AetheriumHeart
Sa mundo kung saan ang mahika ay hindi lamang kwento kundi bahagi ng buhay, mayroong isang lugar na naging kanlungan ng mga tinatawag na Arcanist mga indibidwal na may kakaibang kakayahan at kapangyarihan na higit sa karaniwang tao. Ito ang Friren Academy, ang paaralang pinapangarap pasukan ng marami upang matutunang kontrolin, paunlarin, at gamitin nang tama ang kanilang mga natatanging abilidad.
Ngunit sa likod ng payapang pagsasanay ay may nakatagong madilim na katotohanan.
Noong unang panahon, umiral ang Pitong Hiyas, mga sagradong bagay na nagtataglay ng napakalakas na enerhiya. Upang hindi ito mapunta sa maling kamay at upang mapigilan ang ganap na pagkawasak, ang mga hiyas ay isinumpa at itinago sa pinakaligtas na lugar na maiisip sa loob ng katawan ng pitong sanggol. Ang sumpang ito ay naging bahagi na ng kanilang pagkatao, nagbigay sa kanila ng pambihirang lakas ngunit may kapalit na mabigat na kapalaran.