bluebykai
Gusto kita, pero alam kong may gusto kang iba.
Hindi man ako ang hinihintay na panauhin ng iyong puso, nanatili pa rin ako sa gilid-umaasang kahit saglit, mapansin mo rin ako.
Alam kong sa tuwing ngumiti ka, hindi ako ang dahilan.
Sa tuwing nagkukwento ka tungkol sa kanya, tahimik lang akong nakikinig, pilit tinatanggap na ako ang tagapakinig ng kwento ng pag-ibig mo para sa iba.
Hindi ko hiniling na mahalin mo ako.
Hindi ko rin hiniling na piliin mo ako.
Ang tanging hiniling ko lang noon ay ang manatili ka-kahit hindi ako ang kasama mo sa mga pangarap mo.
Pinili kong huwag magsalita.
Dahil natatakot akong kapag sinabi ko ang totoo, tuluyan na kitang mawala.
Mas madali kasing masaktan nang tahimik kaysa marinig mismo ang salitang "hindi."
Kaya minahal kita sa paraang hindi mo alam.
Sa mga simpleng sulyap.
Sa mga sandaling magkalapit tayo pero hindi magkasama.
Sa mga pagkakataong gusto kitang hawakan pero pinili kong itago ang mga kamay ko sa bulsa.
At habang ikaw ay unti-unting lumalapit sa kanya, ako naman ay unti-unting natutong lumayo.
Hindi dahil ayaw na kita.
Kundi dahil sa huli, marahuyo man ako sa'yo, kailangan ko ring piliing iligtas ang sarili ko.