Chapter 28

2.2K 229 88
                                    

Malakas ang ihip ng hangin at patuloy ang pagbagsak ng niyebe sa buong Ruligan, sa kabila nito ay patuloy pa rin na abala ang mga exile para sa nalalapit na digmaan.

"Hah!"

"Hah!"

"Hah!"

Sa bawat parte ay may makikitang mga exile na nagsasanay kasama ang mga sundalong yelo na ginawa ni Avanie. Sa pinakamalawak na bahagi ay nakahilera ang pinaghalong exile at mga sundalong yelo at magkakatulad na gumagalaw nang hindi umaalis sa kanilang hanay. At maririnig mula rito ang iisang sigaw na kumakalat sa bawat parte ng Ruligan.

Sipa, suntok, wasiwas ng espada at talon. Magkakasabay ang mga ito na tila ba gumagalaw sa saliw ng isang tugtugin.

Ni sa hinuha ay hindi inisip ng mga exile na magiging parte sila ng isang pangyayari na sa mga kwento at balita lang nila naririnig. Sino ba naman kasi ang mag-aakala na pagkaka- interasan ni Bernon ang Mizrathel? Ilang taon silang namuhay ng tahimik sa lugar na ito at kung kailan sa tingin nilang dito na sila mamamatay ng payapa, biglang isang malaki at nakakatakot na balita ang gumulat sa kanila.

"Napakawalang puso talaga ng Bernon Zeis na 'yon!" Reklamo ng isang exile habang sumasabay sa sipa. Tila rito nito ibinubuhos lahat ng hinaing nito sa buhay.

Isang bigwas. "Isa siyang hari! Hindi niya alam ang hirap ng mga kagaya natin!" Isang reklamo.

Isang sipa. "Kung siya kaya ang lumagay sa kinalalagyan natin at nang maramdaman niya kung pa'no matahin ng lipunan!" Isang reklamo.

Isang wasiwas sa espada. "Hahatiin ko siya ng maraming beses para matuwa naman ako!" Isang konyat sa ulo. Nanlalaki ang mga matang tiningnan niya ang katabi. Nakataas pa ang kamay nito na tumama sa ulo niya. "Problema mo?"

"Sirang plaka ka ba? Paulit-ulit? Simula nang mag-umpisa ka ganyan na sinasabi mo. Wala na bang iba? Kasing laki lang ba ng munggo utak mo ha?"

"Galit ako!" Angil nito.

"Ako rin galit! At kapag hindi ka tumigil kaka reklamo-sayo babagsak ang galit ko."

Napahinto sandali ang nagrereklamo sabay silip sa katabi noong lalaki na kumonyat sa kanya. Isang sundalong yelo ang nakatingin lang sa kanila at tila nagtataka ito sa ginagawa nilang dalawa.

Ngumuso siya at bumalik sa page-ensayo.

Isang maliit na pangyayari subalit hindi ito nakaligtas sa mata ni Lyrad at Dada Monja.

"Ano sa tingin mo?" Binalingan ni Lyrad ang katabi. Tahimik lang itong nakatuon sa mga sundalong nag-e-ensayo sa harapan nila. "May pag-asa ba tayong manalo sa laban na ito?"

"Kung sa lakas at karanasan ang pagbabasehan, walang dudang lamang ang hukbo ng Asturia. Pero... ...kung hanggat nandito ang babaeng 'yon, sigurado akong malaki ang tiyansa nating manalo."

Tumango si Lyrad.

Hindi nila alam kung gaano kalakas ang hukbo ni Bernon pero sa dami ng mga sundalong yelo sigurado siya na hindi sila basta-basta matatalo.

"Kailan sila babalik?" Tanong ni Dada kay Lyrad.

"Nakausap ko ang kamahalan, sinabi niyang babalik sila sa ikalima at magkakaroon ng mahalagang pulong oras na dumating sila."

Kumonot ang noo ni Dada. "May nangyari ba?"

"Nakaharap nila ang ilang nindertal na galing sa Asturia at nakita ng kamahalan ang gagamiting lagusan ng hukbo ng Asturia."

"Ang ibig sabihin... ...binabalak niyang pigilan ang mga ito?"

Sandali munang natulala si Lyrad bago umiling. "Ang kamahalan..." Lunok ilang beses tapos ay salita uli. "Nagulangan sila ng mahal na prinsesa."

QUINRA [Volume 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon