2| Chapter 5: Good Samaritan

312 20 0
                                    

"SANA mapatawad mo ako."

Napadilat ako nang marinig ang boses ni Bryan Wale. Nagsasalita siya habang natutulog. Napintig ang mga tenga ko sa narinig at naikuyom ko ang mga palad ko.

Dahil sa sinabi niya, bumalik sa 'kin ang kasamaang ginawa niya noon sa academy. Siya ang dahilan kung bakit namatay ang isang estudyante dahil pinapasok niya ang masasamang mga lalaki sa paaralan. Dahil sa panggugulo niya sa oras at panahon, naging sanhi ito ng pagkamatay ng isang tao!

Bakit ngayon ko lang naalala ang kasamaan ng lalaking ito? Masyado yata akong nagpadala sa awa dahil sa kalagayan niya kaya tinulungan ko siya. Bakit kasi hindi ko maatim na pabayaan na lang ang mga taong humihingi sa akin ng tulong nang hindi iniisip kung kalaban ba ito o kakampi?

Mariin akong napapikit at marahas na bumuga ng hininga.

Hindi ko alam kung dapat bang magpasalamat ako na ganito ako pinalaki ng mga magulang ko, na hangga't kaya ko, tutulong at tutulong ako sa ibang tao.

Napatayo na lang ako nang maalala ang aking ina. Oo nga pala! Nakiusap nga pala ako kay Kael kanina na bantayan niya muna si Nanay at susunod din ako sa kanila!

Ba't nawala sa isip mo 'yon, Ellis? inis kong sabi sa sarili ko.

Matapos kong tapunan ng huling tingin ang natutulog na lalaki, nag-teleport ako patungo sa likuran ng pamilihan kung saan sigurado akong walang nagagawing mga tao. Kinalas ko ang pagkakatali ng jacket sa baywang ko at sinuot iyon para matakpan ang mga galos at sugat ko sa magkabila kong braso. Inayos ko rin ang gulo-gulo kong buhok at pinagpagan ang marumi kong pantalon. Nang masiguro kong maayos na ang itsura ko, umalis na ako sa pinagtataguan ko at pumasok na sa pamilihan.

Bumati sa 'kin ang maingay na pamilihan. Higit na marami ang mga taong bumibili tuwing Linggo kesa sa regular na mga araw rito.

"O, hija! Wala ka bang huli ngayon?"

Nilingon ko ang matandang nagsalita na nakilala kong si Mang Jo. Kumaway ako sa kanya bilang pagbati at lumapit sa pwesto niya.

"Wala ho, Mang Jo, eh. Galing ho kasi kami ni Kael sa bayan kaya hindi kami nakapangaso kanina. Sa susunod na Linggo ho, manghuhuli kami ng ligaw na mga hayop," saad ko.

"Aasahan ko 'yan, hija. Gusto ko ng malaki-laking huli, ha," sagot niya at bahagyang tumawa.

Tumango ako. "Makakaasa ho kayo, Mang Jo. Sige ho, una na ho ako."

Nagpatuloy ako sa paglalakad patungo sa pwesto ni Nanay. Nakita kong marami siyang customer kaya nagmadali akong lumapit sa kanya para tulungan siya.

"‘Nay, ako na po ang magbabalot niyan." Kumuha ako ng plastic bag at inilagay roon ang tatlong bugkos ng petsay at dalawang buong repolyo. Ibinigay ko iyon sa suki naming si Manang Belen at inabot naman ni Nanay ang sukli sa matanda.

"Salamat, hija. Una na ako, Helena!" paalam niya sa amin ni Nanay at naglakad na paalis.

Ibinalot ko rin ang iba pang pinamili ng mga mamimili at si Nanay naman ang nagbibigay ng mga sukli nila.

"'Nak, bakit ngayon ka lang? Sabi ni Kael kanina, susunod ka agad dito pero tatlong oras na ang nakakalipas at saka ka lang dumating. May nangyari ba?" pagkuwa'y tanong ni Nanay matapos ibigay ang sukli ng huling customer.

Paubos na rin ang mga panindang mga gulay namin kaya tiyak na hindi magbebenta si Nanay bukas kasi kailangan pa naming mag-ani ng mga pananim na gulay sa maliit naming sakahan.

"Nakasalubong ko po kasi si Perce noong pauwi ako ng bahay, 'nay. Pagkatapos po nagsimula na kaming mag-ensayo," tugon ko, hindi na sinabi ang ibang nangyari bago ako nagtungo rito. Hangga't kaya ko, ayokong magsinungaling o maglihim sa aking ina. Ngunit ayoko namang madamay siya sa kung anuman itong gulong pinasok ko sa pagtulong kay Bryan Wale. Mas magiging ligtas siya kung wala siyang nalalaman. "Pasensiya na po kung natagalan ako."

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon