2| Chapter 12: Missing

242 14 0
                                    

NAGPABALING-BALING ako sa higaan ko. Alas dose na ng gabi pero hindi ako makatulog. Gumugulo pa rin sa isipan ko ang sinabi ni Nanay kanina. Imbes na maliwanagan ako, parang nadagdagan pa lalo ang mga katanungan sa isipan ko. At hindi ako pinapatulog ng mga iyon ngayon.

Pagbaling ko sa kaliwa, napadako ang paningin ko ang bote ng gamot na ibinigay ni Perce kanina.

Napakabisa ng gamot na iyon, siguro mapapadali no'n ang paggaling ng sugat ni Bryan Wale. Kailangan na niyang gumaling sa lalong madaling panahon para makuha na namin ang libro sa academy.

Sukat sa naisip, dali-dali akong tumayo at nagsuot ng jacket. Kinuha ko ang bote sa mesa at agad naglaho.

Nadatnan kong natutulog si Bryan Wale pagdating ko sa abandonadong bahay. At tulad ng inaasahan ko, naalimpungatan siya nang makarinig ng yapak kahit buong ingat kong inihakbang ang mga paa ko para hindi makagawa ng ingay. Naging alerto siya at inihanda ang mga kamao niya sa pag-atake. Pero nang lingunin niya ang pwesto ko, ibinaba niya ang mga kamao at huminga nang maluwag.

"Pasensiya na kung nagising kita."

Bigla naman akong ginulo ng konsensya ko. Malalim na ang gabi. Imbes na nagpapahinga na siya para makabawi ng lakas, ginambala ko pa siya. Pero ang babaw siguro ng pagtulog niya kaya ang bilis niyang nagising.

"Magandang gabi rin sa 'yo, Miss," sagot niya at umayos ng upo.

Umupo rin ako sa kaharap niyang upuan. "Kumusta na ang sugat mo?"

"Walang pinagbago," umiiling niyang sagot. "Kanina ko lang nalinisan nang maligo ako."

Tumango ako bilang tugon. Bumalik na naman siguro siya sa kainang pinagtrabahuan niya bilang tagalinis at doon naligo. Iyon ang kinuwento niya sa akin noong nakaraan. Ang sabi pa niya, napakabait daw ng mga tao rito sa baryo namin.

Saka ko lang din naalala na isang balde ng tubig lang pala ang pinalaho ko at inilagay sa cr dito dahil sa pagmamadali ko kaninang umaga.

"'Eto, ipahid mo sa sugat mo, Bryan Wale." Inabot ko sa kanya ang hawak kong bote. "Kailangan mo nang gumaling sa susunod na linggo para makuha na natin ang mga libro."

"Salamat, Miss." Tinanggap niya ang bote at maliit na ngumiti.

Matapos kong maibigay ang gamot, nag-teleport na ako pabalik sa kwarto ko. Pinilit ko na rin ang sarili na matulog.

Kinabukasan, maaga akong nagising dahil sa kaluskos na narinig ko sa kusina. Abala na roon si Nanay sa pagluluto ng agahan. Tinulungan ko na lang siyang ipalaho patungo sa pwesto namin sa pamilihan ang mga ititinda niyang mga gulay ngayon bago ako naghanda para sa eskwela.

"Una na po ako, 'nay!" paalam ko sa kanya at lumabas ng bahay.

Tinungo ko ang bahay nina Tiya Melda at tinawag si Kael para sabay kaming pumasok sa eskwela. Pero si Tiya Melda lang ang nabungaran ko sa pintuan nila. Kita sa mukha niya ang pagkabalisa nang harapin ako.

"Naku, Ellis! Hindi pa umuuwi si Kael dito, eh. Siguro nagpalipas ng gabi ang batang iyon doon sa bahay ng Papa niya."

Nagulat man sa nalaman, tumango na lang ako at nagpasalamat kay Tiya Melda.

Habang naglalakad patungo sa paaralan, hindi ko mapigilang isipin si Kael. Hindi naman siya 'yong tipo na hindi nagpapaalam sa akin kapag may pupuntahan siya o mawawala siya ng ilang araw. Lalo na kapag kinukuha siya ng kanyang ama. Tuwing kukunin siya nito, paulit-ulit niyang sasabihin sa akin kung gaano siya kasabik at kasaya. Pero ngayon, ni ha, ni ho, wala akong narinig kay Kael bago siya umalis.

Wala rin akong nadatnang Kael sa loob ng silid aralan pagdating ko. Pero hinintay ko pa rin siyang dumating hanggang sa tumunog na ang bell at pumasok na ang guro namin.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon