Day 7

24 2 0
                                    

August 28, 2020


Nakompirma ko ang kutob ko. Lahat ng dumalo sa Birthday ni mama, lahat maliban lang sa isang batang pamangkin ko ay nag positibo. Sixteen (16) family members ang nagpositibo kabilang doon ang aking mga magulang, kapatid, lola, pinsan pati mga asawa at mga anak nilang bata pati narin dalawang (2) kaibigan na itinuring na naming kapamilya. Hindi ko alam kung ano pang dapat kong sabihin sa Panginoon sa panalangin ko. Sa loob ko alam kong hinayaan nyang mangyari ang lahat ng ito at alam ko ring kaya nyang ayusin lahat ito. May plano Sya kaya nya hinayaan ito at dapat kong makita iyon. Pinanghawakan ko na gagaling kami at matatapos din ito.


Dama ko ang takot ng mga kasama ko dahil sa bagong dating na pasyente. Nagpalipat agad sila ng room nitong umaga. Madali silang nakalipat dahil marami silang kabarkadang frontliners dito. Mukang napuna ni nanay P na gusto ko ring magpalipat ng room kaya't naki-usap sya na huwag ko syang iwang mag-isa. Ang sabi ko na lang sa kanya, depende sa order ng mga doctor kung saan ako ililipat. Kami ni nanay P ang naiwan sa room ngayong araw.  


Patuloy sa pag ubo si nanayP. Wala akong makausap na staff dito para makapag-palipat din ako ng room. May isang staff na pumasok at sinabihan ko pero wala ring nangyari. Kaya't sinabi ko ito sa mga katrabaho at supervisor ko. Nakarating din ito sa mga katrabaho ko noon sa HR. Sila-sila ang nagparating ng concern ko sa mga kinauukulan. Pero hindi parin iyon naging ganoon kadali. Hindi ako agad nailipat ng room nang oras na iyon. Iniisip ko na may dahilan ang Diyos kung bakit ako ang naiwang kasama ngayon ni nanay P. Alam kong bilang isang Kristiyano ay kailangan kong ibahagi sa kanya ang Mabuting balita pero lahat kami dito sa covid ward ay hindi masyadong nag-uusap upang makaiwas sa mas lalo pang impeksyon. Lalo na kung mga bagong dating lang na pasyente ang kakausapin dahil napaka-active pa ng virus sa kanya kumpara sa mga pasyenteng gaya ko na nasa recovery stage na.


Dahil wala na ang dalawa naming kasama sa room ay nagpasya ako na lumipat sa iniwanang kama ng isa sa kanila. Tinanggal ko ang kutson nito at matapos kong sprayan ng disinfectant ay ipinalit ko ang gamit kong kutson. Sa pwestong iyon ay medyo mailalayo ko ang aking sarili sa pag-ubo ni nanay P. Inabot pa ako ng hating gabi na kasama si nanay P. Mga 7pm ay lumapit sya sa kama ko at naki-usap na i-text ko raw ang anak nia. Wala syang dalang cp dahil hindi naman daw sya marunong gumamit noon. Nagpadala ako ng text sa number na ibinigay nya sa akin at nag-reply naman ang anak nya. Ako ang naging mensahero nila sa kanilang pag-uusap sa text. Hindi ko kasi pwedeng ipahawak ang phone ko para sa tawagan nilang mag-ina. Nang sabihin ng anak nya na mahal sya nito, nakita kong bigla syang naiyak... Naiyak din ako. Totoo na maraming nakikipaglaban sa covid19 pero kapag nadali ka nito, kailangan mo itong harapin nang mag isa. Matapos nilang mag usap sa text ay nag-abot ng pera sa akin si nanay P. Tinanggihan ko iyon at sinabing huwag nya nang isipin ang pagbabayad sa akin. Matapos nyang kumain ay muli syang lumapit sa akin. Gusto nya ng kakwentuhan kaya nakipag-usap din ako sa kanya. Sa loob ko naroon ang pag-aalala na baka magkaroon din ako ng ubo na gaya ng kay nanay P. Buong araw na kaming magkasama sa kwarto at ngayon ay mas malapitan at matagal na ang usapan namin. Kaninang tanghali ay kumain ako malapit sa CR para makalayo sa kanya habang umuubo sya pero ngayon mukang hindi ko na talaga sya maiiwasan. Naisip ko na baka ito ang dahilan kung bakit ako ang naiwan kasama nya - para ibahagi sa Kanya ang Panginoon. Si nanay P lang ang nakasama ko sa covid ward na matapang at willing na makipag-usap ng matagal. Siguro hindi sya aware sa pag-spread ng virus habang nag-uusap o baka talagang pinagtagpo kami ng Diyos dahil kailangan Nyang marinig ang mga sasabihin ko. Kaya't naniwala ako na iingatan ako ng Panginoon habang kausap ko si nanay P.


Marami kaming napag-kwentuhan ni nanay P. Nalaman kong may sakit din pala ang kanyang asawa. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Dahil alam kong inaasikaso ng mga katrabaho ko ang paglipat ko sa ibang room, kailangan kong kausapin si nanay P bago mangyari iyon. Ibinahagi ko sa kanya ang personal testimony ko at ang gospel. May mga pagkakataon na pareho kaming umiiyak. Noon lang ako nakapag share ng ganoon ka intense. Bagamat katoliko si nanay P at malaki ang paniniwala nya sa mga santo at rebulto sa kanilang altar, naniniwala akong malaki rin ang pananalig nya sa Panginoong Hesus. Ang sabi nya matagal na raw syang nananalig sa Diyos at sumasang ayon sya sa lahat ng sinasabi ko. Alam kong ang Panginoon ang magpapalago sa mga salita Nya na ibinahagi ko kay nanay P. Nagpasalamat sya sa akin dahil sa mga sinabi ko at nakita kong may luha ang mga mata nya. Alam kong ang Panginoon ang humipo sa puso sa nya.


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Maya maya lang 11pm ay dumating na ang magsusundo sa akin papunta sa lilipatan kong room. Ayoko na sanang iwan si nanay P pero ayoko ring masayang ang effort ng mga katrabaho ko para hanapan ako ng bagong room. Nagpaalam ako sa kanya at sinabi kong makikipag ugnayan ako sa anak nya para dalhin agad nila ang cp na sinabi nilang ipapadala sa kanya. Tatawagan ko sya lagi doon. Nagpa-alam kami sa isat isa pero nag-aalala ako sa kanya. Naiwang mag isa sa room si nanay P.


Maganda ang bagong room na pinaglipatan sa akin. Tatlo (3) kmi sa loob nito: Isang nurse at isang employee relative. Kapareho ko silang nasa recovery stage na. At hindi tulad sa naunang room, malayo ito sa rampa. Tahimik din ang mga kasama ko dito. Payapa dito walang umuubo. Iniisip ko na sana may bagong dating din na pasyente na pwedeng ilagay sa room ni nanay P para magkaroon na sya agad ng kasama. Sana nga...


Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Procedure:

1:20am - ECG ulit

5:20am - blood extraction


Journal ng COVID SurvivorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon