etherialink
Hindi ko kailanman hiniling na buhatin niya ako. Hindi ko sinabing saluhin niya ang lahat ng bigat ko, ang bawat gabi ng pagod, ang mga luha at takot na ako mismo ay hindi kayang pangalanan, nandoon siya... palagi.
Sa tuwing guguho ako, siya ang nananatiling nakatayo, pilit akong hinahawakan na parang takot siyang tuluyang mawala ako kapag binitawan niya.
Sa bawat pagkakataong sinasabi niyang ayos lang siya, mas lalo akong umaasa. Mas lalo akong kumakapit. Hindi ko napansin kung paanong sa bawat pagbuo niya sa akin, may mga bahagi ng sarili niyang unti-unting nawawala.
Hindi ko alam kung kailan naging kasalanan ang maging mahina. Hindi ko alam kung kailan naging sobra ang paghingi ng pag-unawa. Ang alam ko lang, may mga pagmamahal na tahimik pero mabigat, at may mga taong marunong magmahal sa paraang inuubos na nila ang sarili nila.
At kahit ginawa niya ang lahat, kahit pilit niyang binuo ang mga basag kong piraso, kahit nauubos na rin siya, walang nagbago.
Hindi ko pa rin kayang manatili sa tabi niya, kahit mahal ko, kahit totoo.
Dahil sa huli, ako pa rin ang talo.