Mr_wrights
- Reads 2,397
- Votes 29
- Parts 3
Noong taong isang libo, walong daan at animnapu't pito, habang ang ating bansa, ang Pilipinas, ay nasa ilalim pa ng panahon ng kolonya ng Espanya, sa ilalim ng Las Siete Partidas, ang pag-ibig sa kaparehong kasarian ay crimen contra natura, krimeng laban sa kalikasan. Ang mabigat na parusa'y haharap ka sa bayan nang hubad at walang sapin, puputulin o susunugin ang iyong pagkalalaki, at ihuhulog ang iyong ulo sa lupa. Ganoon kabilis burahin ng Espanya ang pangalan mo sa kasaysayan.
Sa panahong ito'y nagtagpo ang landas ni Ginoong Tapioca Salvacion, at heneral Isidro Garcia. Si Tapioca na isang alipin sa tahanan ng heneral na ang tungkuli'y alagaan ang mga halaman sa hardin at si Heneral Isidro na inatasang durugin ang mga erehe, filibustero, at salaula sa mata ng Espanya.
Ngunit sa pagitan ng mga rosas na dinidiligan at espadang hinahasa, may namuong hindi kayang ipaliwanag ng doktrina. Isang sulyap na tumatagal. Isang katahimikang mas maingay pa sa putok ng kanyon. Isang haplos sa likod ng kamay na sapat na para isumpa ang kanilang kaluluwa.
Sa lupaing pinaghaharian ng krus, tabak, at batas na isinulat ng mga prayle, anong higit na mas matimbang? Ang pusong ihahatid ka sa huling hantungan o ang isip na magliligtas sa iyo ngunit nagsasabing hindi ka makararamdam ng kaligayahan?