Tila may batong nakadagan dahil sa bigat ng nararamdaman na hindi alam ang pinagmulan
Nanatili ang tanong sa isip, masyado akong nagpadalos-dalos, hindi pinag-isipan
Hindi ko maunawaan kung ang aking salita sa bawat pagtipa ang siyang naging binhi
Ngayon ay lalong lumabo,parang unti-unti kang naglalaho, nawawala, hindi ko alam ang sanhi.Nabibingi ako sa labis mong katahimikan, tumahimik ang ating paligid ngunit hindi lingid
Sa aking kaalaman na may nagbabago, na may nababawas, may umaatras
Narito sa akin ang pagsisisi na hindi ako namili ng wastong pangungusap, ng wastong pagpapabatid
Tungkol sa nararamdamang umusbong na tila halamang ligaw,hindi namamatay, hindi nagagapas.Nagmistulang yelo ang palitan natin ng salita, nakakapanginig ang lamig, naubos ang init
Tila nabawasan ang kagalakan mong marinig ang tinig kong para sa iyo umaawit
Hindi ka na humihiling o humihingi, nagmamakaawa na sana'y pagbigyan sapagkat kinikilig
Hinahanap-hanap ko ang iyong pamimilit sa aking bawat pagtanggi ngunit sa huli ibinibigay ang ibig.Hindi ako nagkamali sa ideyang namuo sa aking isipan mula sa mga nakaraang pangyayari
Na ang aking pag-amin at pagsasabi ng nararamdaman ang siyang nagiging daan
Patungo sa labas kung saan maaari kang tumakas sapagkat hindi mo nais na masuklian ang binibigkas ng aking labi
At ang inakala kong pagmamahal na maggagapos sayo upang manatili ang siyang pumutol sa koneksyon na minsan nang namalagi.
BINABASA MO ANG
Pieces of Reveries
RandomReverie is the groundwork of creative imagination; it is the privilege of the artist that with him it is not as with other men an escape from reality, but the means by which he accedes to it. -W. Somerset Maugham