MidnightEscolta
Namatay ang kanyang ina sa panganganak, at ang kanyang ama nama'y bumuo ng bagong pamilya. Bagama't pinatuloy siya sa tahanan ng ama, nanatili siyang isang "sampid" sa piling ng bagong pamilya. Pinakain, binihisan, at pinag-aral siya-ngunit kapalit nito ang paninilbihan bilang katulong sa sariling tahanan.
Si Anna Marie ay nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtatrabaho sa Pambansang Museo. Pangarap niyang maging manunulat ng mga kuwentong pambata; kaya sa tuwing may oras, siya'y sumusulat at gumuguhit ng mga imahinasyon.
Sa museo, isang lumang pinta ang palaging humihila ng kanyang paningin-larawan ng isang heneral na hindi kailanman natapos. Ang obra, pinamagatang Ang Wakas ang Simula (Unfinished Painting, Unknown Artist), ay nasira ng panahon o marahil ng kaguluhan sa palasyo noong 1500s. Tanging mula sa labi pababa ang makikita, at wala nang ibang tala o larawan upang muling buuin ang anyo ng heneral.
Sa tuwing tinititigan ito ni Anna Marie, may lungkot siyang nadarama-hindi lamang para sa pinta, kundi para sa tauhang nakaguhit dito. Siya si Prinsipe Aris, ang pinakabatang heneral sa kasaysayan: matapang na lumaban sa mga mananakop, ngunit kinatatakutan din bilang malupit na pinuno. Kaya't hindi niya mawari kung saan nagmumula ang kalungkutan, sapagkat ang kalupitan ni Prinsipe Aris ay tila kauri ng kalupitan ng kanyang ama sa kanya.
Kung may pagkakataon lamang, nais ni Anna Marie na makita ang tunay na anyo ni Heneral Aris-upang siya mismo ang makapagtapos ng pintang iyon. Ngunit imposible: matagal nang naglaho ang prinsipe, at walang bakas na naiwan upang muling mabuo ang kanyang mukha. Ngunit kung ang isang obra ay may kakayahang maging pintuan patungo sa nakaraan, handa ba siyang tumawid sa panahong iyon upang makaharap ang prinsipe? At handa ba siyang isugal ang kanyang kasalukuyan upang muling isulat ang nakaraan?