hira_yaali
Kung alam mo na kung saan hahantong ang isang kuwento ng pag-iibigan, pipiliin mo bang hayaan itong mangyari o susubukan mong baguhin ang wakas nito?
Alam ni Serena Alcántara ang kuwento.
Isang pag-iibigang isinilang sa ilalim ng nakakasilaw na mga ilaw ng Philippine showbiz-isang kuwentong minahal ng marami, na tila isinulat para sa kawalang-hanggan.
Adrian Monteverde at Bianca Santos.
Dalawang bituin na nagningning sa iisang kalangitan, at para sa lahat, sila ang larawan ng pag-iibigang nakalaan sa isa't isa.
Ngunit alam ni Serena ang wakas.
Alam niya ang sakit sa likod ng mga ngiti, ang mga pangakong mababasag, at ang pag-iibigang magiging alaala.
Hanggang sa isang simpleng hiling ang nagdala sa kaniya sa panahong hindi pa naisusulat ang kanilang wakas.
Isang panahong labing-apat na taon bago pa siya ipinanganak.
Ngunit hindi lamang panahon ang nagbago.
May isa pang Serena Alcántara sa panahong iyon-isang babaeng kapareho niya ng mukha at edad, ngunit may ibang buhay, alaala, pangarap, at tahanan.
At sa kabilang panig ng panahon, may isang Serena ring nagising sa mundong hindi niya kilala.
Dalawang Serena.
Dalawang panahon.
Dalawang buhay na hindi kailanman dapat nagtagpo.
Habang sinusubukan ni Serena na mabuhay sa panahong hindi naman dapat naging kaniya, unti-unti niyang nasasaksihan ang kuwentong dati lamang niyang kilala mula sa mga lumang larawan at palabas.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na lamang siya tagamasid.
Dahil ang nakaraan ay maaaring hindi kasing-dali ng kuwentong alam niya.
At sa gitna ng lahat ay si Adrian Monteverde-ang lalaking minsan niyang hiniling na sana'y siya na lamang ang babaeng mamahalin.
Ngunit paano kung ang pagdating niya sa nakaraan ay may mabago?
Paano kung ang kuwentong akala niya'y alam na niya ay may mga lihim palang hindi kailanman naisulat?
At paano kung sa pagtatangkang baguhin ang wakas ng kuwento ng iba, siya mismo ang maging bahagi ng kuwentong hindi niya kailanman dapat naisulat?
1994, With You.