August 30, 2020
Masakit parin ang kamay ko sa ginawa nilang ABG (Arterial Blood Gas) sa akin noong Day 1 ko. Sa tingin ko mali ang pagkuha nila o mahinang pressure ang in-apply nila. Hindi ko alam kung bakit sumasakit ang kamay ko. Parang may dumadaloy na kuryente sa loob kapag ginagamit ko at may certain moves na hindi ko magawa. Hindi ko na sinabi ito sa mga doktor na nagra-rounds dito dahil baka kung anu-ano na namang tests ang gawin nila sa akin.
Ganito ang gusto nilang gawin sa akin pero nahirapan silang kunin ang tamang ugat. Kaya't kinuha nila sa bandang braso ko. Masakit nang una nilang ginawa sa kamay, sobrang sakit.
Sumakit ang tiyan ko ngayon hindi dahil sa mga gamot kundi dahil hindi nagdala ng agahan dito sa room namin. Hindi ito alintana ng mga kasama ko dahil madalas ay may nagdadala sa kanila ng pagkain. Sa sitwasyon ko wala akong kapamilyang makakapagdala sa akin ng pagkain kaya't umaasa lang ako sa pagkaing rasyon ng hospital. 9am nagdala ng pagkain, akala ko agahan iyon na na-late lang. Pero sa pananghalian ay wala ng pagkain na dumating. Kinain ko na lang ang mansanas na padala sa akin pero hindi parin sapat iyon para sa gutom ko. Puro Vitamins ang pinapasok ko sa katawan ko kaya madali akong magutom. Palagi akong nagugutom dahil kakaonti rin ang serving ng pagkaing rasyon. 4pm nagdala ng hapunan pero masakit parin ang tyan ko siguro dahil sa nalipasan ako ng gutom kanina. Hindi ako uminom ng gamot today dahil masakit ang tiyan ko at hindi ko alam kung may dadalhin pang pagkain sa akin.
May inilipat na pasyente sa room namin na galing sa kabilang building. Mabuti dahil pareho din namin syang wala ng sintomas. Isa syang job order nurse sa hospital na ito. Apat (4) na kami sa loob ng room ngayon.
BINABASA MO ANG
Journal ng COVID Survivor
Non-FictionIto ang lahat ng nakasulat sa aking journal noong ako ay naka-admit sa hospital as COVID19 patient. Ang pagsusulat ng lahat ng mga naranasan at naramdaman ko sa loob ng COVID Ward ay nakatulong ng malaki sa pagbuti ng aking physical, emotional at m...