theboybehindrainbow
Sa likod ng isang pinto na palaging nakasara, naroon si Ely - isang lalaking matagal nang bihag ng sarili niyang isip. Tahimik ang kanyang mundo, puno ng mga kulay na tila ba naglalaban sa pagitan ng liwanag at dilim. Sa bawat stroke ng kanyang pintura, inilalabas niya ang bigat ng mga salitang hindi niya kayang sambitin. Ang bawat obra niya ay sigaw ng kalungkutan, kirot, at pag-asang unti-unting nauupos.
Hindi niya kailanman naramdaman ang yakap ng pagtanggap mula sa sariling tahanan. Sa halip, mga mata ng pagdududa at mga salitang puno ng panghuhusga ang araw-araw niyang kanlungan. "Bakit ka ganyan?" "Hindi kami proud sa'yo." - mga katagang paulit-ulit na tumatama sa puso niyang pagod na. Kaya't sa halip na sumigaw, pipikit na lang siya, at hahayaang magsalita ang mga kulay sa kanyang canvas.
Ngunit isang araw, habang nilulubog niya ang brush sa madilim na pintura, may kumatok sa kanyang pinto - isang katok na kakaiba. Hindi ito tunog ng panghuhusga o galit, kundi ng pag-unawa. Isang lalaking dahan-dahang bubuksan ang pinto ng mundong matagal nang sarado kay Ely. Sa pagitan ng mga luha, takot, at pintura, unti-unti niyang mararanasan ang ibig sabihin ng hindi nag-iisa.