"Kain una tayo, Sweetheart," nakangiting yaya ni Roman kay Loren paglabas niya ng klase niya isang linggo mula nang pumayag siyang ihatid at sunduin siya nito sa eskuwelahan.
Habang lumalawig ang pagkakakilala nila, hindi siya nagkamali ng sapantahang sa malao't madali ay tuluyang mahuhulog ang loob niya rito. At sa bawat raw na lumilipas, pakiramdam niyaay palapit siya nang palapit sa araw na bigla na lang niyang makalimutang isinumpa pala nıya sa sariling magiging matagumpay muna bago ma-involve sa kahit na sinong lalaki.
Nakadagdag pa sa paghina ng determinasyon niya ang katotohanang pabor na pabor si Divina kay Roman para sa kanya. Pati na rin si Mrs. Juco na sa wakas ay pinagsabihan na niya ng sekreto niya.
"Puwede ba akong tumanggi, mahal na hari?" nakangiti ring tanong niya kay Roman.
Nagkibit-balikat ito, sabay kuha ng mga librong dala niya. "Bakit naman hindi, aking reyna? Hindi naman ako magpupumilit kung talagang ayaw mo. Ikaw ang boss dito, hindi ba?"
Ikinawit niya ang braso rito, pagkatapos ay lalo na niyang pinatamis ang pagkakangiti rito, "At bakit naman ako aayaw? Sa pagkakaalam ko, libre ang ipapakain mo sa akin. Ang sabi nila, masama raw ang tumatanggi sa grasya. Magtatampo ang Diyos."
Bahagya siyang siniko nito sa tagiliran. "Alam mo naman palang masama ang tumatanggi sa grasya, bakit ang grasya ng pag-ibig ko, hanggang ngayon tinatanggihan mo?"
Sinimangutan niya ito. "Gaano naman ako kasiguradong grasya nga ang mapapala ko sa pag-ibig na sinasabi mo at hindi disgrasya?"
Hindi ito sumagot. Pasimpleng ikiniskis nito ang ilong sa ilong niya. Bagaman saglit siyang nagulat sa ginawa nito ay hindi siya nagpahalata. Lalo pa nga at ramdam na ramdam niya ang pagkabog ng puso niya dahil doon. Naaamoy pa niya ang suwabeng pabango nito na nagdudulot ng kakaibang sensasyon sa kanya.
"Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong na iyan, Loren. Basta ang alam ko, malinis ang intensiyon ko sa iyo," seryosong wika nito.
Sa halip na magkomento ay lalo niyang hinigpitan ang pagkakaabrisete rito. Ngayong nasasanay na siya sa manaka-nakang pagdidikit ng mga balat nila pakiramdam niya ay naging addicted na siya sa init ng katawan nito. Walang imikan na lumabas sila ng campus. Buong akala niya ay maglalakad lang sila patungo sa kaninang sinasabi nito. Kaya nagulat siya nang igiya siya nito sa kinapaparadahan ng isang magara at tila bagung-bagong sasakyan. Nasanay na kasi siyang naglalakad lang sila kapag inihahatid-sundo siya nito.
Ang owner-type jeep na palaging gamit nito ay iniiwan nitong nakaparada sa harap ng restaurant ni Mrs. Juco. Sa ganoong paraan, maraming mga bagay- bagay silang napag-uusapan.
"S-sa iyo yan?" tanong niya.
"Sa utol ko. Nakatuwaan niyang ipahiram sa akin," nakangising sagot nito.
Tinampal niya ito sa braso. Hindi lingid sa kaalaman niya na solong anak ito, "Hindi ko alam na may itinatago ka palang kahihiyan sa katawan, Mr. Valentino. Hindi yata bagay sa isang katulad mo."
Kinurot siya nito sa tagiliran-isang gesture na madalas niyang gawin dito. "Sobra ka naman, Miss Gatchalian." Kailan lang nalaman nito ang apelyido niya, kaya minabuti niyang sabihin na rin dito ang ilang katotohanan sa pagkatao niya upang hindi siya mapilitang magpaliwanag pagdating ng araw.
"Anong akala mo sa akin, mayabang?" Napahalakhak siya.
"Hindi. Bakit ko naman aakalain yon, samantalang alam na alam kong hindi ka lang basta mayabang? Saksakan ng yabang." Pinandilatan siya nito.
"Sinabi mo yan, ha? Ipapakita ko sa iyo mamaya kung gaano ako
kayabang.""Call," nakataas-noong wika niya, sabay pasok sa loob ng sasakyan.
YOU ARE READING
A Promise of Tomorrow
Romantik"Totoo sa loob ko ang pag-aalok ng kasal sa iyo. I have never wanted any woman so badly into my life like I wanted you." [ COMPLETED ]