AGENT_WRITER
Una sa lahat si Demi Ortiga ay hindi isang mabuting tao. Sassy. Mapanghusga. Mayabang. At kung may listahan ng mga taong siguradong hindi welcome sa langit, malamang nasa top spot siya.
Kaya nang mamatay siya at tuluyang mapunta sa lugar na kinatatakutan ng lahat, wala siyang ibang hiniling kundi ang makabalik sa buhay.
At nagkaroon siya ng pagkakataon.
Isang deal ang iniaalok sa kanya.
Isang daang araw. Isang tao.
Kailangan niyang hanapin si Gabriel San Cielo. Isang binatang halos perpekto sa kabutihan. Mabait sa lahat, mapagbigay, walang bahid ng kasalanan, at tila pakpak at halo na lang ang kulang para tuluyan nang matawag na anghel.
Ang misyon ni Demi?
Gawin siyang masama. Bahidan ng kasalanan.
Kailangan niyang mahulog si Gabriel sa bawat isa sa pitong deadly sins bago matapos ang isandaang araw. Kapag nagtagumpay siya, makukuha niya muli ang buhay niya.
Pero kapag nabigo...
May kapalit ang kanyang pagkabigo.
Habang pilit na tinuturuan ni Demi si Gabriel kung paano maging masama, kabaligtaran naman ang nangyayari. Sa bawat araw na magkasama sila, unti-unting natututo si Demi ng mga bagay na hindi niya kailanman pinahalagahan noong nabubuhay pa siya-kabaitan, pagtitiwala, pagpapatawad, at pagmamahal.
At ang mas nakakatakot?
Unti-unti niyang nagugustuhan ang taong dapat niyang sirain.