Kaharap mo sa dilim ang isang estranghero
Subalit hindi mo malaman kung sino
Minamasdan ka sa iyong pighati't pagkabigo
Sinasamsam ang damdamin mong nalilito
Kung estranghero nga ba siya'y bakit ganyan ang asta
Kung makatitig, akala mo'y kabisado ka na
Pilit kang sinusuri, nagtatanong bawat mga mata
Kahit kalungkota'y hindi mahahalata,
pakiramdam mo ay kilala ka na
Bawat kilos mo'y sinusunod niya
Pinaparehas bawat emosyon kahit ang pagtawa
"Nababaliw nga ba", tanong sa sarili mong nangangamba
Kung sino man siya'y iyan ang 'di mo maalala
Ngunit sa pag-iyak mo siya'y nakikisimpatiya
Sa mata niya, umaagos butil ng mga luha
Tila pinisil ang dibdib mo nang iyong nakita,
Sarili mong imahe, tinatahan ka'ng nag-iisa