DayangMari
Kung panahon mo na, kusa kang tatawagin ng karagatan. Subalit, hindi lahat ng patay ay handa nang maglayag.
Lumaki si Lilaya sa piling ng kanyang amang rajah kasama ang bago nitong asawa at mga anak. Ngunit hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ng mga ito. Araw-araw n'yang tiniis ang pagmamaliit at pang-aabuso, hanggang sa hindi inaasahang pangyayari-namatay s'ya sa kamay ng sariling kapatid. Subalit, inilabas lamang ito bilang isang aksidente.
Namatay s'yang kapos sa katarungan at walang maayos na pagluluksa. Maging ang kanyang ama ay walang pakialam. Sinunog ang kanyang labi, nilapastangan ng inang panguman at itinapon sa dalampasigan kung saan din matatagpuan ang daugan ng mga bangka patungo sa Sulad-kung saan tinatanggap lang ang mga kaluluwa ng mga yumaong may maayos na ritwal at nabibigyan ng alay.
Ngunit nang makita ng isa sa mga manlalayag na si Alon ang kanyang tapayan, hindi nagdalawang-isip ang misteryosong manlalayag na isakay s'ya sa bangka, kahit iyon ay lubos na pinagbabawal. Si Alon ay hindi lamang isang manlalayag na itinalaga ng dagat, mayroon s'yang utang sa diwatang si Magwayen. Nais n'yang makabalik sa mundo ng mga buhay, kung kaya't upang isakatuparan ito, kailangan niyang maghatid ng isang libong kaluluwa.
Sa una, karaniwan lamang ang paglalayag. Nanatili s'yang malamig at bihirang nagsasalita. Ngunit habang tumatagal ang kanilang pagsasama sa gitna ng karagatan, unti-unting may namukadkad na damdamin. Gayunpaman, pilit n'yang ikinukubli sa sarili ang damdaming iyon. Para sa kanya, si Lilaya ay isa lamang kaluluwang nais n'yang tulungang makatawid sa Sulad.
Ngunit paano kung sa bawat pagkukubli n'ya ay mas lalo lamang lalalim ang lahat?
Paano kung ang kaluluwang dapat lamang niyang ihatid sa Sulad ang siya palang magiging dahilan upang malimutan niya kung saan talaga siya dapat umuwi?
Paano nila lalampasan ang mga daluyong, sumpa, at mga pagkaligaw? Handa ba silang parehong maligaw bago nila marating ang Sulad?