Kumatok ako sa pintong may nakapaskil na "Host's Room". Nang marinig ko ang salitang "come in", walang pag-aalinlangang pumasok ako.
Sa loob ng kwarto, pinaghalong puti, itim at kayumanggi ang mga kulay. Iilan lang ang mga matitingkad na kulay gaya ng dilaw at kahel.
"I assume that you're Eunice Cabalterra?" tumango ako sa kanya. Inilahad niya ang kamay niya sa isang bakanteng upuan.
Diretso ang likod, umupo ako sa isang malambot at itim ngunit walang sandalan na upuan. Ipinatong ko ang dalawa kong kamay sa hita ko at tinitigan ang mukha niya.
Makikita sa lamesa niya ang sandamakmak na mga papel. Ubod ng gulo at hindi ko alam kung naiintindihan niya pa ba ang mga ito. Dahil sa pagkakunot ng noo, maraming malalim na bitak ang lumabas dito. Napansin niya na nakatitig ako sa kanya kaya tinigil niya ang pagbabasa ng mga papeles at hinarap ako.
"Ms. Cabalterra—"
"Eunice na lang po ang itawag mo." putol ko sa kanya.
"Eunice, isa ka sa mga nakaligtas sa trahedyang dala ni Ulysses, tama?" sasagot na sana ako kaso agad siyang nagdagdag ng tanong.
"Paano mo iyon nagawa ngayong napakabata mo pa?" hindi ko alam kung sasagot ba ako o hindi dahil baka mamaya may kasunod na tanong pa ito.
"Maaari mo bang isalaysay ang mga nangyari bago ang bagyo?"
Huminga ako ng malalim bago tumango. Muli ko na namang aalalahanin ang mga kaganapang itinago ko sa ilalim ng utak ko.
"Pauwi ako noon mula sa kapitbahay ko. Doon kasi ako nag-o-online class dahil wala kaming internet sa bahay namin. Mabait naman sila kaya pinahintulutan ako." panimula ko.
"Eunice!" narinig kong sigaw ni mama galing sa kusina.
"Po?" inilapag ko ang mga gamit ko sa lamesa at agad na pinuntahan si mama.
"Nasaan ang kuya mo?" tanong niya habang nagluluto ng ulam.
"Hindi ko po alam. Wala po ba sa kwarto?" sagot ko habang suot-suot ko pa rin ang surgical mask ko.
"Pakitignan nga. Uutusan ko sana siyang bumili sa tianggihan. Ubos na ang mga pagkain natin dito sa bahay. May bagyo pa naman daw na parating."
Naramdaman ko ang isang luhang pumatak sa mata ko.
"Inakyat ko si kuya at sinabi ang inutos ni mama. Kinagabihan, nanood kami ng balita. Sinabi na may bagyo nga raw, pero hindi naman sinabi na napakalakas nito." tumango ang host.
"Kumain na kayo, natulog, then kinabukasan?" tanong niya at inikot-ikot ang pluma sa kanyang mga daliri.
"Nagkwentuhan pa kami ni kuya sa sala hanggang sa magtanghalian. Pero nang sumapit ang gabi, doon na namin naramdaman ang hagupit ng bagyo. Buti na lang at matibay ang pagkakagawa ng bubong namin."
Hinawi ko ang buhok ko. Sunod, pinagsiklop ko ang dalawa kong kamay.
Umabot na ang baha sa second floor ng bahay namin. Tanging bubong na lang namin ang nakalitaw. Si mama nasa gilid ko umiiyak, pinapatahan siya ni papa. Si kuya nakatitig lang sa kulay putik na tubig sa baba namin.
Tulad namin nasa bubong na ang mga tao. Sumisigaw ng tulong, umiiyak sa paghihinagpis. May mga rescue boats nang dumating ngunit napakaraming tao pa ang isasalba bago dumating sa amin. Dahil ang bubong namin ang tatsulok, may mga pagkakataon na madudulas ka dahil basa ito.
Sa sobrang panginginig ng kamay ko, ang cellphone ko na tanging gamit na nailigtas ko, nadulas sa kamay ko. Dumausdos siya pababa. Sa mga oras na iyon, hindi ako nagdalawang isip na magpadulas para mahabol ko ang cellphone ko. Buti na lang at nahuli ito ng paa ni kuya at hindi tuluyang nahulog sa baha.