mayu_maisse
Aral dito, trabaho doon-halos wala nang pahinga si Erina para lamang mabayaran ang mga bills at malaking utang na iniwan ng kanyang ama. Minsan, napapaisip siya kung isinilang ba siya sa mundo para lamang magdusa.
Hanggang sa isang trahedya ang naganap-bumagsak ang sugatan niyang katawan mula sa Jones Bridge patungo sa ilog Pasig, biglang naglaho ang sakit na kanyang nadarama at napalitan ito ng pamamanhid at isang kakaibang pakiramdam. Sa kanyang pag-ahon, ibang tulay, ibang panahon at ibang simoy ng hangin ang sumalubong sa kanya. Lumang kapaligiran, kasuotan, at mga taong tila galing sa nakaraan ang kanyang nasilayan.
Sa panahon ng Kastila, naranasan ni Erina ang isang pamumuhay na lubos na naiiba sa modernong mundong kanyang kinasanayan. Unti-unti, lumawak ang kanyang kaalaman sa kasaysayan. Natagpuan niya ang sarili sa piling ng isang buo at maayos na pamilya, nakatagpo ng mga bagong kaibigan, at higit sa lahat, umusbong sa kanyang puso ang isang hindi pamilyar na pakiramdam nang makilala ang lalaking magtuturo sa kanya kung ano nga bang kahulugan ng pag-ibig. Ngunit isang tuso at kinatatakutang kapitan ng hukbo ang biglang gumulo sa kanyang isipan at damdamin. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, ang kasiyahan, kapayapaan, at pagmamahal ay natagpuan niya sa taong hindi niya inasahan.