joshieeeeen
Sabi nila, 'yung sunset daw ang pinaka-aesthetic na view. Pero para sa akin? Mas gusto ko 'yung view dito sa tabi ko.
Pinagmamasdan ko lang si Theo habang nakatingala siya sa langit. 'Yung sikat ng araw, tumatama sa mukha niya. Ang guwapo niya talaga, 'yung tipong kahit pawisan pagkatapos ng practice, lilingunin mo pa rin. Sayang lang, kasi kahit gaano ko siya katitigan, alam ko namang hinding-hindi siya titingin sa akin nang gaya ng gusto ko.
"Ganda, 'no?" biglang sabi niya, sabay sulyap sa akin.
Ngumiti lang ako nang pilit. "Oo, 'tol. Sobrang ganda."
'Tol. 'Yun lang naman ako sa kanya, 'di ba? Best friend. Shoulder to cry on. Taga-salo ng lahat ng drama niya sa buhay.
Sanay na ako, eh. Sanay na akong maging anino niya. Alam ko naman kung saan ako lulugar. Alam ko na sa kwentong 'to, ako lang 'yung talo. Pero okay lang. Kahit masakit, titiisin ko. Basta huwag lang siyang mawala sa tabi ko.
Naalala ko na naman 'yung kanta... 'yung linyang laging naglalaro sa isip ko:
At kung hindi man dumating sa akin ang panahon, na ako ay mahalin mo rin... asahan mong hindi ako magdaramdam.
Kasi sa totoo lang, Theo, sapat na sa akin na nandito ako. Sapat na na nakikita kitang masaya, kahit hindi ako 'yung dahilan.
Kahit na 'yung pagmamahal ko sa'yo... hinding-hindi mo naman susuklian.
Dahil ang totoo, walang kapalit ang lahat ng 'to.