SileQueen
Bawat lahi ay may halaga, bawat nilalang ay may itinakdang lugar at layunin sa mundong ito. May mga ipinanganak upang humawak ng espada, mayroon namang upang bumuo ng pamilya, at may mga itinalaga upang maging sandigan ng lahat. Hindi natin hawak ang anong hatid ng bukas, hindi natin mapipigilan ang paggalaw ng tadhana-ngunit ang bawat hakbang, ang bawat pinipili nating landas, ay hawak natin nang buo.
Ang itinuro sa akin ng mga nagpalaki, ng mga alaala ng mga nawala na, ay simple lamang: maging mabuti, at gamitin ang anumang biyaya o kapangyarihan sa paraang tama at marangal. Kaya ang pagtulong ay hindi pilit sa akin-ito'y bukal mismo sa aking puso. Alam ko ang takot, nararamdaman ko rin ang pangamba-ngunit natutunan kong manatili lamang ito sa dibdib. Hindi ito dapat maging tanikala na pipigil sa atin upang gawin ang nararapat.
Ngayon, nakatayo ako sa pasukan ng isang mundong puno ng sugat na matagal nang hindi naghihilom. Ibang laban ang kailangan kong harapin-hindi laban ng espada at kalasag, kundi laban sa paglimot, sa kawalan ng pag-asa, at sa bigat ng pagiging nag-iisa.
Ito ang mundong aking tatahakin. Ang mundong kung saan ako na lamang ang natitira. Ang huling Healer.