Nakarating sila sa MOA na may kaunting liwanag na, pero naabutan nila ang tuluyang pasikat ng araw. Unang usapan, sa Manila Bay, pero wala silang mahanap na parking kaya dumiretso sila sa Mall of Asia.
Pareho silang hindi morning person, kung tutuusin, mas tulog sila sa umaga at madalas na hapon na nagigising. Iba lang sa kasalukuyan dahil pareho silang walang tulog. Buong magdamag silang nagkuwentuhan.
"Oh." Iniabot ni Dri ang pinalamanan niyang pandesal na may Cheez Whiz kay Yara. "Noong bata ako, iritang-irita ako kapag umaga na kasi alam kong gigisingin na naman ako ni Mommy, papasok na naman ako sa school. Pero nang mamatay ang mommy ko, hinahanap-hanap ko 'yun. Na sana, may gumising sa akin sa umaga, pero wala na."
Tahimik na nakikinig si Yara kay Dri. Ito ang unang beses na nag-open up ito sa kaniya.
"Ang sakit n'on kasi galit na galit ako kay Daddy. Iniwan niya si Mommy para sa iba. Oo, nagsusustento siya para sa needs namin, pero ang pag-iwan niya sa mommy ko, ibang kaso 'yun. Minsan, may gabi na umiiyak lang siya kasi nasasaktan siya, pero ayaw ipakita sa amin." Mapait na ngumiti si Dri. "Pero naririnig ko bawat hagulgol ni Mommy."
Kinagat ni Yara ang pang-ibabang labi dahil naririnig niya ang nginig sa boses ni Dri. Masakit para dito ang nangyari kahit na nakangiti. Sabi nga niya, sana all nakangingiti kahit nasasaktan na.
"May isang kantang tumatak sa akin noong namatay si Mommy." Tumingin si Dri kay Yara. "You don't have to fear, you don't have to fear, waiting, I'll see you soon, I'll see you soon."
Ngumiti si Yara. "Alam ko 'yang kantang 'yan. Kanta sa If I Stay." Umiling si Yara. "How could I live before? How could I have been so blind? You opened up my eyes."
Tumango si Dri. "May mga pagkakataong natatakot akong mag-isa kaya mas gusto kong palagi sa labas, kasama ang mga kaibigan ko. Alam ko kasi na kapag mag-isa na lang ako, may papasok sa isip ko na magpapalungkot sa akin. Ayaw kong nag-iisip nang sobra, kaya saludo ako sa 'yo, Yara."
Kunot-noong tumingin si Yara kay Dri. "Dri, nasabi ko sa 'yo lahat ng hinanakit ko sa buhay, saludo ka?"
"Saludo ako na kinakaya mo nang mag-isa knowing na ang dami mo napagdaanan. Hindi ka man nasaktan physically sa mga nangyari sa 'yo at sa totoo lang, kung ikukuwento mo 'yan sa iba? Sasabihin lang nila, nasa isip mo lang 'yan."
Yara gave him a small laugh. "Lagi ko naririnig 'yan. Sa tuwing sinusubukan ko na magsabi sa iba, kahit nga sa family ko, eh. Sinasabi nila sa akin na nasa isip ko lang ang lahat. Pero hindi, eh."
"Hindi talaga. Sino ba ang tangang gusto na maraming iniisip na negatibo?" tanong ni Dri. "Hindi lang talaga nila naiintindihan ang nararamdaman ng isang tao. Kaya sa totoo lang, maraming nagpapakamatay. Maraming nagpapakamatay dahil pakiramdam nila, wala nang makikinig sa kanila."
Humarap ng upo si Yara kay Dri. Pinagmasdan niya ito. Si Dri iyong taong mukhang masayahin at hindi nalulungkot kaya habang pinakikinggan niya ang mga sinasabi nito, may mga personal na pinagdadaanan din pala ang lalaking maloko.
People really shouldn't judge someone. Just because they were happy, outgoing, jolly, and willing to help others, ibig sabihin niyon ay okay lang ang mga ito. Sometimes, the happiest people were hurting, too.
"Makatitig ka naman, Yara. Kapag ikaw, na-in love sa akin, hindi kita masisisi. Huwag kang mag-alala, sasaluhin kita," biglang banat nito habang tatawa-tawang nakatingin sa kaniya. "Picture tayo!"
Nagbago ang itsura ni Yara kaya natawa si Dri. Para itong nagulat na sinamahan ng mukhang nandidiri at hindi makapaniwala sa sinabi niya.
"Ano? Ba't ganiyan ka makatingin? Siguro, gustong-gusto mong magpa-picture sa akin, nahihiya ka lang?" natatawang pang-aasar ni Dri. "Halika na, selfie tayo!"