Ako at ang aking kuwento

15 1 7
                                    


Sa Bulacan nagmula si Hima. Isang mag-aaral na lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aral. Sa hirap ng buhay sa Bulacan dahil sila lamang ng kaniyang ina ang nagtataguyod sa kanilang pitong magkakapatid ay napagpasiyahan niyang mag-aral sa Maynila na bukod doon ay maghahanap ng trabaho habang nag-aaral. Ang kaniyang ina ay isang magsasaka, hindi niya nais na umalis ang kaniyang anak dahil sinusubukan naman niyang itaguyod ang kaniyang mga anak gayong wala na ang kaniyang asawa. Pinilit ni Hima ang kaniyang ina na mag-aral sa Maynila at maghanap ng mapagtatrabahuhan upang makapagpadala kahit papaano sa kanila sa Bulacan upang matustusan din sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid. Ikatlong linggo ng Mayo nang dumating si Hima sa Maynila. Nakitira pansamantala si Hima sa kaniyang tiyahin habang hinahanap siya nito ng mauupahan.

"Ayos na ba sa iyo ito Hima? Medyo mura naman at mabait naman ang may-ari at kakilala ko" Pagpapakita ni Tiyang Tambel ng isa sa mga pagpipiliiang uupahan ni Hima.

"Ayos na po ako dito Tiyang, salamat po"

Bukod sa malapit lamang ang naupahan ni Hima sa mga malalaking paaralan sa Maynila, malapit lang din ito sa kaniyang papasukan. Hindi naman siya pinipilit ng kaniyang tiya na mag-dorm. Alam naman kasi ni Tiyang Tambel niya na hindi siya pabigat sa bahay, ang kaso, sabi ng kaniyang ina na mas magandang walang utang na loob sa kamag-anak dahil kapag nagkaroon ka ng utang na loob sa kanila ay parang isang malaking halaga iyon sa kanila.

Bago pa man lumuwas si Hima sa Maynila ay naghanap na siya ng puwedeng maging trabaho. Mula sa internet, nakita niya ang job hunting site mula sa isang Fast Food. Naghahanap sa Maynila ng isang service crew at ayun ang magiging trabaho niya habang siya ay nag-aaral. Matalino si Hima kaya nga't nakapasok siya sa isang unibersidad sa Maynila, ang University of Santo Tomas bilang isang iskolar. Hindi na niya kailangan mag-isip para sa kaniyang gastusin sa paaralan dahil ang pagiging iskolar niya ang sagot na doon. Ang kailangan na lamang ay panatilihing mataas o mas mataas pa ang kaniyang mga marka. Ang isa pa niyang iintindihin ay ang gastusin habang nasa Maynila at ang ipapadalang pera kapag nakapagtrabaho na siya. Sa Ikatlo pa ng linggo ng Hunyo ang umpisa ng klase sa kolehiyo kaya't habang wala pa ay nagsisimula na siya sa kaniyang trabaho. Sa una ay sobrang hirap para sa kaniya ang maglinis ng pinagkainan ng mga kostomer, maglinis ng cr, kinalaunan ay nasanay na siya at sinasanay niya. Dahil nga hindi pa simula ang klase ay morning shift ang kinuha niya, kung kaya't maraming tao. Kadalasan ang mga bumibili ay mga kaedaran lamang niya base sa pisikal na pangangatawan.

Isang araw sa Mcdo, mayroong nagsulputang maiingay na mga binata. Mukhang mga may kaya sa buhay at masasabing tulad lamang din siya ni Hima na nagdo-dorm o 'di kaya'y condo o bording house. Maingay nang umupo ang mga binata upang kumain ng agahan kaya't napalingon si Hima.

"Ganito pala talaga sa Maynila" sabi sa isip-isip ni Hima.

"Excuse me" taas ng kamay ng isang binata mula sa 'di kalayuan sa kaniyang puwesto.

"Ano po yun?" tanong ni Hima.

"Water po, limang bas---."

"Ano ba pare, huwag ka makulit" tawa nang tawa yung mga lalaki. "Limang baso ate salamat" ngumiti si Hima kahit na medyo naiirita sa mga binata. Pagkatapos iabot ang tubig ay bumalik na siya sa pag-aayos ng mga pinagkainan ng mga umalis na kostomer. Pagkatapos ng shift ay umuwi na agad siya. Pagod na pagod siya pero kailangan pa niyang bumili ng mga gamit niya sa eskuwelahan. Mayroon pa siyang natitirang sampung libo at kailangan niyang tipirin ang binigay ng kaniyang ina. Marami ang tao sa Divisoria, sabi kasi ng tiyahin niya ay dito makabibili ng murang gamit kaya heto siya't nagtititingin. Nabanggit din ng kaniyang tiyahin na maging maingat at dahil nga maraming mandurukot dito. 

HIMA [Short story]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon