MaikeaHeart
"Look at me, Summer Blaze."
Sa sobrang liwanag ng ilaw dito sa aking silid ay kitang kita ko kung paano gumalaw ang mga kamay niya para hubarin ang mga damit niya. Balewala lang sa kanya kahit na tanging bra at panty nalang niya ang natitira. Ibang klase, hindi man lang siya nakaramdam ng kaba habang inaalis ang saplot sa katawan.
Hindi ko alam kung namamalikmata ba ako, o nag-iilusyon, pero ang katawan ni Arianne ay napakaraming marka ng sugat, ang iba ay may mga pasa pa na tila galing sa mga taong inutusan ko para pagtripan siya. Ang ibang galos ay sariwa pa at mukhang hindi pa nagagamot.
Sa isang babaeng kasing ganda ni Arianne ay hindi mo aakalain na natatago ang ganitong nakakalungkot na imahe. Nakaramdam ako bigla ng panliliit sa sarili.
"Ang mga ito ay galing sa pisikal na pananakit ng aking kapatid, Summer." Walang emosyong pahayag niya. "Nagmarka ang pagiging bayolente niya sa katawan ko, at ang ilan namang sugat ay galing sa mga taong inutusan mo para pagtripan ako." Umangat ang gilid ng labi niya. Tila naghahamon.
Nagbaba ako ng tingin sa sobrang kahihiyan. Bahagya ring nanikip ang dibdib ko. Naalala ko bigla ang dalawa kong kapatid na palagi kong sinasaktan ng pisikal. May nagmarka kaya sa mga katawan nila? Hindi ako nalalayo sa kapatid ni Arianne. At ang mga naranasan ng mga kapatid ko ay naranasan rin niya.
"Summer."
Muli akong tumingin sa kanya. Kung kanina ay walang emosyon ang mga mata niya, ngayon ay tila palaban na naman siya. Matapang at walang kinatatakutan. Katulad noong unang beses kaming nagkita.
"Sanay na ang katawan ko sa lahat ng pisikal na pananakit, Summer. Hinding hindi mo ako mapapasuko."