Kabanata 20

2 0 0
                                    

Maging madulas tulad ng palos
At maging sinlakas ng habagat
Magkakaharap at magtutuos
Dito sa'ting mapayapang dagat

Mainit at siksikan, yan ang hitsura ng loob ng pampasaherong bus na patungong Daanghari. Kahit malumbak ang kalsadaa, naisulat ng maayos ni Lucio Dimasalang ang huling saknong ng kanyang bagong akdang tula. Tumatagos sa kanyang asul na salaming pangmata ang sinag ng araw sa silangan. Kamukha niya si Simoun na nagkatawang tao mula sa mga kupas na pahina ng nobela.
Kahit isang sikat na manunulat, walang nakakakilala sa dakilang kritiko, kolumnista at nobelista. Ayos lang iyon para kay Lucio, hindi naman siya naghahangad ng kasikatan, tama na ang konting kwarta sa mga librong naibebenta niya at maipahayag niya ang damdamin tungkol sa mga nangyayari sa bayan.
Itinabi ni Lucio ang kanyang kwaderno at lapis sa kanyang munting bag na mas maliit kumpara sa bag na nakalagay sa sahig at mukhang mabigat ang laman nito. Kahit hindi komportable sa kanyang upuan at sa kanyang katabing tumutulo na ang laway sa pagtulog, Umidlip siya upang makapagpahinga ng kaunti.
Ako ang tagapagdala ng liwanag sa madilim na lambak. Lagi niyang naiisip sa kanyang imahinasyon na sila ay isang lider ng pagbabago, lider ng kilusang propaganda, tulad ng kilusan ng mga ilustrado noong panahong ng Kastila.
Sa lahat ng mga kolumnista sa buong Pilipinas, siya lamang ang pumuri sa kontrobersyal na obra ng misteryosong Scarlet Rose. Sa kanyang artikulo, sinabi niya na ang nagpinta ng obra ay mulat ang mga mata sa mga nangyayari sa lipunan. Ang obra daw ay napapanahon at mas lantad na pagpapahayag ng saloobin tungkol sa nangyayari sa loob ng gobyerno. Dahil may natitira pang respeto sa simbahan, hindi na niya ginawang ng tugon ang pag-aray ng simbahan sa The Last Sucker. Bato-bato sa langit, matamaan ay hindi marunong umilag.
Hanggang ngayon, akala ng mga tao na nagtatago ang tunay na pagkatao ng pintor sa taguri na Scarlet Rose. Pero para kay Lucio, hindi na mahalaga kung sino ang gumawa, ang mahalaga ay ano ang magagawa niya para sa lipunan nasasadlak sa putikan.
Nang mapatama sa isang malalim na lubak ang unahang gulong ng bus, nagising bigla mula sa pagkakaidlip si Ginoong Dimasalang. Naputol ang kanyang saglit na panaginip sa pag-uusap nila ng pangulo. Malapit siya sa kasalukuyang pangulo pero kahit ito ay hindi ligtas sa kanyang mga pasaring sa administrasyon. Dahil sa utang na loob ng pangulo, natitiis niya ang kakilalang kritiko.
Naabutan ni Lucio na nagpupunas na ng panis na laway ang katabi na kanina pa palang nagising sa masarap na pagtulog. Kitang-kita na pawis na pawis ang katabi sa mainit na hulab sa loob.
Nakikita niya na uunlad pa rin ang kalidad ng transportasyon. Sa nakikita niya—mga sirang upuan, sahig na butas-butas, bintanang parang salaming may grado at sa labas ng sasakyan, ang malubak na kalsada. Mas mabilis at mas komportableng transportasyon ang kailangan. Ito ang isa sa mga kailangan upang umusad ang sibilisasyon.
Nakikita rin niya sa katabi ang kalagayan ng mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan na araw-araw nakikipagsapalaran upang makarating sa paroroonan. Tulad ng isang manlalakbay ang lahat ng tao, dadaan siya sa maraming lugar at hahadlangan ng maraming pasubok, pero kung matibay ang iyong dibdib, makakarating ka sa inyong destinasyon.

Kanina pang gising si Domino na maaga namang dinalaw ng kaibigan na si Newton at naupo sila sa salas. Habang nagtitingin sa kanyang Facebook account, at hindi na siya nagulat nang makita ang post ng isang netizen na siguradong nakasama niya sa jeep kahapon.  Bayaning-bayani si Altair ah!
Namilog din ang mata ni Newton nang makita an parehong post. Binatang tagapagligtas. Hindi man lang nasabit ang pangalan ko dito.
"Aba may kaibigan tayong bayani ngayon ah," sabi ni Newton. "Hindi man lang tayo napa-extra dine." May panghihinayang sa papanalita ng kaibigan.
Napakibit-balikat lang si Domino. "Maiba ako, pinatirahan daw ni Aling Luz ang itaas na palapag ng kanyang bahay. Sa ikalawang palapag."
"Naulit na rin sa akin ni tatay. Hulaan mo kung sino ang titira diyan?"
May kinuha na libro sa may ilalim na mesa at mukhang napakinggan naman ni Domino ang tanong ni Newton. "Lucio Dimasalang, ang may-akda ng Pulang Tinta," sabay mustra sa hawak na libro. "Ano namang ginagawa—"
"Ng isang Lucio Dimasalang dito sa payak na bayan natin?" dugtong ni Newton. Hindi mahirap hulaan ang sasabihin ni Domino. "Baka naman susulatan niya ng artikulo ang ating bayani? Malay mo lang."
"Si Altair? Eh di dapat tumungo na siya ng Felicidad."
"Malay mo ayaw niya sa maingay na lungsod dahil baka hindi siya makapag-isip ng ayos."
"Puro ka lang malay Newton. Parang gusto kong papirmahan ang aking kopya sa kanya."
"Magpa-autograph ka! Problema ba yun eh isang tambling lang, naroon ka na sa tutuluyan niya. Hmmm...baka naman pupuntahan niya si Scarlet. Hindi ba pinuri niya ang sining nito? Ang hindi ko lang masigurado ay kung kilala na niya ang Scarlet Rose."
"Baka lumabas si Altair sa isang TV show." Naiba ang ihip ng usapan at bumaling sa binatang De Zuñiga.
Dumating si Selyo at may dalang almusal—mainit na Arroz caldo na may itlog at gatas na may kape. "Kain na muna, saka na ang usap. Magandang masayaran ang mga bituka nyo ng mainit na lugaw bago ninyo salubungin ang manunulat."
"Andiyan na po siya?" sabay na tanong ng dalawa.
"Wala pa naman," malumanay na tugon ni Selyo. "Pero sigurado, bago magtanghalian narito na yun."
Mukhang hindi na napakinggan ng dalawa ang sinabi ni Selyo dahil abala silang haluin ang umuusok-usok pa ng arroz caldo. Hindi na sila magbabalat ng itlog dahil si Selyo na ang nag-abalang magtagtag ng balat.

Kakagising lang ni Altair nang maamoy ang umagahang inihanda ng katulong. Bumangon siya sa higaan at nag-inat ng mga kasukasuan. Unang bumungad sa pagmulat ng kanyang mga mata ay ang orasan na nagsasabing alas siyete na ng umaga. Nakakapanibago na tanghali na siyang gumising, madalas ay gumigising siya ng mga alas kwatro.
Gumigising niya ng maaga para makapag-ehersiyo na agad.  Sandaang push-ups, sandaang curl-ups, sandaang pull-ups at sampung ikot ng pagjojogging sa buong subdivision. Hindi man malaki ang kanyang pangangatawan, batak naman ito at buo na kailangan upang maging epektibo sa pakikipaglaban at maging malakas ang kanyang mga kalamnan.
Nakaugalian na rin niyang matulog ng hubad dahil mainit sa loob at hindi niya nahiligan na gumamit ng aircon. Dahil ayaw niyang malantad ang pangangatawan, agad niyang dinampot ang kanyang damit pang-itaas at isinuot.
Natanaw ni Altair ang pagkain na nakahain sa hapag at naroon na rin ang kanyang ama na kanina pang nag-aalmusal. Sumenyas ito sa kanya, nagyayaya na kumain na at sumabay sa kanya. Dumulog sa mesa si Altair at naupo sa tapat ng kanyang ama. Ninanamnam ni Altair ang bacon, toasted bread na nilahiran ng mantikilya, isang baso ng gatas at sunny side-up na itlog—American breakfast. Matagal na rin hindi siya kumakain ng ganitong uri ng almusal dahil medyo istrikto siya sa kanyang dyeta. I haven't ate like this for a lifetime. Magpapakabusog na ako.
Hindi katulad si Altair ng ibang kabataan na sa pagmulat ng mga mata ay cellphone na agad ang hinahanap, disiplinadong binata si Altair. Siya ang may kontrol at hindi ang gadget ang kumukontrol sa kanya. Naalala niya ang bata na nagkaseizure sa sobrang pagkalulong sa paggamit ng cellphone. Pero parang may humatak siya kanyang puwersa upang silipin ang kanyang phone. Nang tingnan niya, nagulat siya na kalat na ang balita tungkol sa pagliligtas niya sa mga sakay ng jeep kahapon. Instant hero overnight.
Biglang may tumawag—hindi niya kilala at hindi nakalagay sa kanyang contacts. Wait, paano sila nakakuha ng contact info ko?Kahit kailan, hindi niya ipinamigay sa iba ang kanya. Wala naman siyang kaibigan na para bang nahawa na siya sa ama na huwag magtiwala sa kapwa.
"Sasagutin mo ba yan Altair?" usisa ng ama. "Mukhang importante."
Sinagot niya ang tawag. "Hello. Sino po ito?"
"Ikaw nga ba yung lalaking nasa jeep, yung nagpatumba sa isang holdaper?"
Kung sino man ang tumawag, mukhang may alam.
"Ito nga ang hinahanap nyo. Hindi pa kayo nagpapakilala."
"Si Ka Bert ito, Bert Calderon." Mahabang hinto ang sumunod. "Nais kitang i-guest sa aking show, mapapaunlakan mo ba ako?"
Hindi alam ni Altair kung ano ang sasabihin niya pero sumang-ayon pa rin naman siya.
"Tuwing alas dos yung palabas na yun sa TV, channel 2," paalala ni Ka Bert.
"I'm glad to accept your offer Sir."
"Mabuti naman. Alam mo namang iilan na lang ang mga katulad mo sa mundo. Alam mo naman iho ang mundo, nakaugat ang landas ng bawat tao sa impluwensiya ng panlabas na kapaligiran. Kapag ang isang inosenteng anghel ay napadpad sa puder ng mga demonyo, hindi malabong maimpluwensiyahan siya. Sana marami ang maimpluwensiyahan mo."
"Sana nga po, sana nga."
"Ang episode na guest ka ay bukas nakaisched, hayaan mo kami ang susundo sa iyo okay?"
"Sige Sir, it's my pleasure. Thank you po."
"No... I thank you, thank you sa pagiging mabuting modelo sa kabataan."
Natapos na ang tawag.
Naging makabuluhan naman ang pagbubukas ng phone ni Altair.


Natatanaw na ni Lucio ang bayan ng Daanghari. Tutuparin ko ang kinakailangan. Itatama ko ang mga mali. Narito na ang tunay na liwanag.
Hindi pa uli natatawagan ni Lucio si Aling Luz tungkol sa kanyang tutuluyan. Kung ibang tao ang huhusga, sasabihin nilang naghihirap na ito at nagtitiis na lang tumira sa bakanteng espasyo sa bahay ng isang matandang dalaga. Pero may malalim na dahilan ang manunulat kung bakit sa payak na lugar tulad ng Brgy. Maliwanag naibigan niyang ikumpas ang kanyang panulat.
Kahit malapit na, ukab-ukab pa rin ang kalsada at sa bawat yugyog ng bus ay siya namang pag-alis sa pwesto ng bag ni Lucio na nakalapag sa sahig na medyo may kabigatan. Malabong maging damit ang laman nito dahil may maleta pa si Lucio na nakakarga sa loob ng bus.
May edad na si Lucio at kahit hindi halata sa pangangatawan, mahina na ito kumpara noong binata pa siya. Kaya naman nagpasabi siya kay Aling Luz na kailangan niya ng makakatulong sa pagbibitbit ng kanyang mga gamit, lalong lalo na ang nasa loob ng itim na bag. Parang yari sa bakal ang bagay na nasa loob nito dahil sa tuwing babangga ito sa bakal din na paanan ng upuan ay mataginting ang tunog na hatid sa tenga.
Nang tumapat sa isang daan na nababalot ng mga punongkahoy, alam niyang nakarating na siya. "Para, dito na lang ako." Alam niyang walang babaan o sakayan ng mga pasahero doon pero sa simpleng lohika, alam niyang dapat bumaba na siya upang hindi pa siya mapagastos at mapalayo.
Simpleng kausap ang nagmamaneho—kapag para, para talaga. Tanging siya lang ang nakakabatid sa katauhan ng kanyang natatanging pasahero. "Baba na ho kayo Mr. Dimasalang."
Huli na nang malaman ng ibang nakasakay na iyon pala ang dakilang nobelista, nakakababa siya, tutungo na siya sa kanyang layunin.
Binunot ni Lucio ang kanyang cellphone at tumawag sa kanyang magiging kahera.


Walang mapagsidlan ang pananabik ni Domino sa pagdating sa isa sa mga tinitingalang awtor. Nasa bahay siya ngayon ni Aling Luz at dinig na dinig niya ang usapan ng dalawa. Nasabi rin sa kanya ng matanda na ilang buwan maninirahan dito si Ginoong Dimasalang at mukhang may tatapusing panibagong obra, obrang tiyak na muling papatok sa mambabasa pero hindi para sa mga pinapatamaan.
Tinawag ni Aling Luz sina Cris at Elias upang tulungan ang paparating. Walang sumasagot, kanina pa palang naroon ang magkapatid at tinutulungan na si Lucio sa mga gamit—si Cris sa maleta at si Elias ang nagpapasan ng itim na bag.
"Takte!"pabulong na reklamo ni Elias. "Ano ito? Bato?" Nagugulumihanan si Elias kung ano ang nilalaman ng dala-dala niya.
Bahagya niyang binuksan ang zipper nito pero nakita siya ni Lucio. "Hindi bat ikaw ay ipinadala dito upang tulungan ako at hindi pag-interesan ang aking makinilya. Huwag mo ng uulitin ang pag-uusisa sa gamit ng iba. Intiendes?"
Tumango na lang si Elias. Parang mas mabigat pa ang dating nitong manong na ito kesa sa lintik na makinilya na ito. Mukhang magkasintanda lang sila ng makinilya. Teka, sino pa ba ang nagamit ng makinilya ngayon? Panahon pa ata ni kupong-kupong itong matanda.
Lumabas na rin sa bibig ang sagot. Isang makinilya ang laman.
Hindi naman nagalit si Lucio. "Huwag kang malungkot iho, hindi kita pinagsabihan para mapahiya ka, ginawa ko yun para iwasto ang hindi wasto at yun ay mangialam ng gamit ng may gamit."
Nagkatinginan ang magkapatid. Naisip nila na tama naman ang tinuran ng manunulat at wala silang naging pagtutol dito.
Matanda na si Lucio pero hindi malabo ang kanyang mata at kahit may salaming may kulay, nakikita niya ang isang dalaga na may dalang libro na pamilyar sa kanya. Kinuha niya agad kanyang ballpen at lumapit sa dalaga. Ang dalawang magkapatid ay nagpatuloy na sa tirahan ni Aling Luz.
"Iha, akin na ang iyong libro at aking pipirmahan, hindi bat ito ang iyong nais?"
Natigilan si Domino. "Ah...Tama po kayo, Sir Lucio." Hindi pa rin siya makapaniwala na nasa na niya ang idolo. "Balang araw, makakalikha rin ako ng akdang pampanitikan, tulad nito."
"Iha, walang duda, magiging mahusay kang manunulat. Alam mo ba kung bakit?"
"Bakit po?"
"Tayo ang sumusulat ng ating sariling kuwento at sa bawat pahina ng ating buhay, panibagong karakter, tagumpay o suliranin ang sasalubong sa bida pero tandaan mo hindi lagi masaya ang nagiging wakas."
Mga pananalita ng karunungan na bumubukal sa isip at lumabas sa bibig ng nag-iisang Lucio Dimasalang. Naalala niya bigla ang malungkot na naging katapusan ng dalawang mangingibig sa nobela ni Lucio, parang mga akda ng trahedya ni William Shakespeare tulad ng Romeo and Juliet. Bitter sina Sir Lucio at Shakespeare, talaga lang.
Pinirmahan na ni Lucio ang kopya ng 'Pulang Tinta' sa may unang pahina. Malugod na ibinalik ni Lucio ang libro sa tagahanga. Alam niya na sa simpleng gawi na iyon ay may hatid na tuwa.
Sa pag-iinspeksyon ni Domino  sa pirma ni Lucio, talagang kumbinsido siya. Mahirap talagang mapeke ang pirma ni Sir Lucio. Nag-iisa lang.
"Sige iha pupunta na ako sa aking tutuluyan."
"Well, sa totoo lang po magiging kapitbahay po namin kayo."
Bahagyang natuwa si Lucio. "Kung ganoon, tara na...Domino iha. Maganda siguro na magkaroon ng kapitbahay tulad mo."
Paanong nalaman ang pangalan ko. Nakita niya siguro yung pangalan ko sa unahan ng libro. Ang mahalaga na lang sa kanyang isip ay magkakilala na sila ng idolo at ngayon ay magiging magkapitbahay sila sa loob ng ilang buwan.


