KUNG PUWEDE LAMANG
Written by: lessianneleigh
Hayun nanaman siya, ang pamilyar na galaw ng kaniyang katawan na siyang nagsasaad kung anong ang kaniyang ginagawa.
Napatingin ako sa may bubungan namin, nasilaw ako dahil sa dami ng mga butas dahilan ng paglusot ng mainit na sinag ng araw. Kung maaari ko lamang tapalan ang mga butas na iyon, marahil walang tutulong mga tubig na siyang sinasalo ng aming mga balde sa tuwing umuulan.
Ulan, na nagpapaalala sa trahedyang sinapit namin, ulang nagpabago ng buhay namin, ulang sumira sa mumunting pangarap namin, ulang hanggang ngayo'y hindi pa nagpaparamdam, halata namang wala iyon dahil sa ilang linggong mainit ang panahon.
Binalingan ko ulit siya, patuloy ang paggalaw ng kaniyang mga kamay, nais ko siyang tulungan ngunit hindi ko magawa. Nais ko ring suntukin ang aking sarili, nakakalungkot dahil hindi ko rin magawa.
Amoy ko ang bigas na unti-unting naluluto, sandaling lumabas siya at pagbalik ay sandamakmak na dahon ng saging ang dala.
Uumpisahan nang ilapat ang waring bigas na nalusaw, malagkit iyon kung titignan. Patutuyuin hanggang sa kumalat sa buong dahon ng saging, lumabas ulit siya at pinaaraw ang ilang nagawa na.
Nang matapos ay pumasok muli; alam kong babalikan ulit ang mga iyon kinabukasan…alam ko, dahil minsan na rin akong nakagawa ng mga iyon.
Pinagmamasdan ko pa rin siyang maglakad parito at paroon, nililigpit ang mga gamit na tapos nang gamitin saka huhugasan. Nasalubong niya ang mga tingin ko sa kaniya at humakbang papalapit sa akin.
"Kamusta ang pakiramdam mo? Nauuhaw ka ba?" tanong niya. Ungol lamang ang naisagot ko sa kaniya. Alam ko namang naintindihan niya iyon dahil nang mawala siya saglit sa paningin ko, ilang segundo ay saka siya bumalik dala dala ang plastik na baso na may lamang tubig.
Tinulungan niya akong makabangon ng kaunti saka pinainom, pinunasan niya rin ang giid ng aking labi pagkatapos no'n.
Umikot muli ang aking paningin, tagpi-tagpi ang aming dingding, at hindi gaya ng ibang kabahayan malapit sa 'min, lupa pa rin ang tinatapakan ng mga paa namin. Pansin ko ang pananahimik niya sa ‘king tabi. Pilit kong ipinihit ang aking ulo sa kaniya at saksi ang mga mata ko sa pagtulo ng kaniyang mga luha. Kumikirot ang puso ko, ngayon ko ulit siya nakitang nagkaganito, pinikit ko na lamang ang aking mga mata dahil ayokong makita siya sa ganoong estado.
Kita ko sa gilid ng aking mga mata ang pag-iling niya.
"Patawad, kung sana'y pumayag na lamang ako, hindi sana tayo magkakaganito ngayon." mula sa paghikbi ay naging hagulhol ito, tila nayayanig ang aming munting barong-barong dahil sa marahas na pagtaas baba ng kaniyang balikat dahil sa pag-iyak.
Nais ko siyang yakapin, nais kong sabihing wala siyang kasalanan, hindi niya kasalanan, mas maganda ang naging desisyon niyang hindi pumayag noon kaysa maging alipin siya at sunod-sunuran dahil maski ako ay hindi gusto ang ganoon.
Sumapit ang gabi, dilaw ang kulay ng liwanag na nagsisilbi naming ilaw sa mga nagdaang taon.
Naduduling ako sa tuwing tinititigan iyon, at may minuto kapag umiiyak ang natunaw na bahagi habang patuloy ang pagbigay nito ng liwanag sa aming buong gabi.
Sardinas ang hapunan namin, nakagagalak dahil ibig sabihi'y malakas ang hatak ng kaniyang paglalako, sapagkat ito ang karne sa amin.
Normal na ang talbos ng kamote at bagoong na ulam namin sa araw araw pantawid gutom lamang. Wala namang masama ngunit 'wag lang sobrahan.
Patuloy ang pagsubo niya sa akin, halata ang panghihina ko, ng buong katawan ko na ni minsa'y hiniling ko na sana'y maging huling araw ko na ang bawat umaga sa tuwing gigising ako.
Ngunit ngayo'y nag-iba na, nais ko kasi siyang panoorin pa sa paggawa ng kaniyang paninda, ang pagtikim ko sa pagkaing iyon lalo na't nakaaaliw dahil iba iba ang mga kulay.
Kinabukasan, nang matapos maibilad ng isang araw ang malagkit na bigas sa dahon ng saging ay saka niya ito hihiwain sa hugis na parisukat at lalagyan ng pang kulay at lulunurin sa kumukulong mantika.
Rinig ko ang malulutong na pagkaluto ng mga iyon. Sabik ang panlasa ko sa tuwing natatapos siyang gumawa. Ako kasi ang unang makakatikim.
Hindi pa inaabot ng sinag ng araw ang kaniyang lutuan ng umalis na ito matapos akong halikan sa noo, upang makapag lako na at makalikom ng mumunting salapi pang kain namin mamayang gabi.
Iniisip ko, kung sana'y sumama kami noon sa kaniya, at pumayag sa gusto niya, magiging ganito rin ba ang pamumuhay namin? Sa tingin ko ay hindi, kukulangin lamang kami sa atensyon ngunit hindi ganito ang uri ng pamumuhay namin.
Wala namang nagsisisi sa ginawang desisyon noon. Alam namin na may iba siyang pamilya at kami na ang unang umiwas, ayaw namin ng gulo, ayaw namin na maging palamunin lang kaya't hindi kami sumama sa kaniya.
Hindi ko alam kung anong oras na. Wala akong naririnig na tunog ng paglipat ng kamay ng orasan sa susunod na numero, wala naman kasi kaming orasan, tanging pagsikat at paglubog lamang ng araw ang siyang batayan namin.
Ramdam ko ang pananakit ng aking mga buto, patuloy akong nauubusan ng kakarampot na lakas, nilalabanan ko rin ang talukap ng mga mata ko upang hindi ito tuluyang bumagsak.
Nais ko pa siyang makita, nais ko pang maramdaman ang mga labi niya sa aking noo at kamay, nais ko pang mahaplos ang kaniyang mukha kahit kaunting saglit lang.
Tirik na tirik ang araw ng mga sandaling iyon, ramdam ko sa aking balat ang bawat sinag ng araw na tumatagos sa butas ng aming bubong. Para akong sinusunog, tanging ungol lamang ang umaalpas sa bibig ko.
Pinikit ko sandali, hindi ko namalayan ang tuluyang pagbagsak ng mga talukap ng mata ko. Sa may pintuan naming gawa sa pinag tagpi-tagping yero at sako, rinig ko ang pagkaluskos ng kung ano.
Naaninag ko ang pamilyar na bulto ng katawan---siya pala, kakarating niya lang. Sumingit ang kulay kahel na liwanag sa kaniyang likuran, hapon na pala malapit nanamang kumagat ang dilim na siyang babalot sa buong kabahayan namin.
Pansin ng mga mata ko ang paggalaw ng kaniyang labi, wari'y may sinasabi sa akin, hindi ko maintindihan. Ungol nanaman ang lumabas saking bibig ngunit nataranta ako nang may marandamang patak ng tubig saking mga braso, umiiyak pala siya, ano ang dahilan?
Kita ko ang pag-alog niya sa aking katawan, ngunit wala akong maramdaman nakakapagtaka, gusto kong ikuyom ang aking kamao dahil sa hindi malamang pakiramdam.
Unti-unti, nagiging maliit na ang imahen niya sa ‘king mata, hindi ko alam ang gagawin, gusto ko pa siyang makita, gusto ko pang matikman ang sarap ng pagluluto niya ng paborito ko.
Chicharon na gawa sa bigas, gusto ko pang maranasan ang kaligayahan sa tuwing magkasama kaming gagawa no'n ngunit tila hindi na mangyayari iyon, dahil kita ko ang pagguho ng mundo niya nang tuluyan nang pumikit ang aking mga mata.
Wakas