Naalimpungatan si Yara nang makarinig ng malakas na pagbagsak ng metal kaya kaagad siyang bumangon. Nakita niya si Dri na nakatingin sa kaniya at naka-peace sign.
"Sorry, dumulas." Hawak nito ang sandok. "Nagluluto na ako ng noodles. Sorry, nagising ka."
"Okay lang." Kinusot ni Yara ang mga mata niya at humikab. "Anong oras na ba?" Tumingin siya sa labas dahil madilim pa rin.
Tumingin si Dri sa orasan. "4 a.m. pa lang, pasensya na."
Hindi na sumagot si Yara. Bumangon siya at pumasok sa bathroom. Halos hindi niya maigalaw nang maayos ang braso at legs niya dahil para siyang nabugbog. Pakiramdam pa nga niya, parang may alon na nakapalibot sa kaniya na kapareho ng pakiramdam sa tuwing nagsi-swimming.
Pagkauwing-pagkauwi nila kahapon ni Dri, madilim na rin noon, pareho silang plakda. Naunang naligo si Yara, sumunod naman si Dri. Halos basa pa ang buhok nila pareho nang makatulog. Hindi na sila nakakain ng dinner, hindi na nakapag-usap, basta na lang natulog.
Nakahain na rin si Dri paglabas ni Yara ng bathroom. "Kain tayo, nagugutom na ako," sabi nito. "May pasa ka pala sa legs, nakita ko n'ong natutulog ka kanina. Saan ka tumama?"
"Hindi ko alam, hindi ko na maalala." Nagkibit-balikat si Yara. "Ikaw rin, eh. Sa may braso, oh. 'Yan ba ang tumama kahapon sa bangka n'ong tinulungan mong makasakay 'yung lola?"
Tumango si Dri. "Oo," sagot nito bago humigop ng sabaw at halos mapabuntonghininga na ninanamnam ang sabaw. "Ang sarap sa lalamunan."
Mahinang natawa si Yara. Inaatok pa siya kaya panay rin ang hikab niya, pero hindi maitatangging nagugutom talaga siya. Wala silang matinong kain kahapon dahil halos kape lang pagkatapos ng rescue, pag-uwi naman, tulog na sila.
"Gusto mong subukan mamaya kung may sakay na pauwi ng probinsya n'yo?" tanong ni Dri kay Yara. "Puwede kitang idaan doon bago ako umuwi sa bahay. Medyo humuhupa na rin naman ang baha, baka puwede na."
Tipid lang na tumango si Yara. Gustong-gusto na rin niyang umuwi dahil bukod sa wala siyang pera, may trabaho siya online na kailangang gawin kaso hindi niya magawa dahil hindi rin niya dala ang laptop.
"Matulog ka muna ulit. Maaga pa naman," basag ni Dri sa katahimikan pagkatapos nilang kumain. Inabutan din siya nito ng gamot. "Bumili ako kanina sa convenience store ng Advil. Nakainom na ako, ito sa 'yo."
Tinanggap ni Yara ang gamot at ininom iyon bago lumabas papunta sa balcony para manigarilyo. Lately na lang din tumindi ang paninigarilyo niya dahil sa sobrang stress.
Hiyang-hiya na siya kay Dri dahil ito ang sumasagot ng pagkain nila, nakikitira pa siya sa kaibigan nito.
Humithit si Yara sa yosi na hawak bago bumuga ng makapal na usok. Ramdam na ramdam niya ang mint flavor at usok sa lalamunan niya, pero ito ang nakatutulong sa kaniya para mawala ang panginginig ng kamay niya dahil inaatake na naman siya. Ito ang isang rason kung bakit gusto niyang maging busy palagi, she was overthinking.
Tumabi naman sa kaniya si Dri, pero may safe space pa rin sa pagitan nilang dalawa. Hawak nito ang sariling sigarilyo at lighter na pula.
"Hindi ka pa ba papasok sa trabaho?" Nilingon ni Yara si Dri. "Ilang araw mo na rin akong sinasamahan dito, kaya ko namang mag-isa."
"Ayaw mo na ba akong kasama, misis?" pagbibiro ni Dri na ngumisi at sinindihan ang yosi nito.
"Ikaw, papasuin kita ng sigarilyong hawak ko, eh!" Idinuldol ni Yara ang apoy kay Dri ngunit hindi naman idinikit. "Ang aga-aga, Adriano, ha!"
Natawa si Dri. "Uuwi na rin ako mamaya, pero ihahatid muna kita sa sakayan. Kung wala ka pang masakyan pauwi, paano ka?"
"Susubukan kong tawagan si Karol kung puwede bang makituloy sa kanila, o sa ibang kaibigan namin, kung hindi na sila busy, siyempre," sagot ni Yara. "Ayaw ko na rin dito, nahihiya na ako sa kaibigan mo. Ang laki na ng utang ko sa kanila, pati sa 'yo."