Nakarating na sa bahay ni Aling Luz ang mga nagbuhat ng gamit. Sumenyas naman si Aling Luz na dalahin sa ikalawang palapag ang mga gamit. Nagmustra naman si Cris na parang nanghihingi ng upa sa naging pagbubuhat pero wala raw sabi ni Aling Luz. Sa pag-akyat ng dalawa, hindi na sila nahirapan tuntunin ang magiging kwarto ni Lucio dahil iisa lang naman ang silid doon. Sa taas ng pinto nito, nakasabit ang krus na matagal ng naroroon.
Sa loob ay nakikita nilang malinis at makintab ang kahoy na sahig. Malapit sa bintana nakalagay ang isang malapad na mesang kahoy. Naisip ni Elias na dito ipatong ang makinilya at siguradong maraming ilalathala ang bagong dating.
Matapos mailagay ang gamit sa loob ng kwarto, bumaba na ang magkapatid at sa may pinto palabas ng tahanan ay nakasalubong nila sina Domino at Sir Lucio. Namilog ang mata ng mga binata nang makikitang may dinudukot sa bulsa at tama nga sina Cris at Elias, kinuha nito ang pitaka at kumuha ng buong sandaang piso.
"Heto mga iho, pampalubag-loob." Iniabot ni Lucio ang malutong na salapi.
"Salamat po Sir Dimasalang," tugon ni Elias na tumanggap ng pera.
Napawi ang masamang impresyon ng magkapatid sa manunulat na inakala nila ay maligalig tulad ng ibang matatanda at mukhang galante pa ang ginoo.
Kinausap ni Lucio si Aling Luz habang si Domino naman ay tumungo sa kwarto sa itaas na kanina pa niyang naipagpaalam.
Ang unang pumukaw ng pansin ni Domino ay ang makinilya na nakapatong sa mesa. May mga balita nga na makaluma si Sir Lucio lalo na sa pananalita ng mga karakter niya at sa mga salita ng kanyang mga artikulo pero hindi niya inaasahan na may ganito pang uri ng teknolohiya si Sir Lucio. Makaluma nga. Wala ba siyang pambili ng laptop at printer para mas madali?
"Makaluma hindi ba?" Ang tinig ay nagmula sa likod ng dalaga.
Pagkagulat ang unang tugon ni Domino, hindi niya namalayan na kapiling na pala niya si Sir Lucio. Bigla-biglang nasulpot ah. Mahilig sa surpresa si Sir Lucio.
"Sir kayo po pala."
"Alam mo iha, lahat ng bagay ay may halaga at gayundin ang aking makinilya na naging kabiyak ko na sa buhay matapos mawala ang aking asawa. Ang makinilya na niyang ang naging saksi ng mga lihim sa mga kuwentong ginagawa ko. Hindi ko pinagsisisihan ang paggamit niyan kaysa sa mga makabagong teknolohiya."
"Nauunawan ko po Sir—"
"Huwag mo na akong tawagin Sir pwede ba. Hindi ko ikinakahiya ang aking edad na singkwenta'y nuwebe," wika ni Lucio. "Oo magkakadiscount na ako sa sunod na taon," biro naman nito sa kausap.
Natawa naman si Domino sa biro ng kausap.
"Lolo ang itawag mo sa akin, tutal naaalala ko sa'yo ang aking naiwang apo doon sa Maynila."
"Sige po sir este Lolo Lucio. Ako rin po may naaalala sa inyo. Yan sa hitsura niyo"
"Sino naman, yun lolo mo bang gwapo?"
"Ah eh hindi po."
"Sino?"
"Si...si Simoun po."
"Sinasabi ko nga ba eh," pagmamalaking sagot ni Lucio na para bang nahulaan niya. "Hindi lang ikaw ang nagsasabi niyan. Kung iyong mararapatin, mag-aayos pa ako ng mga gamit at kaya ko na ito ng mag-isa. Sige iha makakaalis ka na, salamat."
"Sige po paalam."
Bumalik na sa kanilang bahay si Domino at binalikan ang naiwang kaibigan na kanina pang nagseselpon. Naupo siya sa tabi ni Newton at nagkuwento sa mga nangyari sa pagkikita nila ni Lolo Lucio mula sa may labasan hanggang sa tutuluyang kwarto ng manunulat. Nabanggit din niya kay Newton ang mga sinabi at mga aral na ibinahagi ni Lolo Lucio na tumatak sa kanyang puso't isipan— Tayo ang sumusulat ng ating sariling kuwento at sa bawat pahina ng ating buhay, panibagong karakter, tagumpay o suliranin ang sasalubong sa bida pero tandaan mo hindi lagi masaya ang nagiging wakas.

Domino Effect: Child of DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon