analicia_guo
Sa isang maliit na baryo sa Tarlac, kung saan ang tanging ingay na maririnig mo ay ang tilaok ng manok at ang kalansing ng mga gamit sa pagsasaka, doon naninirahan si Althea Guinto. Si Thea ay ang depinisyon ng isang simpleng dalagang bukid-maamong mukha, laging nakapusod ang mahabang itim na buhok, at may mga matang tila laging may bitbit na pag-asa. Lumaki siya sa piling nina Mang Berting at Aling Rosa, ang mga magulang niyang kahit hirap sa buhay ay hindi nakalimot magtanim ng kabutihan sa kanya. Ngunit ang kahirapan ay hindi nadadaan sa puro kabutihan lang. Dahil sa lumalalang sakit sa puso ni Aling Rosa at ang lumiliit na kita sa bukid ni Mang Berting, napilitan si Thea na lisanin ang katahimikan ng probinsya para sa gulo at kinang ng Maynila. Ang baon niya? Isang lumang maleta, ilang pirasong damit, at ang pangakong babalik siya na may bitbit na ginhawa para sa kanyang pamilya.
Sa kabilang dako ng mundo, sa gitna ng matatayog na gusali ng maynila at ang nakabibinging katahimikan ng mga boardrooms, matatagpuan si Marissa Valderama. Siya ang CEO ng Valderama Global Holdings, isang imperyo na itinayo sa dugo, pawis, at walang katapusang ambisyon. Si Marissa ay hindi basta-basta babae; siya ay isang pwersa na kinatatakutan at hinahangaan. Sa edad niyang iyon, tila nasa kanya na ang lahat-kapangyarihan, yaman, at kagandahang nakakasilaw. Ngunit sa likod ng kanyang mga mamahaling designer suits at ang malamig niyang pakikitungo sa mga tao, may isang pader na pilit niyang itinatayo. Sanay si Marissa na mag-isa sa tuktok. Para sa kanya, ang bawat tao ay may gamit, at kapag hindi na kapaki-pakinabang, ay dapat nang itapon. Ang kanyang tahanan, ang Casa de Alcantara, ay repleksyon ng kanyang pagkatao: malawak, marangya, ngunit napakalamig.