Pahiram ng Kahapon - 15. KAILAN NAGIGING DAKILA by Avon Adarna (Tula)

261 7 3
                                    

Tila isang halimuyak ng napakabangong rosas ang hininga ni Alfred habang paulit-ulit na naglalapat ang aming mga labi. Pumangibabaw sa pagitan naming dalawa ang nag-aalab at ‘makapangyarihang’ damdamin na lalong nagpapaigting sa aming pagnanasa at pagmamahal sa isa’t isa. Kung gaano kalamig ang gabing iyon, ay siya namang nagkulong sa akin sa mahigpit niyang pagyakap at nagdarang sa akin sa kanyang angking kahubdan. Para kaming sumasayaw at umiindayog sa ritmong idinidikta ng aming mga puso. Pumailanglang ang aming malalakas na pagdaing habang magkasama naming nilalakbay ang rurok ng aming pagniniig. Ngunit lalo lamang naging musika sa aking pandinig ang tinig ni Alfred habang pilit kong inaaninag ang kaligayahan sa nagkikislapan niyang mga mata. Ninanamnam ko na lamang ang bawat pagpintig ng segundong kami ay naging isa.

Tuluyan nang nilunod ng ekstasiya ang aking buong pagkatao. Wala na akong maramdamang anumang sakit sa pagkakapikit ng sarili kong mga mata. Nilamon na ng labis na pagmamahal ang aking katinuan. Ni ‘di ko na alam kung ano ang eksaktong bagay na tumatakbo sa isip ko. ‘Di ko na nga maramdaman ang pagtibok ng sarili kong puso, dahil inangkin na iyon ni Alfred. Dinala niya ako sa isang lugar na nakahihigit pa sa langit. Sa sandaling iyo’y isang bagay lang ang natitiyak ko: mahal na mahal ko siya.

Hiniling ko na sana’y huwag nang matapos pa ang pinakamaligayang sandali na iyon ng buhay ko. Kung panaginip nga lang lahat ng mga iyo’y huwag na sana akong magising pa. Para kung sakaling magwakas man ang lahat, mayroon iyong magandang katapusan. Ngunit gaano ko man iyon ipagpilitan, alam ko namang imposible iyong mangyari. Dahil kung gaano kabilis marating ang rurok ng kaligayaha’y ganoon rin ito kabilis mawala. Sa mismong pagmulat ng aking mga mata, ay ganoon ako kabilis sinampal ng katotohanan. Ang katotohanang patuloy lang akong nanghihiram sa pag-ibig na nakalaan na para sa iba. Bumalik ang lahat ng sakit at pagdurusa. Lalong naging magulo ang laman ng aking isip at ng aking puso.

Ngunit ‘di ko maikakailang sa kabila nang lahat, siya pa rin ang nag-iisang minamahal ko. Kaya’t ‘di ko mapigilang tanungin ang sarili ko kahit na kailanma’y ‘di ko mahanap-hanap ang kasagutan: Kailan nagiging dakila ang pag-ibig? Kung hindi makahulagpos sa sakit? Kung hindi makagalaw kahit ang dibdib? Kung hindi makakilos pati na ang isip? Paano nga bang ang mali’y nagiging tama kung nagmamahal ka?

Pagkatapos ng pagniniig naming iyo’y natagpuan ko ang sarili kong nakatulala sa kisame ng kwarto, kahit ang totoo’y naglalakbay ang isip ko sa kawalan. Napakatahimik ng paligid; ang tanging naririnig ko’y ang sarili kong pagbuntong-hininga. Ikinagulat ko pa ang biglaang pagdapo ng bisig ni Alfred sa dibdib ko. Tumagos ang init niyon sa manipis na kumot na tumatakip sa aking kahubdan. Sa aking utay-utay na pagpihit ay doon ko natuklasang mahimbing na pala siyang natutulog dahil sa pagod. Hinayaan ko na lang na manatili kami sa ganoong pwesto para ‘di ko na maantala pa ang kanyang pagtulog.

Mula roo’y napagmasdan ko muli nang lubusan ang napakaamo niyang mukha kahit pa mumunting liwanag lamang ang tumatanglaw sa amin. Hanggang sa ‘di ko na nga napigilan pa’t nanginginig ang palad kong hinaplos ang kanyang pisngi. Namayani ang kapayapaan sa pagitan naming dalawa habang yakap niya ako’t hinahaplos ko siya.

“Bakit ka umiiyak?” Binasag ng mga katagang iyon ang katahimikan. Napagtanto kong nakamulat na pala ang mga mata ni Alfred, at nakasentro iyon sa akin. Kung kanina’y payapa ang kanyang mukha, biglang nangibabaw roon ang pagtataka at pag-aalala. Mabilis akong kumalas sa pagkakayakap niya, at hinagilap ko ang aking mga palad para idampi sa aking pisngi. Doon ko na nga natiyak na kanina pa pala bumabalong ang masasagana kong luha nang ‘di ko man lang namamalayan.

“M-masaya lang ako,” nauutal-utal kong wika sa kanya habang pilit akong nag-iiwas ng tingin. Kahit na nga ba mismong ang emosyon ko na ang nagpatunay na nagsisinungaling ako. Kahit na sinasalungat mismo ng mga salitang binitawan ko ang aking tunay na nararamdaman. Pinalis ko ang aking mga luha kahit na nahihirapan akong pigilin ang muling pagpatak ng mga iyon. Babangon na sana ako ngunit bigla na lang niya akong hinigit sa aking mga palad.

Royal Rumble Season Two: Round Three EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon