HANGGANG SA HULI
joannedatgotaway
Oktubre 26, 1977. Ibinaling ni Sonny sa mga pulis ang kanyang paningin. Nagsimula siyang magwala, sumigaw siya ng malakas, inagaw niya ang baril sa kamay ng isang pulis. Nagsimula siyang suntukin ang mga ito. Ang bawat bigwas ay naguumapaw ng mga tanong at galit. Kailangan niya ng eksplanasyon, kailangan niya ng mga salita; ngunit isang malakas na putok lamang ang sumagot sa kanyang mga bakit.
September 29, 2000. Naalimpungatan si Jen sa malakas na paglaglag ng bawat patak ng ulan sa kanilang bubong na para bang mga luhang pinakawalan mula sa matagal na pagkakaipon. May mga pambihirang araw na dumadaan kung saan naipararamdam ng langit ang kapangyarihan nito; na ang bawat araw ay para lamang mga kahon na naghihintay na mabuksan, mga regalong inihayin para sa iba't ibang okasyon, na kailangang tanggapin ano man ang madatnan sa loob.
Si Sonny at si Jen, mga musmos na anak ng Maylikha. Ipinadala sa dulo ng magkabilang mundo, ngunit pantay lamang na minamahal. Ang isa ay binigyan ng matapang na puso, ang isa ay mapagpatawad. At sa halamanan ng isang maliit na bakuran, sumibol ang isa pa sa pinakamagandang nilikha ng Maykapal. Ang isang bagay na mas matanda pa sa mga bituin na tinatanaw nilang dalawa at sa araw na nagsisilbi nilang gabay, isang bagay na umukit ng napakaraming nang kasaykasayan, mula sa pagkakahulma kina Eba at Adan, sa pagkakapako ni Hesus sa krus, sa paglalaban nina Lapu Lapu at Magellan, sa pagkakatahi ng bandila ng Pilipinas, hanggang sa pagkakasulat ni Rizal ng Mi Ultimo Adios sa kanyang huling gabi; ang pinakamalakas na kapangyarihan ng Maykapal na pinagiikutan ng tadhana ng buong sanlibutan - ang pag - ibig.
Ang mga pangyayari sa mundong ito ay gumagalaw sa maraming mga pamamaraan na kailanman ay hindi maiintindihan ng sangkatauhan. Ngunit para kay Sonny at kay Jen, ang mundo ay isa lamang malaking bakuran kung saan maaari kang maglaro, umiyak, mapagod, maligaw, magtago, at muling mahanap.