"Good morning, tita!" nakangiting bati ko pagkapasok ko ng pinto nila.
"Si Teia po?" dagdag kong tanong. Ngumiti lang pabalik si tita at tinuro ang napakagandang girlfriend ko na mahimbing na natutulog.
"Oh sya, simulan mo na magkabit ng balloons. Tahimik lang ah? Baka magising ang anak ko." sabi ni tita habang nakangiti nang kaunti.
Tumango lang ako habang si tita naman ay pumunta sa kusina, siguro nagluluto siya ng pagkain para sa mga bisita mamaya.
Sinimulan ko nang lagyan ng hangin ang mga binili kong lobo.
Habang naghahangin ay bigla kong naalala noong sinurpresa rin namin si Teia noong birthday niya last last year. Dahan-dahan din kaming naghanda para lang di siya magising ngunit nung nagluluto ako, nabagsak ko ang kawali kaya nagising siya. Ayun, epic fail tuloy surprise namin.
Kaya naman napagpasyahan namin subukan ulit gawin yun ngayon tutal birthday ngayon ni Teia.
"Oh iho, andito ka na pala."
Napalingon ako nang marinig ko ang pamilyar na mababang boses mula sa likuran ko.
"Ay sorry po, tito. Di na ko nakapunta sa kwarto para batiin ka kasi sinimulan ko na agad 'to para bago pa dumating yung mga bisita ay nakahanda na." Pagpapaliwanag ko.
Tinapik niya ang balikat ko at bumuntong hininga. Napatingin ako sa kaniya, "May problema po ba?"
"Wala naman. Gusto ko lang magpasalamat kasi hanggang ngayon, nakikita kong mahal na mahal mo pa rin ang anak ko." Ngumiti si tito at gayun din ako dahil sa sinabi niya.
"Nako tito. Kamahal mahal naman kasi talaga yang anak niyo." napatingin ako kay Teia na mahimbing ang tulog. "I love how she cares for me, you, and tita. She's the sweetest person I've met."
Napangiti ako nang marahan, "Kahit na ilang taon na magmula noong naging kami, siya pa rin ang Teia na minahal ko noong umpisa palang."
Tinapik muli ni tito ang balikat ko at ngumiti. Pumunta na siya ng kusina nang senyasan siya ni tita kaya bumalik nalang ulit ako sa paghahangin ng lobo.
Matapos ang halos kalahating oras kong paghahangin ay naubos na rin ang plastic na puno ng lobo at nailagay ko na rin ang mga lobo sa paligid.
"Tapos ka na?" tanong ni tita na kakalabas lang ng kusina na siyang tinanguan ko lang.
"Tapos na rin ako magluto. Sakto malapit na rin dumating ang mga bisita. Salamat, Kyle. Maliligo muna ako kaya ikaw muna mag-asikaso kung sakaling may bisita na ha?" ngumiti si tita at dali-daling umakyat.
Napabuntong hininga nalang ako at napatingin kay Teia. Habang bitbit ang mga bulaklak na binili ko, dahan-dahan akong naglakad papunta sa kaniya para makita ko nang maayos ang mukha niya.
Bakit naman ganyan ka kaganda kahit tulog ka, mahal?
Alam mo ba? Magiging proud ka pag nalaman mong ako nagpaganda ng bahay niyo kahit takot ako sa lobo. Tapos si tita naman, niluto niya ang paborito mong sinigang at si tito, tinulungan si tita sa paghahanda sa kusina.
Ipinatong ko ang bulaklak sa kabaong niya at muling tinitigan ang napakaamo niyang mukha.
Happy Birthday, Teia.
Nagsibagsakan ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Ang tahimik na bahay ay napalitan ng malakas na hagulgol ko at tila nanghina ang tuhod ko kaya napaupo ako.
Sana matuwa ka sa surpresa namin, mahal.
I love you.