Isang gabing puno ng kulog at kidlat, wala ni isang talang kumukutikutitap sa madilim na kalangitan. Ang natatanging liwanag sa kalaliman ng gabi ay ang lamparang na nakalutang sa ere. Anong liwanag ang malamlam pero sa dilim ay sinliwanag ng pag-asa ng bukas? Pero kailan ba darating ang bukas na maliwanag para mapawi ang dilim sa sanlibutan? Biglang may hindi makitang pwersa ang tumangay sa liwanag. Kahit hindi niya alam kung ano o sino ang kumuha, hinabol ni Domino ang natitirang pag-asa.
Isang malakas na kidlat ang dumapo sa malungkot na lupa upang ilantad na isang sementeryong nasa harapan ni Domino. May nakita siyang hindi niya matiyak pero biglang bumagsak ang kanyang puso nang makita niya si Mang Terio, ang sepulturero-nakabulagta habang kinakain ng mga uwak.
"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan," mahinang sambit ni Mang Terio.
Nagulat ang dalaga nang maging kalansay ang matanda sa isang saglit at biglang sumikat ang araw ng matindi na parang tanghaling tapat at nasunog ang kalansay at naging abo na sumama sa hanging masalimuot. Nasilaw si Domino at sa kanyang muling pagmulat ay umulit ang mga pangyayari. Naaninaw niya ang aninong unti-unting lumapit sa lampara na may sindi ngunit hindi itinakbo ang lampara bagkus pinatay niya ang ilaw.
Purong kadiliman.
"Haaaaa!" nagising si Domino mula sa kanyang bangugungot at ang kanyang ama na si Selyo ay agad tinungo ang kwarto ng anak.
"Ino! Anak bakit? Anong problema? Andiyan na ako."
Pagbukas ng asul na kwarto ng anak, binuhay niya ang ilaw, agad niya itong niyakap at kinausap.
"Ino, may napanaginipan ka na namang masama?"
"Tay, napanaginipan ko na naman yung anino na may dalang lampara, at..."
"At ano anak? Sabihin mo."
"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan, yan ang sabi ni Mang Terio."
Huminga ng malalim ang ama, tumingin ito sa mga nangungusap na mata ni Domino at lumabas ng kwarto. "Ikukuha lang kita ng tubig sige pahinga ka na ulit."
Dumungaw si Domino sa may bintana at mula doon ay abot-tanaw niya ang libingan ng mga patay. Panaginip, isang masamang panaginip.
Iniabot ni Selyo ang isang basong tubig kay Domino at uminom ng malamig na tubig si Domino. Pagkatapos uminom ay bumangon na si Domino mula sa higaan.
"Tay maggagayak na ako. Ayokong mahuli sa qualifiers ngayon, alam nyo naman na gusto kong pumasok sa school na yun, dream school ko yun tay."
Ngumiti si Selyo sa mga sinasabi ng anak. "Pero anak, hindi daw tuloy yung pagsusulit, nagpost yung school administrator na si Mrs. Del Valle. May nagleak na mga sagot sa pagsusulit at iniimbestigahan na ng paaralan kung sino ang may pakana nito."
"Ganun po ba tay?"
"Ganun nga kaya magpahinga ka naulit."
"Eh magrereview-"
"Sus, review review, kayang-kaya naman ng anak ko yun kahit walang review di ba? Napakahumble naman ng aking unica hija hahaha."
"Bolero ka ta laga tay haha."
Tumahimik at nagkatinginan ang mag-ama at biglang tumawa.
"Hmmm maaga pa, mag aalas-singko pa lang Ino pero magsisimula na akong maglinis ng bahay at pagkatapos ay maghahanda na ako ng umagahan."
Umalis na sa kwarto si Selyo at bumaba upang simulan ang maagang paglilinis. Si Domino naman ay kahit gustong bumangon agad upang magbalik-aral at maghanda sa pagsusulit ay mas pinili niyang humiga at magmuni-muni tungkol sa napanaginipan na hindi niya lubos na maintindihan.
BINABASA MO ANG
Domino Effect: Child of Destiny
Mystery / Thriller"Sa dilim lang makikita ang pinakamaliwanag na katotohanan ngunit sa nakakasilaw na liwanag nagtatago ang pinakamadilim na kasinungalingan" Sa mundong palihim na namumuno ang mga pantas-mga taong may mataas na karunungan, namumuhay ng masaya at tahi...