MATAPANG NA PANANAW TUNGKOL SA DINADANAS NA PAGSUBOK NG ATING BANSA
Nakakalungkot, isang araw ay maayos at nagkakasiyahan tayong lahat, at ngayon, may pandemyang hindi inaasahan. Walang prenong inatake ng COVID 19 ang ating mundo. Virus na sumisira ng buhat at kalusugan ng bawat tao. Hindi tayo handa. Hindi natin alam paano ito labanan. Napakahirap. Marami ang nagbago, mga pangyayaring hinihiling natin na sana lahat na lang ay panaginip. Ngunit kailangan natin gumising at labanan ang problemang nakaharap sa atin.
Tunay na mahirap ngayong pandemya, kahit ang gobyerno hindi nagagampanan ng maayos ang kanilang tungkulin. Kailangan natin silang tulungan at intindihin. Ngunit meron din silang mga pagkakamali na kailangan baguhin. Sa halip na tulungan ang mga nangangailangan, inuna pa ang pagsasagawa ng dolomite beach na ngayon ay wala na. Nasayang ang milyong milyong pera. Bakit parang hindi nila ginagamit ang kanilang matalinong pag-iisip? Tao dapat lagi ang inuuna.
Marami ding bagong batas ang naipatupad. Isa na rito ang Anti-Terror Bill. Aking naiintindihan ang punto ng gobyerno na kapayapaan lamang ang hangad. Ngunit ang batas na ito ang sasagasa sa karapatang pantao, at ito ang pinakamahalaga. May mga tao na masama ang hangad, at meron ding mga mabuti. Sa tingin ko, marami pa namang ibang paraan kung paano mahuli ang mga terorista, at hindi Anti-Terror Bill ang solusyon. Paano naman ang mga hindi terorista? Hindi ito maganda. Hindi ito makatarungan.
Para sa akin, maganda ang patuloy na pag-aaral kahit ano mang pagsubok sa buhay. At ngayong pandemya nagkaroon ng online classes kung saan marami ang nahihirapan dahil ang mga mahihirap ay walang gadyets at walang sapat na pera pambili ng load. Mahirap rin ito sa posisyon ng guro at estudyante dahil hindi natin alam kung may nakikinig ba sa guro at may natutunan ba ang estudyante. Hindi ito epektibo. Nakakagalit. Hindi ito makita ng pamahalaan. Oo, tunay na sayang ang taon pero paano naman ang mga mahihirap at nahihirapan? Tayo'y nasa pandemya ngayon, kung kaya dapat ang pakatutukan natin ay ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.
Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID 19 sa ating bansa. Sa aking pananaw, PAGKAKAISA ito ang kulang sa atin. May pagkakamali ang gobyerno?Oo. Ngunit wag natin isisi lahat sa kanila. Dahil tayong mga mamamayan ang kailangan kumilos. Tayo ang kailangan magsimula ng pagbabago. Sa katunayan, koordinasyon at pagkakaisa ng iba't ibang sektor ng lipunan ang sangkap upang makamit ang kabutihang panlahat. Tulungan natin ang isa't isa, ang presidente, mga taong nagsasakripisyo para sa kaligtasan ng bawat isa.
Naniniwala ako na kaya natin itong lagpasan sa mabuting paraan. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Simpleng pagsunod sa mga safety protocols ay maaaring magdulot ng malaking pagbabago sa ating bansa. Sabi nga nila "VIRUS LANG YAN, PILIPINO TAYO." Sa gabay ng ating poong maykapal, malalampasan natin ang lahat ng ito basta't magkaisa tayo.