Limos
Ang kinakalawang na lata ang nagsisilbing pitaka,
maghapong nakasahod ang kamay sa gilid ng kalsada,
marungis na't mabaho, ni hindi mo na nga malapitan,
'pagkat ang tulad niyang nilalang ay kanilang pinandidirihan.Gabi-gabi'y tinitiis ang bawat kagat ng insekto,
sa umaga'y nakikipagpatintero sa mga higanteng behikulo,
"Palimos po, palimos po," tangi nilang sambit
upang ang sikmura'y mapakain na ngayo'y nag-iinit sa sakit.Bakit nga ba mayroong mga taong nahihirapan
dulot ng bansang mayroong paurong na kaunlaran?
Bakit naman mayroong taong patuloy sa paglamon
nang walang iniisip na kapwa sa ngayon?Natatanging tanong, bakit pa ba may mayaman?
Bakit pa may mga taong alipin ng kahirapan?
bakit ba tayo napadpad sa mapang alipustang bayan
na ang iniisip ay ang sarili, hindi ang kanyang kababayan?Masdan natin sila, ano kaya ang wangis natin
kung ang kinamulatan nilang gawi ating gawin din?
Masisikmura mo bang kumain ng pagpag at tira-tira
o manirahan sa tahanang walang bubong at haliging panangga?Sa bawat pagkalampag ng latang walang laman,
sa bawat baryang pinapatunog, sila'y ating kaawaan,
ngayong tayong lahat ay nasa gitna ng digmaan,
magkaisa at magbigayan nang walang mapag iwanan!
BINABASA MO ANG
Una Mezcla de Letras
Poetrymga akdang bunga ng mahabang pagkakaburyong ko ngayong panahon ng kuwarantina.