TheBlessedLA
Umaandar ang jeepney sa gitna ng lungsod ng Maynila. . .byaheng PRC hanggang Mantrade, Mantrade pabalik ng PRC.
Sa bawat andar nito, kumakalampag ang bakal. Sumasabay ang alikabok sa hangin. Sumisingit ang usok, ingay ng busina, at sigawan ng kalsada.
Parang buhay. Paikot-ikot. Pabalik-balik. Tuloy-tuloy. Maingay. At pamilyar sa lahat ng araw-araw na sumasakay.
Sakay. Baba. Uulit.
Sa labas, mabilis ang mundo.
Sa loob, masikip at dikit-dikit ang mga katawang halos walang espasyo para huminga.
Para sa karamihan, biyahe lang ito. Wala nang iba.
Ngunit sa loob ng maliit na espasyong iyon. . .sa pagitan ng pawis, alog, at ingay, may mga buhay na tahimik na gumagalaw.
May isang estudyanteng araw-araw nagsisikap makapagtapos upang makaahon sa hirap ng buhay.
May tinderang nag-aalala kung mauubos ba ang mga panindang dala niya.
May empleyadong balisa, hindi mapakali sa kung anong naghihintay sa kanya.
May magkasintahang mukhang masaya.
At marami pang iba.
Pare-parehong nakasakay sa iisang jeep. Ngunit hindi iisang mundo ang ginagalawan.
Sa loob ng ilang minutong biyahe, nagtatagpo ang kanilang mga landas-mga buhay na sandaling nagkakasalubong sa isang masikip na espasyong maghahatid sa kanila sa kani-kanilang patutunguhan.
Magsisimula sa isang simpleng "Bayad po," at magtatapos sa bawat "Para po."
Ngunit sa pagitan ng mga salitang iyon...
Nariyan ang mga kwentong hindi nakikita.
Isang desisyong unti-unting binubuo.
Isang sugat na pilit itinatago.
Isang katotohanang handa nang sumabog.
At hindi nila alam...
Sa ilang minutong magkakasama sila sa iisang biyahe, may mga bagay na tahimik na magbabago sa direksyon ng kanilang mga buhay.
Hindi humihinto ang jeep para sa mga kwento.
Ngunit kahit sa gitna ng pag-andar nito...
Nangyayari ang mga kwento.
Isa-isa.