Nasa tapat ako ng Zagu sa may Grove, namimili kung anong flavor ang bibilhin ko. Sa totoo lang, nakakasawa na 'yung karaniwang flavor na pinipili ko at gusto ko namang sumubok ng bago. Nalulungkot ako pag nakikita ko ‘yung Cookies ‘n Cream sa list. Favorite ko 'yun nung High School ako, pero higit tatlong taon na rin na pala mula nung natikman ko ‘yun….
Sobrang lungkot ko nung nawalay ako sa pamilya ko para mag-aral sa UP Los Baños. Sabi nga nila sa akin bakit sa kabilang dulo ng Luzon ko pa piniling mag-aral, pero sabi ko matutupad 'yung mga pangarap ko sa unibersidad na 'yun.
Naaalala nyo pa ba, Ar at Vi? Freshmen tayo nung nakilala ko kayo. Pagkatapos ng Chemistry Laboratory natin, sabi nyo pwede akong sumama sa inyo. Medyo gumaan 'yung loob ko dahil may makakasama ako.
Bumili tayo ng Zagu sa temporary food stand near PhySci. Cookies ‘n Cream ‘yung binili nyo at nakigaya naman ako. Naalala nyo pa ba? Dun tayo sa likod ng Humanities nagpahinga. Ar, pinagtawanan ka pa nga namin kasi paubos na ‘yung sa amin ni Vi tapos sabi mo iuuwi mo na lang ‘yung sa ‘yo. Nalusaw na nga eh. Sana Chuckie na lang ‘yung binili mo.
Napakasaya ko nung araw na ‘yun. Nakalimutan ko na malungkot nga pala ako. Puro kwentuhan, tawanan, asaran. Para tayong mga bata at hindi mga college students. Napadalas ‘yung pagkikita-kita natin. Ikaw Ar, nakakatuwa kang kasama, ang dami mong weird na ginagawa. Ikaw naman Vi, laging nakangiti. Nakakahawa ‘yung cheerfulness mo at nakakatanggal ng stress. Sa inyo ko nakita ‘yung pamilya na hindi ko makakasama panandalian. For the very first time, na-enjoy ko ang pananatili sa Elbi. Sobrang memorable nun, 'yung mga sandaling kasama ko ‘yung best friends ko.
Akala ko hanggang matapos tayo makakasama ko kayo, pero simula nung second semester bigla na lang kayong nawala.
Nabalitaan ko Ar na may org ka na. Ang dami nyong activities at iniisip ko na sana may ganun din tayo paminsan-minsan at magkakasama tayo ni Vi. Madalas pa rin naman tayong magkita sa campus at magkaklase tayo sa maraming subjects pero hanggang batian na lang ngayon.
Ikaw naman Vi, parang napakalayo mo na. Minsan na lang tayo kung magkita. Naging kaklase kita sa isang subject last year at dahil gusto rin kitang makasama sinusubukan kong sabayan ka pauwi, pero nakita kong mas masaya ka ‘pag ‘yung isang kaibigan mo 'yung kasama mo.
Pinipilit ko na lang din maging masaya para sa inyo. Ganoon naman ang pagkakaibigan, ‘di ba? Hindi kailangang laging nandyan 'yung tao sa tabi mo para masabing kaibigan mo. Pero sa loob-loob ko, 'di kaya niloloko ko lang ang sarili ko sa pahayag na 'yun?
Minsan pinaaalam ko sa inyo through text messages or posts na malungkot ako, pero ‘di ko lang masabi direkta na namimiss ko na kayo. Meron na rin naman akong ibang mga kaibigan ngayon, pero parang may kulang pa rin sa akin pag wala kayo. At isa pang kinatatakutan ko ay baka naman wala lang naman talaga sa inyo ‘yung pagkakaibigan na ‘yun na sobra kong pinahalagahan. Pero ‘wag naman sana.
Huling semester na natin ‘to, hopefully. Sana sa ating nalalapit na pagtatapos ay maalala natin kung paano tayo nagsimula, at sana sa paggunita na ‘yun ay maalala nyo rin ako. Maghihintay ulit ako sa likod ng Humanities, kahit sa huling pagkakataon. Bibili ako ng tatlong Zagu, Cookies ‘n Cream, at sisiguraduhin kong lusaw ‘yung isa.
Hihintayin ko ‘yung araw na ‘yun.
Nagmamahal,
Procopio, CAS, 2011
(Author’s note: This entry was intended to be submitted to The Elbi Files, but I realized that I didn't want to be an anonymous writer.)

BINABASA MO ANG
Cookies 'n Cream
Short Story"Huling semester na natin 'to, hopefully. Sana sa ating nalalapit na pagtatapos ay maalala natin kung paano tayo nagsimula, at sana sa paggunita na 'yun ay maalala nyo rin ako. Maghihintay ulit ako sa likod ng Humanities, kahit sa huling pagkakataon...