mahaiah_rie
May mga taong dumarating sa buhay natin na parang sagot sa matagal nating dasal. Yung tipong sa isang sulyap pa lang, alam mong sila na. Pero minsan, kahit gaano katotoo ang nararamdaman, may mga pagkakataong kailangang isuko ang puso hindi dahil gusto mo, kundi dahil wala kang ibang pagpipilian.
Ito ay kwento ng dalawang babaeng pinagtagpo ng panahon pero hindi itinadhana ng pagkakataon. Minsang naging tahanan sa isa't isa, pero piniling lumayo para magpakatatag sa mundong hindi tanggap ang kanilang pagmamahalan. At nang muling nagtagpo, dala na nila ang bigat ng buhay mga pangakong binitiwan para sa iba, mga responsibilidad na kailangang unahin kaysa sa sariling damdamin.
Sa bawat ngiting pilit, may luhang pinipigil. Sa bawat titig, may pakiusap na hindi mabigkas. Gusto nilang bumalik sa dati - sa panahong sila lang ang mahalaga - pero wala na sila roon. Sa katahimikan ng kanilang muling pagtatagpo, naroon ang mga sigaw ng pusong pagod na magpigil, ngunit hindi kailanman tumigil sa pagtibok para sa isa't isa.
Hindi ito kwento ng pagkakamali. Ito ay kwento ng pagmamahalang totoo - pero kailangang isakripisyo. Kwento ng dalawang taong piniling masaktan para hindi makasakit. Kwento ng pusong umiibig nang palihim, umiiyak nang walang nakakakita, at umaasang kahit papaano, sa dulo ng lahat, maiintindihan din sila ng tadhana.
At kung may pinakamalaking tanong na iniwan ang kwentong ito... Hanggang kailan mo kayang yakapin ang taong hindi mo maaaring hawakan?
Ang istoryang ito ay kathang isip lamang at walang kinalaman sa totoong buhay💜🩷