Gumising akong may ngiti sa aking mga labi. Naalala ko na naman ang nangyari kagabi pagkauwi ko.
Tumakbo ako pababa ng bundok at saka umuwi ng bahay. Pagkabukas ko ng pinto ay nakita ko silang tatlo sa mismong harap ko, nakaupo. Bigla silang nagtayuan ng makita ako.
"Lienea! Ano, ayos ka lang?" pagtatanong ni Tiya Magda, bakas sa kan'yang boses ang pag-aalala.
"Ate Lienea, nag-alala kami sa'yo," sabi ni Misha na mangiyak-ngiyak pa.
"Ate, itinuro namin na sa ibang daan ka nagtungo. Buti na lamang at walang dugo mo ang pumatak sa lupa," sabi naman ni Claiden.
Nanlambot ang aking puso sa aking mga narinig. Namuo ang aking mga luha at niyakap ko sila ng mahigpit. Masyado na akong naging emosyonal matapos kong makarating sa mundong ito.
"Salamat sa pagtanggap n'yo sa'kin," lumuluha kong saad.
"Walang-anuman. Pamilya tayo, hindi mababago 'yon ng kung ano at kung sinuman," nakangiting sagot ni tiya. Napangiti rin ako.
"Oh kamusta na ang sugat mo? Hindi na ba masakit?" pagtatanong nito.
"Naghilom na po, tiya. Patawad po kung naakit kayo sa aking dugo dahil sa kapalpakan ko," malungkot kong sabi dito.
"Wala 'yon. Hanggat kaya namin ay pipigilan namin ang aming sarili. Para sa'yo. Para sa pamilya natin," dagdag pa nito.
"Salamat ng marami sa inyo,"ani ko.
"O sya sige, matulog na tayo," nakangiting sabi ni Tiya Magda. Pumasok silang tatlo sa kanilang kwarto.
Gayundin ang aking ginawa. Nahiga ako at inisip ang mga masasama at magagandang nangyari sa akin buong araw. Mula sa pagtatanim at maging sa pagtuturo ni tiya ng telepatya. Maging sa paglalaro at sa pangangaso.
"Masaya at magaan pala sa pakiramdam kapag lagi mong nararamdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga sa iyo ng lahat," sabi ko sa aking sarili bago nakatulog.
Pagkagising ko ay nag-inat ako saka bumangon sa aking higaan at lumabas. Nadatnan kong nakaupo si tiya sa upuan sa sala at naghahabi ng isang saya.
"Tiya para kanino 'yan?" takang pagtatanong ko.
"Para sayo, bukod-tanging ikaw lamang ang nakasuot niyan sa buong baryo. Paano kung paghinalaan ka nila?" sabi nito. Bakas sa kan'yang boses ang pag-aalala kaya't napangiti ako. Tiningnan ko ang aking suot, pang mortal nga. Kakaiba.
"Ito talagang si tiya! Manang-mana kay lola," saka kami nagtawanan.
"Ate Lienea, anong ugali mayroon si lola?" biglang tanong ni Misha. Napahinto si Claiden sa kan'yang ginagawa at nakinig.
"Mabait si lola. Maalaga, mapagmahal, maalalahanin, at higit sa lahat ay maunawain siya," nakangiti kong tugon sa kanila habang inaalala si lola. Kung paanong ang sermon niya ay mauuwi sa pagkukwento tungkol sa mga sikreto ng buwan at kadiliman.
"Ate, sa tingin mo ba mahal din kami ni lola?" tanong ni Claiden. Kita ko sa mga mata n'ya ang lungkot sapagkat naghahangad din s'ya ng pagmamahal ng isang lola.
"Syempre naman. Lahat tayo ay mahal ni lola. Balang-araw ay makikita n'yo rin s'ya, at kapag nangyari iyon ay yakapin n'yo s'ya nang napakahigpit!" sabi ko pa sa kanila.
Napangiti ang magkapatid at saka ipinagpatuloy ang kanilang ginagawa. Tumulong ako sa ginagawa nila kaya't mabilis kaming natapos.
"Gusto n'yong mamasyal?" pagtatanong ni tiya. Siya ay tapos na sa ginagawa niyang saya.
"Opo opo!"
"Sige po ina!"
Masayang sabi ng dalawa. Lumapit sa akin si tiya saka inabot ang saya.
BINABASA MO ANG
Patak Dugo
VampirKung iyong iisipin, iyo bang maiintindihan? Kung iyong titikman, iyo bang malalasahan? Kung iyong aamuyin, iyo bang mauuri? Kung iyong mamasdan, iyo bang masisilayan? Kung iyong hahawakan, iyo bang mararamdaman? Hindi natin alam. Walang ibang nakak...