naryan_paul
Walang direksyon ang kuwentong ito-magulo, parang buhay mismo, parang pag-ibig na natigil sa pagitan ng mga labi at puso. Ginagawa kong kathang-isip, ngunit alam kong sa bawat titik, may katotohanang humihikbi sa pagitan ng mga linya.
Sa alternatibong realidad sa aking isipan, ako, sa mga sandaling iyon-sa taong walang iniwan sa akin kundi mga tanong na gumagambala sa gabi: Paano kung sinabi ko? Paano kung naging matapang ako? Hindi ito nobelang may maayos na banghay; ito'y talaarawan ng mga posibilidad na hindi ko pinili, ng mga salitang kinain ng takot at pagkabigo.
Ngayong huling taon ko sa kolehiyo, habang unti-unting umuunti ang mga paksa, may isang lalaking nananatiling buhay sa aking alaala. 'Paano kung', sa huling pagkakataon, sinabi kong gusto ko siya? Hindi ko alam kung may saysay pa ang tanong na ito- marahil wala nang patutunguhan ang sagot-ngunit narito ako, sinusulat ang mga salitang hindi kailanman nakarating sa kanya, ginagawang walang hanggan sa pahina ang damdaming dapat sana'y nanatiling alaala.
Ginagawa kong nobela ang aking talaarawan, dahil mas madaling ipahayag ang katotohanan kapag nakabalot ito sa piksyon. Walang magandang wakas-hindi lahat ng pag-ibig ay may magandang pagwawakas. Ngunit sa pahinang ito, sa ibang mundo na aking nilikha, ako'y malayang maging totoo.
At kung sakaling mabasa mo man ito, sana'y malaman mong sa ibang dimensyon, may bersyon ng akin na naglakas-loob. Dito, sa mundong ito, ang tanging nagawa ko na lang ay isulat ito-ang kuwento ng ating hindi naging kuwento.
---
Mula sa puso ni Naryan Paul