MATAPOS makapagpalit ng damit ay lumabas na ng locker room si Kevin. Dumaan muna siya sa counter ng café at nagpaalam sa dalawang may-ari niyon.
“Aalis na po ako,” paalam niya kina Benhur at Kylie. Ang magkaibigang nagtayo ng Café BEN-a-Bien.
Tumango sa kanya si Benhur. Tila kay lalim ng iniisip nito base sa seryosong ekspresyon ng mukha nito. Hindi na lamang niya iyon pinansin.
Ngumiti si Kylie sa kanya at bahagyang kumaway pa. “Sana naging maayos ang unang araw ng muli mong pagtatrabaho rito sa café. Although hindi pa rin maalis sa isip ko kung bakit muling bumalik ka rito kahit tapos ka na sa pag-aaral at nagkaroon na rin naman ng maayos at matinong trabaho. Still, nagpapasalamat ako at bumalik ka,” nakangiting dugtong nito.
“Naging masaya kasi ako sa pagtatrabaho ko rito, Ma’am Kylie. Namiss ko rin siguro kayo,” aniya at ginantihan ang ngiti nito.
“Nambola ka pa!”
“Ikaw talaga Kevin, huwag mo ngang binobola iyang si Kylie at baka pumalakpak na naman ang magkabilang tainga niyan,” singit ni Benhur na ngayon ay medyo umaaliwalas na ang ekspresyon ng mukha.
“Ayos lang iyon, Sir Benhur. At least, napapangiti na natin si Ma’am Kylie ng mas madalas ngayon.”
“Naku, kaya ganyan iyan, na-realize na siguro niyang napagiiwanan na siya at malapit nang maging matandang dalaga,” at napahalakhak pa si Benhur sa sinabi.
Napailing na lang siya sa kakulitan ng kanyang mga amo. “Sige, Ma’am Kylie, Sir Benhur, mauna na ako.”
“Teka, bata ka pa. Huwag ka munang mauna. He-he-he. Ingat ka, Kevin, at tandaan mo, bata pa ako. Hindi pa ako magiging matandang dalaga.”
Nakita pa niya ang pag-irap nito kay Benhur at ang pagngiti nito sa kanya. Gumanti siya ng ngiti dito at tinalikuran na ang dalawa. Lumabas siya ng café at hinanap sa paligid ang taong kanina pa yata naghihintay sa kanya. Napangiti siya nang matanaw ng mga mata niya si Ehmkae na naglalakad na palapit sa direksyon niya.
Tinawagan niya ito at nakipagkwentuhan dito. Hanggang sa pareho silang magdesisyon na magkita at kumain sa labas. Tulad ng dati nilang ginagawa sa kolehiyo matapos ang departmental examinations. He wanted to talk to her so that he could help Juan in his own little ways.
“So, how’s your first day as a service crew?” Tanong agad ni Ehmkae nang ganap na makalapit sa kanya.
“Pretty cool. Nagawa ko naman nang maayos ang mga trabaho ko,” masayang pagkukwento niya sa kaibigan.
“Paano mo namang hindi magagawa nang maayos ang trabaho mo, eh, minsan ka nang naging service crew ng Café BEN-a-Bien noong college pa tayo. Anyways, highways, how’s Kylie Allegre as your boss?”
“Do you know Miss Kylie?” Nagtatakang tanong niya.
“She’s my older sister.”
“Bakit hindi ko alam?”
“You never bother to ask about my family members, Kevin,” ani ni Ehmkae at binigyan siya ng isang tipid na ngiti.
“Sorry.”
“Don’t be. So, where to?”
NAKARATING ang magkaibigan sa isang mall sa Makati. Kumain sila sa paborito nilang Chinese restaurant, naglaro sa arcade at dumaan sa powerbooks upang bumili ng librong interesanteng basahin.
Lumipas ang halos apat na oras na magkasama sila. It was getting late kaya’t nagpasya na silang umuwi na. Dahil pareho silang walang dalang sasakyan ay nagcommute lang sila.
