Part I

62 3 2
                                    

Wala namang bago sa araw na 'to. Sanay naman akong bugnot at hindi mapakali kapag napapaligiran ng mga tao. Lalo na yong mga maiingay at walang ibang mabuting gawin kundi ipagsigawan sa sangkatauhan na sila ang pinakamagaling sa larangan ng pangungulangot. It's an art, sabi nga. Kaya marapat lang ipagyabang.

Sabado ngayon. Wala ding bago. Merong limampu't dalawa na Sabado sa isang taon. Ulitan lang naman palagi. Gigising sa umaga, kakain ng almusal. Tapsilog kapag sinuswerte. Kapag minamalas, tutong na pandesal. Masarap pa rin naman. Hindi lang kasing sarap. Sa tanghalian, malalaman mo nalang kung anong ulam pag-patak ng alas onse. Maguumpisang umamoy ang niluluto sa baba ng bahay, aakyat sa hagdanan, tatahak sa sahig at unti unting lulusot sa ilalim ng 'yong pinto. Tapos ayan. Alam mo na anong ulam.

Paborito kong tanghalian ang ginisang monggo. Oo hindi Biyernes ngayon. Bakit? Sino ba nagsabi na tuwing Biyernes lang pwedeng kumain ng ginisang monggo. Ito ba'y nasusulat sa bibliya? Wala naman diba? Kaya tanggapin nalang nating lahat, na ang mga ulam, hindi dapat itinatali sa iisang araw lamang. Bakit natin kailangang limitahan ang mga bagay bagay kung magdudulot lang ng kasawian. Hayaan natin ang mga tao na idesenyo ang buhay na gusto nilang tahakin. Medyo napalayo ako sa usapan. Pasensya. Nadala ng emosyon.

Ito na nga. Birthday pala ni Nanay. Hindi ko naalala. Sobra kaseng daming nangyayari sa buhay kolehiyo. Midterms. Finals. Student Council Elections.

Wala naman akong balak talaga nung una pero napilitan na rin. "Deo takbo ka, Secretary. Diba maganda sulat mo." Asar ni Bella. Sineryoso ko. Tumatakbo ako ngayon bilang Secretary ng buong Pamantasan. Hindi ko akalain ang oras na gugugulin para lang sa pagtakbo sa isang posisyon na pagkatapos ng dalawang taon eh, mawawalan din ng bisa. Second year ko na sa kolehiyo. Pagkatapos nito, balak kong... wala. Wala pala akong balak. Malabo pa ang bukas.

Yan lang ang bago sa araw na 'to, kaarawan. Ang aga aga palang ang dami nang tao sa bahay. Ang ingay. Tipong lahat ng kaluskos rinig na rinig sa kwarto ko. "Sino magbabalot ng lumpiang shanghai?!" sigaw ng isa. Sino bang hindi mabubugnot? Sakit sa tenga ng mga sigawan. Bakit hindi nyo plinano gabi palang sino ang gagawa ng mga bagay bagay at papaano.

Matapos ang isang oras, napagdesisyonan din na tawagin nalang si Aling Baby para magbalot ng lumpiang shanghai. Ang gold medalist.

Si Aling Baby, na hindi na sanggol, ay pinanganak at lumaki sa Bulacan. Dun nagmula ang kanilang angkan. Ang bali-balita, angkan daw sila ng mayayaman. Pero ang tanong ko, bakit sya bungal? Kung totoong sya ay mayaman, bakit hindi nya kayang bumisita sa dentista at ipaayos ang ngipin nya. O tipong nakasanayan nalang nya. "Aling Baby" nga diba, so pangatawanan nalang. Sanggol. Bungal.

Mas pinili kong manatili sa kwarto ko habang nagkakagulo sila sa kusina. Iinom ko nalang ng tubig 'tong gutom ko.

Halos alos dos na nang mapagdesisyonan kong magpakita sa mga tao sa ibaba ng bahay. At sa mga oras ding 'to, mas matahimik na ang paligid. Nagbalik na sa kani-kanilang kabahayan ang mga kapitbhay na tumutulong sa handaan. Bandang alas sais bago magsimula ang handaan, unti unti sila magdaratingan para iluto ang mga pagkain na hinanda.

Uso kasi sa barangay namin ang bayaninahan. Kapag merong may kaawaran, hindi mo na kailagangan humingi pa ng tulong. Kusa silang kakatok sa inyong pintuhan. Pero ito, handa ka dapat sa chismis. Meron ka dapat nakalaang usapan. Yan din naman ang isa pa sa mga rason kaya rin engganyong engganyo silang makisali. Para sa mga malulutong at mainit-init pang chismis "Balita ko nakapag-Saudi na daw ang asawa ni Myrna, baka makapagbayad na din sya ng utang. Kaso nga lang, panay daw ang 'mine' sa live. Baka maubos din ang ginto."

"Oh Aling Baby bakit andito ka pa?" Tanong ko nung gulat kong nakita sya na nagbabalot padin ng lumpiang shanghai sa lamesa, malapit sa kubeta.

"Wala naman Deo. Nakaka-dalawangdaan palang ako. Kailangan kong ubusin 'tong giniling na baboy kase kung hindi, mapapanis lang. Sayang. Saka naka-pangako na'ko sa Nanay mo." Sabay ngiti, na bagamat maraming siwang, puno naman ng galak.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 31, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Kwento ng Hulmang KamoteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon