Chapter 18

2.6K 214 64
                                    

"Dri?"

Halos mabitiwan ni Dri ang phone nang marinig si Yara dahil hindi pa siya tapos mag-browse sa Facebook nito. Sakto pang naroon siya sa latest picture nito kung saan nakangiti nga ang mga labi, malungkot naman ang mata.

"H-Hello." Yara heard that Dri's struggling to speak but still tried. "Kumusta tulog mo? May masakit ba sa 'yo?"

Yakap ni Yara ang sarili at nakabalot sa kumot dahil giniginaw siya. Walang aircon ang ward kung nasaan siya, pero giniginaw siya. "Okay lang naman ako. Ikaw? Nahihirapan kang magsalita."

"Okay lang, medyo masakit lang ang lalamunan ko," sagot ni Dri. "Uy, may ise-send akong picture sa 'yo."

Nagsalubong ang noo ni Yara habang naghihintay sa ise-send raw ni Dri at laking gulat niya nang makitang college picture niya na kinuhanan ni Rhian noong eighteen years old siya at nasa third year college na.

"Hoy! Saan mo nakuha 'yan?" gulat na tanong ni Yara habang nakatingin kay Dri na nakangiti. "Hoy, wala kang magawa kaya ka nang-i-stalk?"

Dri smiled. "Oo."

"Gagi! Ang taba ko riyan! Kaloka ka, Dri! Tingnan mo ang buhok ko, ang gulo. Putangina, may red pa ako na clip, akala mo, ang ganda!" natatawang sabi ni Yara habang nakatingin sa lumang picture niya. "Ang taba ko riyan, ang laki ng pisngi ko."

Matagal niyang tinitigan ang sarili sa picture. Bata pa siya, pero parang halos walang ipinagbago ang itsura niya. Mukha pa rin siyang masungit at malungkot.

Walang sagot mula kay Dri. Ibinalik ni Yara ang screen sa video call. Napatitig siya sa mukha ni Dri na hindi nagsasalita at nakatingin lang din sa screen tulad niya. Seryoso ang mukha nito at wala na ang nakalolokong ngiti.

"Okay ka lang, Dri?" nag-aalalang tanong ni Yara.

Tumango si Dri. "Try mo i-zoom in 'yang picture. Sa likod mo, makikita mo si Renzo," sabi nito.

Ibinalik ni Yara ang screen sa picture na s-in-end ni Dri sa kaniya at sinunod ang sinabi. Nanlaki ang mga mata niya at malamang na nakita nito ang reaksyon niya sa nakita.

Sa likod ng picture niya, nandoon si Dri kasama sina Renzo, Gab, at ang iba pang kaibigan nito. Nakatingin ito sa kawalan at nakatingala sa langit. Sa picture, payat si Dri, semi-kalbo, at mukhang malungkot. Ni hindi siya makapagsalita dahil hindi niya alam ang sasabihin niya.

Hindi niya magawang sabihin na nakita niya ang lungkot sa mukha nito, malayo sa Adriano na nakilala niyang masayahin at palaging nakangiti. Kahit sa picture, ramdam ni Yara ang bigat mula kay Dri at hindi niya maintindihan kung bakit.

"Nakakatawa na iisang mundo lang ginagalawan natin, hindi tayo nagkita," basag ni Dri sa katahimikan. Hindi naman maialis ni Yara ang tingin sa picture. "Ang dami nating pagkakataon para magkakilala, bakit kaya ngayon?"

"Hindi ko rin alam," sagot ni Yara. Muli siyang natahimik nang makita ang picture. "Bakit ka kalbo rito? Ang payat mo!"

Tipid na ngumiti si Dri habang nakatingin sa mukha ni Yara. Kita niya kung paano nanlaki ang mata nito nang makita ang sinasabi niya dahil ganoon din ang reaksyon niya nang makita ang picture na iyon.

"Iyan 'yung mga pagkakataong nalaman naming lahat na may cancer si Mommy. Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko alam noon kung paano ako ngingiti," pagkuwento ni Dri.

Ibinalik ni Yara ang screen kay Dri. Nakangiti ito, pero may lungkot sa pag-alaala ng nakaraan.

"Noong mga panahong 'yan, nag-start ang chemo ni Mommy. Nakalbo siya, ayaw ko naman siya hayaan na kalbo tapos siya lang, kaya nagpakalbo rin ako." Pinilit ni Dri ang ngumiti habang inaalala ang nakaraan. "Good old days na hanggang graduation ng college, kalbo ako. Noong namatay naman si Mommy, hindi na ako nagpagupit nang maikli kaya Dao Ming Si hair ako as per you."

No DistancingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon