Naleeia_Maki
[Hisashi Mitsui FanFiction]
•Slam Dunk FF Series #2.
Noong panahon ng junior high, si Hisashi Mitsui ang isa sa pinakamagagaling na basketball player sa court. MVP ng Takeishi Junior High.
Isang batang puno ng pangarap, talento, at determinasyon.
Dahil sa paghanga niya kay Coach Anzai, nangako siyang papasok sa Shohoku High School upang maging mas mahusay na basketball player sa ilalim nito. Buo ang paniniwala niyang basketball ang magiging daan niya para maabot ang mga pangarap niya.
Ngunit tila ba biglang gumuho ang lahat nang magtamo siya ng malubhang injury sa tuhod. Mula sa pagiging star player, unti-unting napalitan ng galit, inggit, at frustration ang dating apoy niya para sa basketball.
Iniwan niya ang court.
At kasabay no'n, unti-unti ring nawala ang dating Hisashi Mitsui na masayahin at determinado. Nagsimula siyang lumiban sa klase, sumama sa mga gangster, makipag-away, at naging isa sa pinakakinatatakutang delinquents ng Shohoku.
Hanggang sa makilala niya si Reese.
Isang babaeng kilala ring malamig, tahimik, at mahirap lapitan.
Katulad niya, madalas din itong napagkakamalang walang pakialam sa lahat. Hindi palangiti.
Hindi mahilig makisalamuha. At laging may malamig na tingin na tila ba tinataboy ang kahit sinong magtangkang lumapit.
Marami ang natatakot kay Reese dahil sa pagiging detached at unpredictable nito. Ngunit sa kabila ng tahimik at matigas nitong personalidad, siya lang ang taong hindi natitinag sa galit at pagiging magulo ni Mitsui.
At sa unang pagkakataon matapos niyang talikuran ang basketball... may isang taong tumingin sa kanya na parang hindi pa siya tuluyang nasisira.
Pero paano kung habang unti-unting bumabalik si Mitsui sa basketball, siya rin namang unti-unting nahuhulog kay Reese?
Kaya pa ba nilang buksan ang mga pusong matagal nang isinara? O pareho lang silang masasaktan sa huli?