalo ka lang mainis. Pagkatapos naming mag-usap ay bigla na lamang siyang hinimatay. Kaya nga dinala ko na rito sa ospital."
"Ikaw naman pala ang pinuntahan niya
diyan. For whatever reason. E, bakit ako ang hinahanapan mo ng responsibilidad na magbantay sa kanya diyan o magdala sa kanya rito? Look, Aspen, sinuwerte ang babaing iyan na napamanahan ng papa ko ng kalahati ng aming kayamanan. She is rich! Kaya niyang magbayad kahit saang ospital pa ma-confine! You don't have to waste your time on her! Isang tawag lang niyan sa telepono ay masi-se"le ang bills niya sa ospital. At kung gugustuhin niya ay maaari rin naman siyang magpalipat-lipat sa ospital dito sa Maynila through the recommendation of the hospital na kinaroroonan niya ngayon. You really don't have to bother. Pabayaan mo siya. She is not that helpless. Mamamatay siya nang komportable kung gugustuhin niya."
Nayanig si Aspen sa kalupitan ng lalaking minahal at inalagaan niya.
Wala ba talaga itong puso?
Hindi ba talaga ito marunong magpahalaga sa babae?
O baka naman dahil nga nanggaling sa mabahong background si Lily kung kaya hindi ito mabigyan ni Dave ng kahit konting pagtingin man lamang?
Katulad din niya, dahil ang background niya ay hindi maipagmamalaki, kung kaya't kaydali rin siyang kinalimutan ni Dave?
"Kung mahal mo ang father mo, igalang mo man lamang ang babaing pinakasalan niya!" sabi niya.
"How can I? Maaaring may masama siyang motibo sa pagpunta riyan sa pakikipagkita sa iyo! Ngayon ay gusto mong igalang ko siya!"
"Naghahanap lang siya ng kakampi!"
"At ikaw iyon?"
"Wala na siyang iba pang maisip!"
"So, ano ang napag-usapan n'yo? Did you
have a grand time listening sa mga paninira niya sa akin?"
"Alam mo, Dave. . hindi ka na naman niya kailangang siraan sa akin kung tutuusin. Alam ko na kasi kung anong klase ka!" Tinalampak niya

ang kausap.
"I see. Hindi mo na kailangang sabihin sa akin na kumampi ka na sa kanya."
"You are cruel! Dapat nga lang na hangarin ni Miss Lily na ibagsak ka sa pedestal mo!"
"Sayang. Ngayon lang tayo muling
nagkausap after a long time, nag-aaway pa tayo. Sana, hindi mo na lang pinakialaman ang problema ni Lily. Pero nakikialam ka na rin lang, bahala ka na sa kanya. Goodbye, Aspen."
At narinig niya ang pagsara ng linya, ang pagkamatay ng power. Tiniyak pa ni Dave na hindi na siya makakakontak. Ini-off na nito ang cellular phone.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 26, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Paano  Ba ang SumukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon