aclrsty_
Sa mundong puno ng matatamis na pangako at mapanlinlang na salita, natutunan ni Maureen Isabella Soriano na may mga pag-ibig na kahit gaano kalalim, hindi sapat upang manatili ang isang tao sa piling mo. Noong una, si Zephan Kaiser Almonte ang lahat ng kanyang pinangarap, ang ligtas na bisig na handang sumalo sa kanya sa bawat pagbagsak, ang tinig na nagpapatahan sa kanya sa gitna ng bagyo, at ang presensyang naging tahanan sa gitna ng magulong mundo. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mga yakap na minsang puno ng init ay naging malamig, at ang mga salita na dati'y puno ng pang-unawa ay naging matalim na sibat na paulit-ulit niyang tinatanggap.
Unti-unti, bawat araw ay nagiging laban, hindi laban para sa kanilang relasyon, kundi laban para manatiling buo ang sarili niya. Natutunan niyang ang pagmamahal na walang kasabay na respeto ay parang bangkang walang timon, patuloy na lulubog kahit gaano mo subukang isalba. Habang ang mga alaala nilang puno ng tawa at pangarap ay dahan-dahang nilalamon ng mga sugat at pangungutya, naiwan si Maureen sa isang tahimik na labanan sa loob ng kanyang puso, pipiliin bang lumaban kahit siya na lang ang natitira, o bibitaw na para iligtas ang sarili?
At sa huli, dumating ang sandaling kinakatakutan niya, ang oras kung kailan wala nang matitirang pag-asa, kahit gaano pa niya piliting maghanap ng liwanag. Doon niya natutunan ang pinakamapait na katotohanan, may mga kwento talagang nagsisimula sa pag-asa, sa pangakong "hindi kita iiwan," ngunit magtatapos sa kawalan... sa pagiging hopeless.